FULL TEXT | Homily of Bishop Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during Mass for the Opening of Jubilee Door of the Archdiocesan Shrine of Santo Nino de Tondo on April 16, 2021

Homily delivered by Most Rev. Broderick S. Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during Mass for the opened the Holy Door of the Archdiocesan Shrine of Santo Nino de Tondo on April 16, 2021, at 6:30 am.

Sinumulan na po ang ating selebrasyon ng ikalimang daang taong anibersayo noong Easter Sunday, April 4, noong binuksan po sa lahat ng mga cathedral ng mga dioceses ang kanilang Banal na Pinto, ang kanilang Jubilee Door. At ginawa din po natin yan sa Manila Cathedral ng alas diyes ng umaga noong April 4.

Ngunit dito po sa atin sa Archdiocese of Manila, dahil po sa Malaki ang ating Archdiocese, binigyan po tayo ng Roma ng pribilehiyo na magkaroon ng labindalawang mga pilgrim churches na magkakaroon ng bawat isa ng kanilang mga Holy Door, Banal na Pintuan. At binubuksan po natin yan isa isa sa loob ng mga linggong ito.

Masuwerte po tayo at dito sa Tondo, sa ating Archdiocesan Shrine of Santo Nino, napili po tayong isa sa mga pilgrim churches. Itong ating pagbubukas ng Holy Door ay naka-schedule dapat noong nakaraang Linggo. Ngunit dahil sa hard lockdown, hindi natin nagawa, ay salamat sa Diyos nabukas natin ngayong umaga.

Itong pagbubukas po ng Holy Door ay sagisag ng pagpasok natin sa simbahan upang matanggap ang grasya ng Diyos. Kaya ang simabahan po natin ay isang pilgrim church. Pumasok po tayo dito, magdasal tayo para sa Santo Papa. Magsimba tayo, tumanggap ng Banal na Komunyon, magkumpisal at tayo po’y makakatanggap ng plenary indulgence. Yan po yung pagpapatawad ng mga damages na dala ng ating kasalanan. Napatawad na tayo sa ating kasalanan noong tayo’y nangumpisal pero kung talagang tayo’y nagsisisi, may mga damages pa na dapat nating ayusin kasi ang kasalanan natin ang nagdala ng damage. Tulad po ng ganito, naglaro kayo ng bola, ay tumama ang bola sa bintana ng iyong kapit bahay, nabasag yung bintana. Lumapit kayo sa kapit bahay humihingi ng tawad. At mabait naman yung kapit bahay, pinatawad kayo. Ok, hindi na ako magtatanim ng sama ng loob sa iyo. Maayos na ang ating relationship, pero basag yung bintana. Kung talagang ikaw ay nagsisisi sa iyong ginawa, hindi lang sapat na magsabing, “sorry”….kung papalitan yung bintana kasi nabasag yung bintana. So, ganun din po, napatawad na, maganda ng relationship pero may damage na ginawa. Kaya ang plenary indulgence, yung damage na ginawa ay binayaran na. Hindi lang tayo pinatawad at sinabi pa sa atin na, sige wala ka ng sagutin. At ito yung plenary indulgence na lumalapit tayo sa simbahan. Ina-apply natin sa ating sarili. Kaya kapag ikaw gumawa ng plenary indulgence at namatay ka, agad diretso ka sa langit, wala ka nang babayaran pa. binigay na ng simbahan, binayaran na ng simbahan para sa’yo. Puwede nating i-apply yan sa isang kamag-anak na namatay na, na baka nangangailangan pa, nagbabayad pa siya. Napatawad na siya ng kasalanan ngunit nagbabayad pa siya, kulang pa siya sa pagmamahal. At puwede ng i-apply sa isang kaibigan, isang kamag-anak na yumao na at siya’y pupunta na sa langit dahil sa gumawa ka ng plenary indulgence. At iyan po ay magagawa natin ng buong taon. Totoo, marami sa inyo ay nasa online lang, hindi pa nakakapasok dito. Pero, isang taon naman ito. Hanap kayo ng pagkakataon. Sa buong taon bukas naman ang ating simbahan na tayo’y pumunta rito, makapag komunyon, makapag kumpisal at gumawa ng panalangin para sa simbahan, para sa Santo Papa at matatanggap po natin ito. So, iyan po ang biyaya na ibibigay sa atin.

