Ang ating parish priest, Rev. Fr. Celso Alcantara, mga kapatid na pari, mga lider layko, mga minamahal na kapatid kay Kristo, happy fiesta sa inyong lahat!
Sinisimulan natin ngayong gabi ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Isang paraan upang maunawaan natin ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay sa pamamagitan ng konsepto ng connection. Itinuturo sa atin ng Simbahan na si Maria, sa wakas ng kanyang buhay dito sa daigdig, ay maluwalhating iniakyat sa langit, kaluluwa at katawan. Isang natatanging privilege na ibinigay kay Maria dahil sa kanyang malalim na connection kay Hesus.
Sa ebanghelyo sa Bisperas ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat kay Maria sa Langit, sinabihan ng mga tao si Hesus, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nag-alaga sa inyo!” Ngunit higit dito sinabi ni Hesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Diyos.” Si Maria ang huwaran natin sa pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Tunay siyang pinagpala.
Nang dinalaw ng Mahal na Birhen ang kanyang pinsang si Elisabet, binati ni Elisabet si Maria na pinagpala sa babaeng lahat. At maging sa awit ni Maria, ang Magnificat, sinabi niya, “ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng sálinláhi dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.” Mapalad si Maria hindi dahil siya ang pinakamaganda, o pinakamatalino, o pinakamayaman, o pinakamakapangyarihang babae sa balát ng lupa. Pinagpala si Maria dahil siya ang piniling maging ina ng Tagapagligtas. Siya ang babaeng nararamtan ng araw, na nagsilang ng sanggol na lalaki, at binigyan ng lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, ayon sa ating unang pagbasa ngayon.
Pinagpala si Maria dahil kay Hesus. At ang pag-aaykat kay Maria sa langit ay consequence ng kanyang malalim na ugnayan kay Hesus. Dahil sa malalim na connection ni Hesus at Maria, kung nasaan ang anak, nararapat lamang naroroon din ang ina. Katulad ng sinabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Hesus.
Mga kapatid, sa panahon natin ngayon, mahalaga ang connection. Humanahap tayo ng ibang paraan to stay connected. Gusto natin palagi tayong connected. At isa sa napakahalagang connection ngayon ay ang internet connection. Dahil sa internet connection, we remain connected to each other. Nakakapag-video call tayo. Nakapag-work from home. Nakakapag-klase. Nakakapag-meeting. Nakakapag-business. At nakakapag-online Mass. Kaya naman kapag naputol o kapag hindi stable ang internet connection, naiinis agad tayo. Napuputol din kasi ang ugnayan natin sa mahahalagang aspeto at gawain natin sa búhay. Kaya nga may nagsasabi, connection is life.
Pero kung mahalaga sa atin ang connection ng internet, binibigyang-halaga din ba natin ang ating kay Hesus? Stable ba ang connection kay Hesus? Baka mas stable pa ang connection natin sa ating mga gadgets, computer, cellphone, at TV. Baka mas mahalaga pa natin ang connection natin sa ating pera, kayamanan, kapangyarihan, at ambisyon. Baka mas connected pa tayo sa mga taong mayayaman, nasa posisyon, at sikat. At sa panahong ito ng krisis, kanino ba tayo connected? Kanino ba tayo kumakapit?
Dahil si Maria ay may malalim na connection kay Hesus, tinanggap niya ang walang hanggang buhay, at buhay na walang pagkasira at pagkabulok. Hanapin natin ang connections na magbibigay sa atin ng tunay na buhay, at hindi magdudulot ng pagkasira sa atin, pagkabulok ng ating kalooban, at magtutulak sa atin sa kasalanan. Pagtibayin din natin ang ugnayan sa isa’t isa, lalo na sa mga kapatid nating maysakit at dumaranas ng iba’t ibang paghihirap dahil sa pandemya. Nawa ang malasakit at pagdamay natin sa kanila ay maging connection na magbibigay sa kanila ng pag-asa at búhay.
Mga kapatid, ito ang magandang paalala at pangako ng kapistahan natin ngayon. Kung malayo tayo kay Hesus, kung wala tayong connection kay Hesus, mararanasan natin ang pagkabulok. Ngunit kung mananatili tayong nakaugnay kay Hesus, mararanasan din natin ang kaluwalhatiang tinanggap ni Maria.
Ang kuwento ni Maria ang inspirasyon at pag-asa natin. Ang hantungan nating lahat ay langit. Ang dahilan at pakay ng buhay ay ang pag-akyat sa langit. Ang makapiling ang Diyo sa langit ang kaganapan at hantungan ng ating buhay. Kaya nga’t ang kamatayan ay hindi katapusan kundi katuparan ng pangako. Ang langit ang katuparan ng pangarap at pangako ng Diyos: iaakyat at iuuwi niya tayo sa langit.
Hilingin natin ang panalangin ng ating Mahal na Ina upang tulad niya, tayo din ay manatiling nakaugnay Hesus upang isang araw, tayo din ay makaakyat sa kaluwalhatian ng langit. Amen. (Photo File by RCAM-AOC)