FULL TEXT | Homily delivered by Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula during Mass for the 5th World Day of the Poor at the Manila Cathedral on Nov. 15, 2021

Rev. Fr. Eric Adoviso, Commissioner of the Commission on Social Services and Development of the Archdiocese of Manila, mga kapatid na pari, mga collaborators sa social services ministry sa ating archdiocese at sa iba’t ibang parokya, mga kapatid kay Kristo, itinakda ni Pope Francis ang 33rd Sunday on Ordinary Time, ang Linggo bago ang Linggo ng Kristong Hari bilang World Day of the Poor. Kaya naman kahapon ay nakiisa tayo sa paggunita nito kasama si Pope Francis at lahat ng mga diocese sa buong mundo.

Ang Misa natin ngayon ay kaugnay pa din ng paggunita ng World Day of the Poor at pagpapasimula dito sa Archdiocese of Manila ng mga gawain at activities para sa mga kapatid nating nangangailangan.

Kapag pinag-uusapan ang mga dukha ang agad nating naisip ay ang mga kapatid nating walang sariling tahanan at lupa. Mga informal settlers at yung mga namamalimos sa mga lansangan. Ang dukha ay yung halos walang materyal na ari-arian, yung nakaasa sa iba.

Ngunit ang paggunita ng World Day of the Poor ay nagpapaalala sa atin na ang bawat isa sa atin ay dukha. We are all poor in one way or the other. Lahat tayo ay dukha dahil lahat tayo ay may pangangailangan. Walang tao na walang pangangailangan. Walang tao na nasa kanya na ang lahat kahit na pinakamayamang tao sa mundo ay dukha pa din dahil mayroon siyang pangangailangan at kailangan niya ang iba.

Ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa isang taong bulag at dukha. Nakaupo siya sa tabi ng daan at namamalimos. Nang maramdaman niya ang kaguluhan, itinanong niya kung ano ang nangyayari. Nang sabihin sa kanya na dumaraan si Hesus at marahil nabalitaan na niya ang mga himalang ginagawa ni Hesus, sumigaw siya, “Hesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin.” Ito’y pag-amin ng kanyang karukhaan. Namalimos siya kay Hesus hindi ng barya o pagkain kundi ng habag at pagpapagaling. At dahil tinanggap niya ang kanyang karukhaan, at ang kanyang pangangailangan kay Hesus, nakuha niya ang kanyang hiling. Pinagaling siya ni Hesus.

Mga kapatid, ipinapakita sa atin na ang kwento ng bulag na pinagaling ni Hesus kung ano ang maaaring mangyari kung kinikilala natin ang ating sariling karukhaan. Kung mababa ang ating loob at inaamin natin na tayo’y dukha, na kailangan natin ang tulong ng ibang tao at ng Diyos, hindi tayo mananatiling dukha. Payayamanin tayo ng Diyos.

See Photo Gallery

Ngunit nakita din natin sa tagpong ito na kung hindi natin kikilalanin ang ating karukhaan, magiging mayabang tayo at pagsasamantalahan natin ang mga dukha kagaya ng ginawa ng mga tao sa taong bulag sa ating ebanghelyo. Noong sumisigaw siya upang tawagain ang pansin ni Hesus, pilit siyang pinatatahimik ng mga tao. Tignan nating mabuti ang nangyayari at nangyayaring ito: isang bulag at dukha na marahil ay wala ng pag-asa. Si Hesus na lamang ang kanyang pag-asa. At maaaring ito lamang ang pagkakataon na makalapit siya kay Hesus. Pero dahil bulag siya, hindi siya basta basta makakalapit kay Hesus. Kaya ang tanging paraan na lamang upang mapansin siya ay ang pagsigaw pero pinapatahimik pa siya. Bulag na nga, gusto pa nilang patahimikin. Bulag na nga, gusto pa nilang gawing pipi.

This is a greater form of poverty that could exist in our hearts. When we diminish others who are truly in need, we show how poor we are. Kapag ginagamit natin ang mga dukha para sa ating mga advocacies at mga propaganda, kapag ginagamit natin ang mga dukha para sa ating sariling interest, para magpasikat, para sa picture taking o para ipakitang tayo ay pro poor. Kapag gusto nating manatiling mahirap ang mga dukha upang magamit natin sila, kapag naalalalang natin ang mga dukha at inilalagay sila sa center stage dahil panahon ng eleksiyon, o dahil World Day of the Poor, higit tayong kawawa kaysa sa kanila.

My dear friends, if we are arrogant and fail to acknowledge our poverty, we will diminish others. But if we understand the needs of others because we, too, are in need. If we stand in solidarity with the poor to alleviate their sufferings, if we walk hand in hand towards God, our only hope, God will surely enrich us in ways beyond our imagination.

Sa paggunita ng World Day of the Poor sa taong ito, ang piniling tema ni Pope Francis ay, “The poor you will always have with you.” Habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha. Ang mga salitang ito ni Hesus ay maaaring tungkol sa katotohanang palaging may dukha sa ating piling. Pero maaari din na ang ibig sabihin nito ay ang katotohanang tayong lahat ay dukha. At dahil ang bawat isa sa atin ay may karukhaan, kaya habang panaho’y kasama natin ang mga dukha. Ang dukhang ito ay hindi ibang tao kundi ako, tayo mismo.

Sa tulong ng panalangin ni Maria, Ina ng mga Dukha, makita nawa natin ang ating pagiging dukha upang matuto tayong dumamay at maglakbay ng sama sama patunog sa Diyos na siyang tunay nating kayamanan at kaganapan. Amen. (RCAM-AOC | Photo by Rian Francis Salamat/RCAM-AOC)

 

Leave a reply