Isa pa pong serbisyo ng mga pilgrim churches na dito po pinapahayag ang Salita ng Diyos. Dito tayo hinuhubog na mas maging malapit sa Diyos. Five hundred years na tayong mga Kristiyano. Pero kulang pa rin ang ating pagiging Kristiyano. Kailangan parating hubugin ang aring sarili upang ang mukha ni Kristo aymakuha natin, ang ugali ni Kristo, ang pananaw ni Kristo ay mapasaatin. Ang Salita ng Diyos ang humuhubog sa atin sa ugali ni Kristo. Ngayong araw, ipapakita natin na kaiba ang paraan ng Diyos kesa paraan ng tao. Kaya kailangan tayong making sa Kanya.

Noong si Hesus ay muling nabuhay, ang mga alagad ay patuloy na nagpapahayag ng mabuting balita. Nagpagaling sila sa isang taong lumpo at sinabi nila ito’y dahil kay Hesus na pinatay nyo ngunit muling nabuhay. Maraming mga tao ang naniwala. Nagalit sa kanila ang Sanhedrin, ang pinakamataas na kapulungan ng mga Hudyo. Pinatawag sila, pinagbawalan sila na magsalita tungkol kay Hesus. Ngunit hindi sila sumunod. Sinabi nila: “Mas maniniwala kami sa Diyos kesa sa inyo. Kayo ang pumatay kay Hesus na binuhay ng Diyos. Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan”.  Ang tapang nila! At nagalit siyempre yung mga leaders ng mga Hudyo, yung mga matatanda.

Paraan ng tao: Gusto na nilang patayin ang mga apostol. Paraan ng mga tao, gusoing pumatay. Gustng i-eliminate. Mabuti na lang may isa silang kasamahan na matalino, si Gamaliel, na siya rin ang naging teacher ni San Pablo. At  pinalabas muna ang mga apostol at kinausap ang mga kasamahan niya.

Tandaan niyo, noong panahon, may ibang mga tao ding nagrebelde tulad na si Feodas. Apat na daan ang kanyang mga kasamahan. Namatay siya at nawala ang kanyang kilusan. Mayroon ding isa na si Hudas na taga Galilea. Ang dami niya ring mga kasama. Namatay siya at nawala na rin ang kanyang mga pagkikilos. Mag-ingat kayo. Kung itong mga apostol na ito ay galing sa tao ang kanilang gawain, mawawala din ito. Ngunit kung yan ay galing sa Diyos, hindi niyo yan mapapatahimik at lalabas pang kumokontra kayo sa Diyos. Maganda nag kanyang payo. Ang payo niya, “Bigyan nyo ng panahon. Ang panahon ay tunay na gamot. Ang panahon ang magpapakita kung iyan ay galing sa Diyos o hindi. Kaya napigilan yung mga leaders na ipapatay ang mga apostol.

Gawain ng tao: Anong ginawa nila? Tinawag nila ang mga apostol at pinahampas, kinastigo. Ano naman ang ginawa nila bakit sila kakastiguhin? Wala namang kasalanan pero hinampas. Iyan din ang gusto ng tao, gustong manakit.

Gawain ng Diyos: Ang mga alagad ay tuwang tuwa. Natuwa ang mga alagad na sila’y pinasakitan kasi para sa kanila, iang pribilehiyo na dumanas ng pasakit alang alang sa Panginoon. Kaya sa isang sulat ni San Pablo sinabi niya: “Tinawag kayo hindi lang upang maniwala kay Kristo ngunit upang bigyang pagkakataon maghirap alang alang kay Kristo. So, they consider themselves worthy to suffer for the Lord Jesus.

Kaya mga kapatid, sa mga kahirapan natin, sa pagsisimba, sa paggawa ng kabutihan, pagtulong sa kapwa o kaya kapag tayo’y sinusumbatan. Kasi tayo’y lumalapit sa Diyos. Sa halip na magalit, matuwa tayo that we are considered worthy to suffer for the Lord Jesus. Iba yung pananaw ng Diyos.

