FULL TEXT | Homily of Bishop Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during the online Sunday Mass at the Our Lady of Fatima Parish in Pasay on May 9, 2021, at 10 am.

Happy Mother’s Day! Batiin naman ninyo ang mga nanay na kasama ninyo ngayon…. Ang Ina, ang nanay ay na-rerelate natin sa pag-ibig. Our first experience of love is through our mother. Even before we were born we already experienced the love of the mother. In fact we are born because of the love of the mother. Literally they gave us life. Kinuha natin ang ating pagkain,ang ating dugo, ang ating oxygen sa kanila sa loob ng siyam na buwan! Ano ba ito kundi pagmamahal? And it just so happens that the theme of our readings this Mother’s Day is about love. Maliwanag na ang paksa ng second reading natin at ng ating gospel ay ang pag-ibig.

Sinabi sa atin sa pagbasa, na kapag pinag-uusapan natin ang pag-ibig, huwag natin isipin agad ang ating pag-ibig, kundi ang pag-ibig sa atin ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at ang lahat ng tunay na pag-ibig ay galing sa kanya. Tulad na ang Diyos ang source ng buhay siya rin ang source of pagmamahal. Kaya ang pagmamahal ng nanay ay galing sa Diyos, kinikilala man nila ito o hindi. Noong nagpakita ang Diyos kay Moises sa burning bush, tinanong ni Moises ang Diyos: Sino kayo? Ano ang pangalan ninyo? Kung tatanungin ako ng mga Israelita kung sino ang nagpadala sa akin, ano po ang isasagot ko? Ang sagot ng Diyos kay Moises ay AKO SI AKO. SI AKO ang nagpadala sa iyo. God is HE WHO IS. Ngayon po binuo ng Diyos ang pahayag niya tungkol sa kanyang sarili. God is HE WHO IS LOVE. AKO SI PAG-IBIG. This is the being, the nature of God. Kaya ang iisang Diyos natin ay ang community of love. God is an eternal mutual exchange of love among the Father, the Son and the Holy Spirit.

At ang maganda balita ay isinama tayo ng Diyos sa pagmamahalan na ito. Sinabi ni Jesus: Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo. Ang pag-ibig sa atin ni Jesus ay ang pag-ibig na tinatanggap niya sa Ama. It is a divine love. Ang paki-usap lang niya ay huwag na kayong kumalas sa pag-ibig na ito – remain in my love. Magandang balita mga kapatid: we are loved, and none else but by God. Minamahal ako! Isigaw natin ito: Minamahal ako!

Totoo ba? Ano ang proof na mahal ako ng Diyos? Ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang anak bilang pag-aalay para sa akin. Kaya kung naibigay na niya ang kanyang anak para sa akin, ano pa kaya ang hindi niya maibibigay sa akin? Bakit ako natatakot? Bakit ako nalulungkot? I am loved, and no less than by God!

Ang pakiusap lang niya ay hayaan kong mahalin ako. Manatili ako sa kanyang pagmamahal. Nananatili ako sa kanyang pag-mamahal kung tinutupad ko ang kanyang utos. May mga tao gusto ng pag-ibig pero ayaw ng utos. Ang pag-ibig daw ay hayaan mo na ako na gawin ang gusto ko – no restraint, no rules. Hindi ito pag-ibig. Ito ay selfishness. Kung iniibig natin ang nanay natin, gagawin natin ang gusto niya. Sinusunod natin siya. Ganoon din sa pag-ibig natin sa Diyos.

At ano ang utos ng Diyos? Mag-ibigan tayo tulad ng pag-ibig niya sa atin. Dito rin binuo ni Jesus ang Lumang Tipan. We are told in the Old Testament to love our neighbors as ourselves. Ang sukatan ng pagmamahal natin sa kapwa ay ang pagmamahal sa sarili. Ang ayaw nating gawin sa atin huwag natin gawin sa iba; ang gusto nating gawin sa atin ay gawin natin sa iba. Sa New Testament ang sukatan ng pag-ibig natin sa kapwa ay ang pag-ibig ni Jesus. At paano umibig si Jesus? He gave himself so that we may live. Walang nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. At ganyan ang pag-ibig ni Jesus. Minahal tayo hanggang sa wakas – sa buong pag-aalay ng sarili niya sa atin. Ito ang ipinagdiriwang at pinasasalamat natin sa bawat misa. Talagang biniyak ang kanyang katawan para sa atin; binuhos ang kanyang dugo alang-alang sa atin. He gave his all.

