FULL TEXT | Homily of Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during Mass for the Solemnity of the Body and Blood of Christ at Sta. Cruz Parish on June 6, 2021, at 10 am.

Ngayong ipinagdiriwang natin ang ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanong pananampalataya sa ating kapuluan, nagkakaroon tayo ng interes na balikan ang ating kasaysayan. Isa sa mahalagang yugto ng kasaysayan natin ay ang “sandugo” o blood compact na ginawa ni Miguel Lopez de Legaspi at ni Datu Sikatuna sa Bohol noong March 16, 1565. Ito ang unang treaty of Friendship between the Spaniards and the Filipinos. It was sealed with blood according to native customs. Hindi lang ito basta-bastang kasunduan. Kasunduan ito sa dugo.

Naalaala din natin ang kasunduan ng mga katipuneros. Nagkaisa sila na labanan ang mga Kastila at pinirmahan nila ang kasunduang ito ng kanilang dugo. Sa pagpipirma ng dugo, buhay nila ang tinataya sa kontratang ito.

Ang dugo ay kumakatawan sa buhay. Sa ating unang pagbasa nagkaroon ng pagtitipan – na isang mahalaga at permanenteng kasunduan – ang Diyos at ang mga Israelita sa paanan ng Bundok ng Sinai. Binasa ni Moises ang mga batas ng Diyos at nangako ang mga tao na susunod sila sa lahat ng sinasabi ng Diyos. Sa kasunduang ito aangkinin sila ng Diyos bilang kanyang bayan at sila naman ay magpapasailalim sa iisang Diyos sa pagsunod sa kanyang utos. Bilang tanda ng pagtitipang ito, winisik ang kalahating dugo ng mga hayop na inihandog sa altar at ang kalahati naman sa mga tao. Pinagsama sila ng dugo, ng buhay.

Taon taon ginagawa ito ng bayan ng Israel. Kalahati ng dugo ng kambing na inaalay para sa pagpapatawad ng kasalanan ay winiwisik sa mga tao at ang kalahati naman ay winiwisik ng punong saserdote sa Ark of the Covenant na matatagpuan sa Pinakabanal na Pook sa Templo ng Jerusalem. Ang dugo ng pagtitipan ay siya ring dugo na nagtatanggal ng kasalanan ng mga tao sa kanilang di-pagsunod sa Diyos.

Sinabi sa atin sa ikalawang pagbasa na ngayon ay may mas mabisa na tayong pagtitipan. Ang kaugnayan natin sa Diyos ay mas mahigpit na kasi ang nag-uugnay sa atin ay hindi na dugo ng isang hayop kundi ang dugo mismo ni Kristo, ang kordero ng Diyos na walang bahid ng kasalanan. At pagkatapos ng kanyang pag-aalay hindi siya pumasok sa isang templo na gawa ng tao kundi sa luklukan ng Diyos mismo sa langit. Ang dugo ni Kristo ang nagpatibay sa ating bagong pagtitipan sa Diyos at siya ring naglilinis ng ating pagkukulang sa pagtitipan na ito.

Ang Bagong Pagtitipan na ito sa Diyos ay ating sinasariwa sa bawat misa na ating ginagawa, na walang iba kundi ang ating pagsasa-ngayon ng pag-aalay ni Jesus sa Huling Hapunan na narinig natin sa ating ebanghelyo. Noong gabing iyon inalay ni Jesus ang kanyang laman bilang pagkain at ang kanyang dugo bilang inumin, bilang dugo ng bagong tipan. Itong pag-aalay ni Jesus noong Huwebes Santo ay ginawa niya rin noong Biernes Santo sa isang madugong paraan – ang pagkamatay niya sa Krus sa Kalbaryo. Totoo ang pag-aalay niya, hindi lang symbolic!

Kung noon, upang ipakita ang pagkaserioso ng kasunduan sa pamamagitan ng Sandugo ni Legaspi at Sikatuna, at ang kanilang commitment sa kasunduang ito ay ang pagpipirma ng kanilang dugo na ginawa ng mga katipunero, ano pa kaya ang pahayag ng Diyos na serioso siya sa kanyang kasunduan sa atin na ang dugo mismo ni Jesus ang binuhos hanggang sa kahuhuli-hulihang patak? Mapagdududahan pa ba natin ang intention ng Diyos na iligtas tayo at mahalin tayo? Kung naibigay na sa atin ni Jesus ang kanyang buhay, ano pa ba ang hindi niya maibibigay?