Pananaw ng tao sa ating ebanghelyo: Noong maraming mga taong lumalapit, higit na limang libo na walang pagkain, na kailangang pakainin, dinala ni Andres ang isang bata at sinabi, “Mayroon ditong limang tinapay, dalawang isda”. Ano ba naman ito? Para sa napakarami. Panaw ng tao: Binabalewala natin yung mga maliliit. Binabale wala natin yung beinte singko, yung isang piso. Ngayon may mga namamalimos dito sa atin. Ang hinihingi, limang piso na. Pahingi nga ng limang piso. Wala naman ng humihingi na ngayon ng beinte singko o humihingi ng piso, limang piso na. Baka darating ang panahon manghihingi, sampung piso na. Talagang binabale wala natin yung mga maliliit.

Pananaw ng Diyos: Kinuha ni Hesus ang limang tinapay, dalawang isda. Nagpasalamat sa Diyos, hindi binale wala. Biniyak biyak pa. Konti na nga, biniyak biyak pa at ibinigay pa sa lahat. Konti na lang nga ibinigay pa sa lahat. At sa ganyang praan napakain ang marami.

Hindi ba ganyan ang ginagawa natin sa Pondo ng Pinoy? Hindi natin tinatapon ang beinte singko, ang piso. Naalaala ko nung ako’y nasa Roma isang araw. May lumapit sa akin na isang pulubi, namamalimos. Meron akong barya ibinigay ko ang barya sa kanya. Hindi ko naman alam ang halaga ng pera nila. Basta maliit na barya ibinigay ko sa kanya. Tinapon ba naman sa akin yung barya. “Ano naman ang magagamit ko rito?” Napakaliit daw. Hindi natin pinapahalagahan yung mga maliliit. Pinahalagahan ni Hesus. Yan yung ginamit upang makatulong. Hindi ba sa Pondo ng Pinoy ganun? Ang mga maliliit ay pinaglilikom natin at nakakatulong pa pala sa marami.

Pananaw ng tao: Kapag mayroong marami, binabale wala na natin kaya maraming nasasayang. Punta tayo sa Jollibee o diyan sa Chowking, marami diyang mga tira tira na tinatapon nalang. Pero kay Hesus, pinaipon Niya. Ipunin niyo yung mga tira tira at nakakuha pa sila ng labindalawang…Ayaw ni Hesus na magtapon tayo. Yan yung sinasabi ni Pope Francis, the culture of throw away, tapon culture. Ang maraming tinatapon. Ang daming nangangailangan, marami namang nasasayang. Ayaw ng Diyos na may masayang. Kunin.

Pananaw ng tao: Nakita ng mga tao, nakapakain si Hesus ng marami. Ito siguro yung puwedeng maging hari natin. Imagine, milagro nalang makakakain na tayo, wala nang problema.

Pananaw ng Diyos: Tumakas si Hesus pumunta sa bundok. Hari nga Siya ngunit hindi ganyan ang paghahari Niya na Siya’y titignan ng benefactor. Magiging hari Siya kapag Siya’y naitaas na sa krus. Iyan ganyan ang Kanyang paghahari.

Tignan niyo po, iba ang pananaw ng tao sa pananaw ng Diyos, sa paraan ng Diyos. Kaya kailangan natin making sa Kanyang salita.

Ang tao ay gustong pumatay. Ang Diyos gustong magbigay ng pagkakataon. Ang tao ay gustong magparusa. Ang Diyos ay natutuwa, ang mga sumusunod sa Diyos na sila’y magdusa alang alang kay Kristo. Ang tao, binabale wala ang mga maliliit. Ang Diyos pinapahalagahan Niya, pinapa-pasalamat pa, binabahagi pa ang maliliit. Ang tao madaling magsayang kasi marami naman. Ang Diyos kinukuha kahit na…ang natira. Huwag magsayang.

Ang tao gustong magkaroon ng leader para bigyan sila ng kailangan nila. Si Hesus, ang Diyos, Siya ay hari, Siya ay leader na mag-alay ng Kanyang sarili hindi magbigay ng tinapay, hindi magbigay ng trabaho, hindi magbigay ng ayuda ngunit ibigay ang Kanyang sarili para sa atin upang dalhin tayo sa langit.

Tanggapin po natin ang paraan ng Diyos. Sana sa ating pagdiriwang ng limang daang taong ito, mas mahubog ang ating pananalig. Mas lalo tayong maging maka-Diyos. Mas lalo tayong maging maka-Kristo. (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC)

 

Leave a reply