Bakit naman sinabi niya ito sa atin? So that his joy may be in us and our joy may be full. Ang kapalit ng pananatili sa pag-ibig niya sa atin, ng ating pagsunod sa kanyang utos, ang pag-ibig tulad ng pag-ibig niya ay… mapapasaatin ang kagalakan, ang joy ni Kristo. Hindi lang siya magbibigay ng kaunting aliw sa atin. He gives us joy and not just pleasure. And it is when we have the joy of Jesus that we have the fullness of joy. Kaya walang santo na malungkot. May mga santo na hirap sa buhay, na may sakit, na pinasasakitan, pero walang santo na malungkot. Because one can be joyful and be really happy even in the midst of suffering and pain. Nararanasan ito ng ating mga nanay. Kahit na hirap sila, kahit na pagod at may maraming problema, sila ay masaya dahil sa pagmamahal  nila sa kanilang mga anak.

Kapag pinag-uusapan natin ang pag-ibig, ang madalas na naiisip natin ay ang pagmamahalan sa ating mga kasama sa buhay – sa nanay, sa tatay, sa mga anak, sa mga kapatid, sa mga kaibigan o sa mga kamag-anak. Totoo, pag-ibig iyan pero hindi lang iyan ang dapat nating mahalin. May tinatawag din na pag-ibig sa lipunan – the social aspect of love. Kaya mayroon tayong pag-ibig sa bayan. Kung may mga taong nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak o mga magulang kasi mahal nila sila, may mga tao ring nagsakripisyo para sa bayan. Iyan iyong mga bayani natin. Pinaninindigan nila ang bayan, pinag aalayan pa nga ng buhay. Pagmamahal din ito. At tinatawag din tayo sa ganitong pagmamahal sa bayan. Mahalagang isaalang-alang natin ito kasi sa kasalukuyan may mga issue tayo tungkol sa bayan – tulad ng usapin sa West Philippine Sea. Ito ba ay handa nating ipagtanggol, o hahayaan na lang natin na kunin ito ng iba, kasi ayaw nating saktan ang kaibigan nating dayuhan o dahil sa utang na loob sa kanila? Nasaan iyong pagmamahal sa bayan? Lalo dapat ito ipakita ng mga sumumpa na ipagtatanggol ang bayan!

Ngayon ay May 9.  Next year, May 9, ay election day natin. Exactly isang taon na lamang, election na naman. Sa panahon ng election nalalaman ang social aspect of love. Dito nakikita ang pagmamahal sa bayan, o ang pagsasamantala sa bayan, o ang kapabayaan sa bayan. Mahal natin ang bayan kung ang pinipili nating mamuno sa bayan ay ang karapat-dapat para sa ikabubuti ng lahat, the common good. Pero kung ang pinipili natin ay ang magbigay sa atin ng pera o ng pabor, o nagpadala lang tayo sa sabi-sabi, ay hindi talaga natin isinasaalang-alang ang kabutihan ng bayan. Hindi tayo nagmamahal, wala tayo sa Diyos na pag-ibig.

Pero hindi lang sapat na bumoto nang maayos. Paano naman boboto ng nararapat na wala namang nararapat na tumatakbo? Ang politika ay hindi masama. Ang pakikisangkot sa politika ay maaaring isang pagpapahayag ng pag-ibig sa bayan. Kapag mabuti ang mga kandidatong tumatakbo, maaaring may pagpipilian ang mga tao. Kaya dapat may mabubuting tao ding tumaya ng sarili alang-alang sa bayan. Kaya habang nananawagan tayo sa mga tao sa pagboto ng maayos, nananawagan din tayo ng mabubuting tao na tumakbo para sa bayan.  Mahirap ito, totoo. Pero hahayaan na lang ba natin na ang kinagawiang mga politico, na mga TRAPO, ang pagpipilian natin? Is election just a matter of choosing the lesser evil? Kaya tumakbo ang mabubuting tao at piliin ng mga tao ang mabubuti.

Mga kapatid, dahil sa ang Diyos ay pag-ibig, at ang lahat ay nasa ilalim ng Diyos, ang lahat ng pagkilos natin ay dapat ginagabayan ng pag-ibig. Mahal na tayo ng Diyos. Manatili na lang tayo sa kanyang yakap ng pagmamahal. Sundin natin ang kanyang utos. Mahalin natin ang ating kapwa kasama na rito ang ating kapwa Pilipino at ang bayan nating Pilipinas. Huwag tayo manood lang habang pinaglalaruan ang ating bayan. Let us stand up and be involved. The opposite of love is not only hatred. More often it is indifference. (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC)

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *