FULL TEXT | Homily of Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator of Manila during Mass for the Feast of St. Anthony of Padua at St. Anthony of Padua Parish in Singalong, on June 13, 2021, at 10 am.

Gusto nating makilala ang Diyos. Gusto nating malaman kung paano siya kumikilos upang maiugnay natin ang ating sarili sa kanyang pamamaraan. But he clearly said: “My thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways. For as the heavens are higher than the earth, so are my ways higher than your ways, my thoughts higher than your thoughts.”(Is. 55:8-9) Kaya talagang kailangan nating alamin ang kanyang pamamaraan kasi kaiban ito sa atin. Tulad nang tayong mga tao ay naniniwala na ang isang gawain o isang project ay magtatagumpay kung nandiyan na ang lahat ng sangkap bago tayo magsimula: may budget na, may mga tao, may technology at lahat ng support services. Gusto din natin magsimula ng engrande. We invite all sorts of big people for the opening ceremonies. May mga balloons, may champagne, may malaking handaan, at kung may blessing, kung maaari lang nandoon ang obispo. May mga press releases at social media blast. Ito ang paraan natin.

Ano ang paraan ng Diyos? Tingnan natin ang sangnilikha. Ang lahat ay nagsisimula ng maliit. Tayong mga tao ay nagsimula ng isang maliit na sperm and egg. Noong ako ay ipinanganak, maliit lang akong baby, at ganyan kayong lahat, at ganyan ang lahat ng mga hayop, at ganyan ang lahat ng mga tanim. Inihambing ng Diyos ang paghahari niya sa mga tanim. Sa unang pagbasa sa isang maliit na usbong ng puno ng cedro. Sa ating ebanghelyo sa maliit na butil ng mustasa. This is the way of God in nature, and this is the way of God in salvation. God starts from humble and small beginnings. Nagsimula ang kasaysayan ng kaligtasan sa isang matandang Abraham. Dumating ang anak ng Diyos bilang isang maliit na sanggol sa Bethlehem. Noong umakyat si Jesus sa langit ang pinadala niya sa buong daigdig upang abutin ang lahat ng mga bansa ay labing isang tao lang. Noong nagsimula si St. Benedict, mag-isa lang siya na pumunta sa kweba ng Subiaco, ganoon din si San Fransisko ng Assisi, mag-isa lang siya na tumira sa labas ng Assisi noong itakwil siya ng kanyang ama, at ganoon din si San Ignacio ng Loyola, at ganoon din si San Juan Bosco, at ganoon din si Mother Teresa ng Calcutta. Lahat ng mga malalaking religious families ngayon ay nagsimula sa isang tao o sa maliit  na grupo. Ganyan kumikilos ang Diyos. Ganyan ang paraan ng Kaharian ng Diyos – isang butil ng mustasa pero lumaki at pinapakinabangan ng maraming ibon. Ang maliit na usbong ng cedro ay naging napakalaki at matatag na puno. Ganoon din ang pagtanim ng pananampalataya sa Pilipinas. Sinimulan ng iilang mga paring Agustiniano at ngayon halos 85 million na ang mga Katoliko at matatagpuan sa lahat ng panig ng daigdig ang mga katolikong pinoy.

Paano nangyari ito? Ito ay hindi kagagawan ng tao. Ito ay gawain na ng grasya. Tulad ng sinabi sa atin sa talinhaga, naghasik lang ang magsasaka. Wala na siyang kinalaman sa pagsibol ng usbong, paglabas ng dahon at ng tangkay, at paghitik ng mga butil. Ito ay kagagawan ng Diyos. Siya ang nagpapalago ng kabutihan, maliliit na kabutihan na ating sinisimulan.

Ang paghahari ng Diyos ay ang paghahari ng katarungan, ng kapayapaan, ng katotohanan, at ng pagmamahalan. Kung titingnan natin ang ating kalagayan ngayon, madi-discourage tayo. Ang daming pagsasamantala ng makapangyarihan sa mga tao. Kalat ang pagsisinungaling kasi ang laking pera ang ginagamit para sa mga trolls. Malaki ang ginagastos sa mga armas sa paniniwala na ito ay magdadala ng kapayapaan. Kahit na nga ang Amerika ay nabigo na supilin ang mga Taliban sa Afganistan sa kabila ng kanilang technology at mga bomba. Pati na nga ang Israel hindi nila matalo ang mga Palestinians kahit na suportado sila ng pera ng Amerika. Naniniwala pa ba ang military natin na matatalo nila ang mga rebelde sa pamamamagitan ng armas at red-tagging? Sa ganitong malalaking problema, naiisip natin: may magagawa pa ba tayo para isulong ang kaharian ng Diyos? Saan tayo magsisimula?

