Ipinagdiwang ang Kapistahan ng Mahal na Patron ng Bayan ng Malibay, Lungsod ng Pasay na si San Juan Nepomuceno, ang Martir ng Sakramento ng Kumpisal na sinimulan noong ika-15 hanggang ika-17, 2023.
Sa Bisperas Mayores, Mayo 15, isinagawa ang La Torre na kung saan pinangunahan ng Baluyot Band 70 mula sa Orion, Bataan at Banda 88 ng Santa Maria, Bulacan. Ang programa ay nagsimula sa pag-awit ng Lupang Hinirang at pagtugtog ng dalawang banda alay sa muling paglabas ng matandang imahe ni Tata Juan.
Pagkatapos ng Misa Nobenaryo sa Ikasiyam na Araw, ginanap ang tradisyunal na Serenata na isinasagawa sa harap ng Simbahan. Nagtanghal ang Baluyot Band at Banda 88 kung saan sila’y salitan na tumutugtog. Mayroong pagsayaw ng kani-kanilang majorete, solo performances at sa huling bahagi ng programa ay sabay nilang tinugtog ang awiting, “The Stars and Stripes.” Kabilang ang Pasay City Symphony Band na may espesyal na partisipasyon sa gabing ito.
Sa araw naman ng Kapistahan ng Mahal na Patron San Juan Nepomuceno, noong Mayo 16, ang Misa Mayor ng ika-9 ng umaga ay pinangunahan ng Lubhang Kagalang-galang, Antonio R. Tobias DD, Obispo Emerito ng Novaliches kasama ang Kura Paroko na si Reb. Pde. Jesus Jose Bustillo, at mga katuwang na pari, Reb. Pde. Blas Briones Jr. at Reb. Pde. Jeffrey Jamias.
Bago matapos ang Banal na Misa, ginanap ang paglilipat ng tungkulin ng kasalukuyang Hermano Mayor, G. Noel Espino League sa bagong Hermano Mayor, G. Rodelio Domingo. Sinundan ito ng prusisyon sa umikot sa patio.
Pagdating ng ika-2 ng hapon, ginanap ang Parada ng mga Banda na siyang nilahukan ng mga banda mula sa San Juan Nepomuceno Band, Baluyot Band 70 ng Orion, Bataan, Banda 88, Kalayaan Band, Legacy Band, Millennium Band, Banda Immaculada, San Lorenzo Ruiz Band at Victory Band mula sa City of Bacoor, Cavite. Nakaikot sa buong Malibay ang mga banda ngunit ito’y naudlot sa hindi inaasahang pangyayari.
Ang Misa Solemne alay sa Mahal na Patron ay ipinagdiwang ng Kaniyang Kabunyian, Jose F. Cardinal Advincula, DD, Arsobispo ng Maynila, kasama ang mga pari ng Bikaryato ng Santa Clara de Montefalco. Pagkatapos ng Banal na Misa, sinundan ito ng isang marangal na prusisyon kung saan, muling nasaksihan ng mga Malibayeño ang paglabas muli ng matandang imahe ni San Juan Nepomuceno na inikot sa buong bayan ng Malibay.
Sa huling araw ng Kapistahan ni Tata Juan, Mayo 17, ang misa ay inialay para sa mga yumaong deboto ni San Juan Nepomuceno. Kasunod nito, nagkaroon ng prusisyon sa mga eskinita. Sa pagtatapos ng gabi, isinagawa ang paglipat ng batang imahen ng Mahal na Patron, San Juan Nepomuceno mula sa dating Hermano Mayor 2021 hanggang 2023 na si G. Noel Espino League sa bagong Hermano Mayor na si G. Rodelio Domingo.
Ang tema ng buong selebrasyon para sa taong ito ay “San Juan Nepomuceno: kamanlalakbay ng mga Malibayeño sa pakikibuklod, pakikibahagi at pagmimisyon tungo sa isang Simbahang Sinodal.” (By John Matthew Mendoza | Photo by Hazel Boquiren/SOCOM SJNP | Photogallery)