Kailangan natin ang paala-alang ito ngayon na dumadaan tayo sa maraming pagsubok. Lahat tayo ay tinamaan ng pandemyang ito sa iba’t ibang paraan. Ang iba ay nawalan ng mga mahal sa buhay. Ang iba ay nagkasakit at hanggang ngayon ay mahina pa. Ang marami ay nawalan ng hanap buhay. Marami ang hindi na nakapagpapatuloy sa pag-aaral. Bumaba ang income nating lahat. Sa mga ganitong pangyayari, madaling matukso na mag-isip: Nasaan ba ang Diyos? Bakit naman tayo pinabayaan ng Diyos? Mahal pa ba niya tayo? Bakit naman pinapayagan niyang mangyari ang mga ito?

Para sa ating mga Kristiyano, ang pananampalatay sa Diyos ay hindi lang paniniwala na mayroong Diyos. Pati na ang demonyo ay naniniwala na mayroong Diyos at nanginginig pa nga siya sa harap ng Diyos. Ang maka-Kristianong pananampalataya sa Diyos ay ang paniniwala na mahal tayo ng Diyos – ganoon niya tayo kamahal na namatay si Jesus para sa atin. Kaya kahit sa mga panahon ng kagipitan tulad ngayon, mahal tayo ng Diyos. Hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng pandemyang ito. Pero alam natin na mahal tayo ng Diyos at ang pagmamahal niya ang gumagabay ng lahat. Do we believe this?

Ito po ang ipinagdiriwang natin sa bawat misa – ang pagmamahal ni Jesus na nag-alay ng kanyang katawan at dugo sa atin. Mahalaga ang paala-alang ito sa ating panahon. Kaya nga pinaninindigan natin na ang Banal na Misa ay essential, mahalagang mahalaga sa panahong ito. We need the assurance, we need the grace of God’s love for us in this pandemic! Everytime we celebrate mass we are reminded of God’s covenant of love with us and God’s commitment to us. We in turn renew our commitment to him by loving one another.

Bago at pagkatapos na winisikan ang mga tao ng dugo ng mga hayop doon sa ilalim ng bundok ng Sinai sinabi ng mga tao: “Ang lahat ng utos ng Panginoong Diyos ay aming susundin.” Ito ang bahagi nila sa kasunduan. Ito rin ang ating bahagi sa ating pagtitipan sa Diyos. Minamahal tayo ng Diyos. Ibinigay niya ang kanyang Anak sa atin. Minamahal tayo ni Jesus, ibinuhos niya ang kanyang dugo sa atin. Mahalin naman natin siya at minamahal natin siya kung sinusunod natin ang kanyang utos. Ang kanyang utos ay magmahalan tayo tulad ng pagmamahal niya sa atin.

Sana kapag pinag-uusapan natin ang pag-ibig hindi lang natin iniisip ang pag-ibig sa maliliit na grupo natin tulad ng ating pamilya, ng ating kabarkada, o ng kasamahan sa trabaho. Kasama din sa ating pagmamahal ay ang pagmamahal sa bayan. Pag-ibig din ito. Binibigay natin ang the best sa ating iniibig. Ibigay din natin ang the best sa bayan kung mahal natin ito. Eleven months na lang election na naman. Pipili na naman tayo ng mga mamumuno sa atin. Ibigay naman natin ang the best na mga tao para sa bayan. Tingnan natin ang kanilang pagkatao.  Paano  magiging maayos na leader ang  mayabang, palamura, sinungaling, mapaghiganti, o mapagmata sa iba? Tingnan natin na ang pagboboto ay bahagi ng ating pagmahal sa Diyos at ng ating pagpapahalaga sa kasunduan sa kanya. Binigay ng Diyos ang the best niya – ang kanyang bugtong na anak. Ibigay din natin ang the best natin sa ating pagmamamahal sa kanya: mahalin ang kapwa at mahalin ang bayan at ibigay sa kanila ang the best natin. This is the challenge of our covenant with God that we live in every Eucharist that we celebrate. (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC | Photo by Lorenzo Atienza)

 

Leave a reply