Mga minamahal na kapatid kay Kristo, nagpapasalamat tayo sa Diyos sapagkat matapos ang isang taon mula noong sunog na nangyari dito sa simbahan ng Pandacan, nandito parin tayo nagkakaisa bilang isang simbahan, bilang isang bayan ng Diyos dito sa Pandacan.
Kaisa natin ngayon si Bishop Broderick Pabillo, ang Bishop-elect ng Taytay, Palawan, ang ating kura paroko, Fr. Sannny de Claro kasama ng ating Parochial Vicar, Fr. Gilbert Kabigting at mga kasamang pari at higit sa lahat tayong lahat na mga parokyano at mga deboto ng Santo Nino de Pandacan. Hindi ba’t nakakatuwang makita na nagkakaisa ang sambayanan sa gitna ng pagsubok. Sigurado akong masayang masaya ang Diyos na makita ang ating bayan na nagsasama sama upang itayo, itayong muli ang gusaling simbahan. Pagkalipas ng isang taon, naaalala pa siguro ninyo ang mga kaganapan ng araw na iyon, nalulungkot tayo sa mga nangyari. Nasunog ang simbahan at kumbento na mahigit tatlong daang taon ang itinagal. Nasira at nawala ang maraming gamit. At higit sa lahat, kasama sa mga nasunog ang orihinal na imahen ng Santo Nino de Pandacan. Lahat ng mga ito ay umaantig pa rin sa ating puso at mga alaala. Pero sa gitna ng mga malulungkot na nangyari ay inaalaala rin natin ang pagtutulung tulong sa gitna ng sunog. Isa siguro kayo sa mga nagbuhat ng mga gamit upang mailigtas ang mga ito. Isa siguro kayo sa mga tumulong upang mapula ang apoy. Isa siguro kayo sa mga nagdasal upang walang masaktan. May alaala man ng kalungkutan, pero may alaala rin ng pagtutulungan.
Mga kapatid, ngayong araw na ito ay kinikilala rin natin ang isang biyaya – ang biyaya ng lupa. Sa lumang tipan, ang dakilang biyaya ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi ay ang pangako ng lupa, the promised land. Ang naging tanda ng tipan ng kasunduan ng Diyos at ng Kanyang bayan ay ang biyaya ng lupa. Kaya sa ating unang pagbasa, si Jacob at si Jose bagamat sila ay namatay sa Ehipto ay naghabilin na doon sila ililibing sa lupang ibinigay ng Diyos sa kanila. Sa lupa na simbilo ng ugnayan ng Diyos at ng Kanyang bayan. Nalayo man sila pansamantala, uuwi rin sila sa lupang ipinangako ng Diyos. Ang lupa ay biyaya ng Diyos. Ang lupa ay tanda ng ugnayan nila sa Diyos. At hanggat sila at ang kanilang angkan ay nakatira sa lupang iyon, ibig sabihin, nakaugnay sila sa pangako ng Diyos na sila ay pangangalagaan at hindi kalilimutan.
Mga kapatid, sa araw na ito, gagawin natin ang ground breaking para sa pagtatayo ng ating bagong simbahan. Ang gagawin nating seremonya ng paghuhakay at pagbabasbas sa lupa ay pagkilala natin na ang lupang ito ay biyaya ng Diyos at tanda ng ugnayan ng Diyos sa atin. Katulad ni Abraham, Isaac, Jacob at Jose sa lumang tipan, dumaan man sa pagsubok at nalayo man sa Diyos, ang lupa ang naging tanda ng pagiging tapat ng Diyos sa Kanyang pangako.
Ngayon naman, ang bayan ng Diyos dito sa Pandacan ay kinikilala ang lupang ito na siyang katunayan na tapat ang Diyos at tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako sa ating lahat. At itong pangako ng Diyos ay natupad kay Hesus. Sabi ni Hesus sa ating ebanghelyo, “Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa libu libong Maya.” Kung ang sangnilikha ay binubuhay at inaalagaan ng ating Ama, sabi ni Hesus, “Tayo pa kaya na Kanyang mga anak.” Kaya noong dumating si Hesus sa ating mundo, sa Kanyang paglilingkod sa kapwa tao, naramdaman natin ang katuparan ng pangako ng Diyos. Kay Hesus natitiyak natin na hindi tayo pababayaan at iiwan ng Diyos. Itong dalawa ang biyayang ating binibigyang halaga ngayon: ang biyaya ng lupa at ang pinakadakilang biyaya na walang iba kundi si Hesus, ang lupa na tanda ng pangako at ugnayan ng Diyos sa Kanyang bayan. At si Hesus, ang Kanyang bugtong na anak na namuhay at nanirahan kapiling natin.
Sa pagdiriwang natin ngayon ng Misa, sa pakikinig natin sa salita ng Diyos, sa pagtanggap natin ng Kanyang katawan at dugo, sinasabi sa atin ng Diyos, mahalaga kayo sa akin. Tutuparin ko ang ating pangako. Igagawad ko ang lupa at itatayo kong muli ang simbahan.”
Bilang inyong bagong ama dito sa Archdiocese of Manila, kaisa ninyo ang sa pagbagon at pasisimula uli dito sa parokya ng Santo Nino de Pandacan. Narito ako bilang isang pastol na nakikinig sa inyong mga pagsamo at pangangailangan. Buo ang aking suporta kay Fr. Sanny, kay Fr. Gilbert at sa inyong buong pamayanan at sa inyong pagtatayo muli ng bagong simbahan na siyang tahanan ng Diyos sa inyong piling.
Ang bagong simabahan na itatayo sa lupang kaloob ng Diyos ay magiging lugar kung saan mananahan si Hesus sa Kanyang salita, sa sakramento ng katawan at dugo at sa inyong pagdadamayan, pagkakaisa at pagmamahalan lalo na sa mga nangangailangan sa inyong pamayanan.
Sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria at sa tulong at awa ng Diyos, naniniwala ako, naniniwala tayo na dito sa makasaysayang lugar na ito, sisibol muli ang bagong simbahan kung saan matatagpuan, kung saan natagpuan ang imahen ng Santo Nino at kung saan ang batang Hesus ay piniling manirahan kapiling ang bayan ng Pandacan. Amen. (Archdiocese of Manila- Office of Communications/RCAM-AOC | Photo by Rian Salamat/RCAM-AOC)