FULL TEXT | Homily delivered by Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula during Mass for the Feast of Christ the King at San Fernando de Dilao Parish on Nov. 20, 2021

Ikinagagalak ko na makabahagi at makasama kayo sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng ating Panginoong HesuKristo, Hari ng sanlibutan bilang isang bikaryato. Nagpapasalamat ako kay Fr. Jek Arada, ang Vicar Forane ng San Fernando de Dilao, kay Msgr. Rolly dela Cruz, ang ating Kura Paroko dito sa Paco at sa iba pang kaparian ng mga parokyang bahagi ng bikaryatong ito sa pag-anyaya sa akin na manguna sa inyong pagdiriwang.

Winawakasan nating muli ang kalendaryo ng simbahan sa dakilang kapistahan ng ating Panginoon. Taun taon, tinitignan natin ang paghahari ng Diyos hindi lang sa buong sanlibutan kundi pati na rin sa ating sariling buhay. At sa bawat paghahari, hindi maaaring maihiwalay ang kapangyarihan na namumuno o namamayani sa paghaharing iyun. Madaling isipin na ang bawat pamunuan ay ginagabayan o dinidiktahan ng kapangyarihan. Walang silbi ang paghahari o pamumuno kung walang kapangyarihan itong ipinamalas. Subalit alalahanin natin na ang kapangyarihan ng pamumuno ng ating Hesukristo ay ibang iba sa dinidikta ng mundo. Maaaring may pagkakahawig subalit ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi lang pagsakop o pangingibabaw sa atin kundi ay ipinapahiwatig ito sa daan ng kapakumbabaan.

Minsan madaling isipin na ang kapakumbabaan ay ang paghahamak ng sarili. Yung hindi pag-angat sa sariling kakayahan, yung pagsasantabi sa sarili upang mas mabigyan ng pansin ang iba. Subalit kulang ang ganoong mukha ng kapakumbabaan. Hindi sapat na sabihin na kapag inaayawan natin ang kasikatan o di kaya ay mga luklukan ng pagtataas sa atin ay masasabi na natin na tayo ay nagpapakumbaba. Ito ay dahil ang pundasyon ng kapakumbabaan ay katotohanan. Minsan kasi kahit pinupuri tayo sa ating mga galing at talent, ang madali nating nasasambit ay, “hindi naman.” Bakit? Para magmukha tayong humble. Para magmukha tayong hindi mayabang. Kahit na pinupuri na yung angking galing natin, ayaw nating tanggapin dahil pakiramdam natin hindi tayo matatawag na humble kundi ay hambog – mapagmataas at mayabang. Subalit ang pagtanggap sa sariling galing, sa sariling talento ay bahagi ng tunay na pagpakumbaba dahil tinatanggap natin ang katotohanan na may mga sarili tayong galing at talent sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Iyan ang tunay na kapakumbabaan dahil tinitignan at tinatanggap natin ang katotohanan at hindi pinapalitan ng huwad na pagtanggap.

At ito rin ang Hesus kay Pilato sa ating ebanghelyo. Ang kapangyarihan ay hindi lang nakabatay kung sino ang nangingibabaw. Ang kapangyarihan ay hindi lamang kung sino ang nasa posisyon. Ang tunay na kapangyarihan ay siyang nangangalaga ng katotohanan. Dahil ang sinumang pumapanig sa katotohanan ay nakikinig kay Hesus. Ang sinumang pumapanig sa katotohan ay pumapanig kay Hesus.

At iyan din ang pinapaalala sa atin ngayong Linggong ito. Panig ba tayo sa katotohanan? Panig ba tayo kay Hesus? Madaling sagutin ang tanong na ito kung masusuri natin yung ating mga sinasabi. Pawang katotohanan lang ba yung ating sinasabi? Totoo ba yung ating pamumuhay? Nagpapakalat ba ako ng tsismis sa aking kapwa? Mga simpleng tanong lang ito na maaaring magsuri ng ating mga gawain at kayang kaya natin itong sagutin. Sa mga batayang ito, malalaman natin kung pawang katotohanan ba ang namumutawi sa ating mga bibig. Ngunit ang mas mahirap na tanong ngayong mga panahong ito, ay nasaan ba ang katotohanan? Sino ba ang nagsasabi ng katotohanan? Nasa Social media ba ang katotohan? Nasa Facebook ba? Nasa Tiktok ba? Nasa Twitter ba? Nasa mga balita ba ang katotohanan?

Ngayong mga panahong ito na laganap na ang fake news, alam pa ba nating hanapin at suriin ang katotohanan? Minsan kasi ito na ang nagiging batayan natin ng katotohanan dahil napanood sa Facebook, dahil napanood sa Tiktok, yun na ang tinatanggap nating katotohanan. Ayaw na nating suriin kung totoo nga ba ang mga ito? At kapag naniwala tayo sa mga fake news na ito at tayo pa mismo ang nagpapalaganap ng mga ito, nagiging daan din tayo ng kasinungalinggan. At kapag naging daan tayo ng kasinungalinangan, hindi tayo nagiging panig kay Hesus. Nagiging kasangkapan tayo ng kaaaway. Nagiging kasangkapan tayo ng demonyo.

Ang tanong din na kailangan nating harapin, paano nga ba natin malalaman ang katotohanan? Simple lang. Bumalik tayo kay Hesus dahil ang mga salita ni Hesus ay hinding hindi magbabago. Na kay Hesus ang katotohanan at kung na kay Hesus ang katotohanan, makikita rin natin kung ang napapanood at nasasaganap natin ay nagpapakita ng mukha ni Hesus. Papaano? Dahil si Hesus ay hindi nagbabago mula kahapon, ngayon at sa hinaharap. Siya ang magiging batayan natin ng katotohanan. Kaya kapag may hindi pagkakapareho ang nakalahad sa kasaysayan, sa sinasabi sa panahon ngayon, maaaring tanda na iyun na may kasinungalingan nang naganap. Kailangan lalo nating patindihin ang ating pagsuri upang hindi tayo malilinlang at mahuhulog sa kasinungalingan.

Sa pagtuon natin ng ating mga mata sa ating Panginoong Hesukristong Hari ng Sanlibutan, ito sana yung ating magiging panalangin. Matuto nawa tayong pumanig sa katotohanan. Matuto nawa tayong maging mapanuri sa mga kasinungalingan. Matuto nawa tayong magtakwil sa kasinungalingan. Matuto nawa tayong yumakap at tumindig para sa katotohanan dahil kung magkakaroon tayo ng lakas na maging mapanuri at manindigan sa katotohanan, si Hesus lamang yung ating papanigan. At kapag nasa panig tayo ni Hesus, walang talo, walang sinungaling dahil sa kay Hesus ang lahat ng katotohanan. (RCAM-AOC | Photo by Justin Uy/SOCOM-San Fernando de Dilao Parish)

 

Leave a reply