Magsimula tayo sa maliliit na kaya natin. Wala tayong pera, wala tayong technology, wala tayong mga highly qualified and highly paid people, pero nagsisimula ang pagkilos ng Diyos sa maliliit na pagsisikap natin, lalo na kapag ito ay nilalagay natin sa kamay ng Diyos. Tingnan natin ang Pondo ng Pinoy. Ngayong taon ay ika-17 taon na ng Pondo ng Pinoy. Sa pagbibigay natin ng beinte singko araw-araw, na pati na ang mga bata ay nakabibigay, pati na rin ang mga street people ay nagbibigay ng 25 centavos, nakalikom na ang Pondo ng Pinoy ng 450 million pesos! Ilang libo na ang napakain sa mga feeding programs ng Hapag-Asa, ilan na ang mga napaaral, ang mga napagamot, ang mga bahay na naitayo, at nabigyan ng puhunan sa buong bansa? Tahimik lang ito sa pag-iipon at pagbigay ng programa pero madami ang nabigyan ng pag-asa.

Tingnan natin ang community pantries. Isa lang ang nagsimula 3 months ago, and now there are more than 6000 community pantries happening in many parts of the country. How many have been fed in these few months by the community pantries when so many people are in need?  They do not make much noise, like the seed that slowly grows. God is working. Umuusbong ang paghahari ng Diyos.

Kailangan natin ng pananalig  na kumikilos ang Diyos. Kaya nga sinabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “We live by faith and not by sight. So we are courageous.” Haharap tayong lahat sa hukuman ng Diyos at papahalagahan niya kahit na ang maliliit na ating ginagawa. Madalas, kapag naririnig natin ang Judgment Seat of God, ang naiisip natin ay ang pagbilang at pagparusa sa kasamaang ginawa natin. Totoo, mangyayari iyan. Pero mangyayari din na titingnan ng Diyos ang lahat ng kabutihan na ating ginawa. Pati nga ang isang basong tubig na tinulong natin ay may gantimpala.  So while we are concerned  about avoiding sin, we should be more concerned about doing whatever good we can, however small it may be. Mapapalago ito ng Diyos. Kaya huwag tayong matakot sa kasamaan at sa kapangyarihan nito.

Kailangan natin itong mensahe na ang Diyos ay kumikilos sa maliit. This is good news both when applied to our personal lives and to our engagement in society, especially in this time of the election. In our personal lives, lahat naman tayo ay may mga  masasamang ugali na gusto nating palitan o mabubuting ugali na gusto nating makuha. Parang mahirap gawin. Ang hirap yata na araw-araw magbasa ng Bible. Ang hirap yata na palaging maging magalang, o umiwas na sa pag-iinom, o pagmumura. Pero huwag isipin na araw-araw o palagi nating gagawin ito. Isipin natin, ngayong araw lang. Ngayong araw lang ako magbasa ng Bible, ngayong araw lang ako hindi magmura, ngayong araw lang ako maging magalang. Bukas, gayon din ang isipin – isang araw lang. Take one day at a time. Bago natin mamalayan nabunot na ang masamang ugali o nagkaugat na ang isang virtue. Start small, one at a time and the kingdom of God in you will grow.

Good news din ito sa ating pagkilos sa lipunan, halimbawa sa darating na election. Kung titingnan natin, hindi patas ang laban. Ang isang panig ay may pera, appointed nila ang members ng COMELEC, may mga trolls, naco-control ang media, hawak ang police at ang military. Parang well-established na sila. Pero ang problema ay hindi sila, kundi ang taong bayan. Wala na bang gagawin kasi hawak na nila ang lahat? Pero kung isipin natin na ang paghahari ng Diyos ay nagsisimula sa maliit, kikilos tayo using the resources that we have – and we believe (Yes, we live by faith and not by sight.) We will witness the unstoppable growth of God’s kingdom.

Margaret Mead, an American cultural anthropologist, once said: “Never doubt that a small group of thoughtful, committed citizens can change the world. Indeed, it is the only thing that ever has.”

Let us be engaged and put in what we can. Jesus noticed and appreciated the two small coins of the widow. With that the kingdom is sown. Diyan nagsisimula ang pagsibol ng kaharian ng Diyos! (Archdiocese of Manila – Office of Communications/RCAM-AOC)

 

Leave a reply