Bagong rector ng Quaipo Church itinalaga  

Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose F. Cardinal Advincula ang pagtatalaga kay Fr. Rufino “Jun” Sescon, Jr. bilang bagong Kura Paroko at Rektor ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church noong Lunes, Nobyembre 21, 2022.

“Mga minamahal kong mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, ang bagong Rektor at Kura Paroko ninyo ay paalala na mahal kayo ng Diyos, na tapat siya sa kanyang pangako na pagkakalooban niya ang kanyang kawan ng mga pastol na hinubog sa kanyang puso,” ayon sa mensahe ni Cardinal Advincula.

Bilang bagong pastol na mamumuno sa simbahan ng Quiapo, hiniling ng Arsobispo ng Maynila na ipakilala niya ng lubos si Kristo sa bawat deboto ng Nazareno.

“Fr. Jun, ang tanging hiling namin ay ipakita mo sa amin si Hesus.  Hindi mo kailangang magpakitang-gilas at magpakitang-kisig.  Ipakita mo lang lagi si Hesus, dito sa Quiapo, sa bawat deboto, sa bawat pamilya, sa bawat mananampalataya, sa bawat taong naghahanap kay Hesus,” ayon kay Cardinal Advincula.

Dumalo sa pagdiriwang si Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen Dagupan kasama sina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr., Lipa Archbishop Emeritus Ramon Arguelles at mga pari, layko, at mananampalataya ng Arkidiyosesis ng Maynila.

Sa kanyang homiliya, pinaalalahan ni Archbishop Villegas si Fr. Sescon na higit pa niyang palalimin ang pananampalataya ng mga deboto ng Nazareno.

“Fr. Jun, be brave. Sa Quiapo bawal ang duwag. Huwag na huwag kang magiging duwag na manindigan para sa Diyos kahit ano ang mangyari. Kumapit sa krus, mabigat, masakit. Subalit ang bigat at sakit ng krus ay pagpapala para sa’yo at pagpapala para sa taumbayan,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Villegas.

Ayon sa bagong talagang pari ng simbahan ng Quiapo, “Mula po sa Senyor Santo Nino, ako naman ngayon ay maglilingkod kay Senoyor Hesus Nazareno. Mula sa Nino patungo sa Nazareno.”

“Sama sama po tayong maglakbay sa Traslacion ng totoong buhay. Sisikapin ko pong tulungan kayong kumapit sa lubid ng pananampalataya at tanggalin at kalagin ang mga…at buhol ng tukso at pagsubok,” ayon kay Fr. Sescon.

Hiniling ni Fr. Sescon sa mga deboto ng Itim na Nazareno na sila ay sama samang maglakbay sa totoong Traslacion ng buhay at magkaisa sa pagpasan ng krus ni Hesus Nazareno.

“Mga kapatid ko dito sa Quiapo, huwag po kayong mahiyang tawagin ako kung ako’y nauuna o nahuhuli. Hindi po ako mag-aatubiling humingi ng tulong  sa inyo kapag akoy nadadapa, nahihina at nalilito. Handa po akong making. Pakinggan din po sana aninyo ako,” ayon kay Fr. Sescon.

Si Fr. Sescon ay ipinanganak noong April 20, 1972 at naging pari noong September 19, 1998, sa Manila Cathedral sa pamumuno ni dating Manila Archbishop Jaime L. Cardinal Sin. Siya ay naging Private Secretary ng Arsobispo at naging Minister ng Youth Ministry ng Manila.

Siya rin ay naging Chancellor ng Manila at dating chaplain ng Santo Nino de Paz Chapel sa Greenbelt at Prist-in-Charge ng Mary, Mother of Hope Chapel sa Landmark.

Pinalitan ni Fr. Sescon si Msgr. Herando Coronel na nagsilbi ng pitong taon sa simbahan ng Itim na Nazareno.

Ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ay kilala ring Parokya ni San Juan Bautista. Ito ay nagsisilbing tahanan ng itim na Nazareno na kung saan libu libong mananampalataya ang nagsisimba at nagdarasal ng kanilang mga kahilingan sa Itim na Nazareno. (Jheng Prado | Photos by Maricar Santos and Rian Francis Salamat/RCAM-AOC | Photogallery)

 

 

 

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *