Ilang araw pagkatapos ng eleksyon, magandang pagkakataon ito para pasalamatan ang lahat ng nakibahagi sa mahalagang prosesong ito ng ating demokrasya. Kapansin-pansin ang dami ng mga tao na lumabas para bumoto. Nagtiis sila sa mahabang pila, kahit nakabilad sa init ng araw, at nagtiyagang maghintay na gumana ang mga VCMs upang maiambag ang tinig nila sa gawain ng pagbubuo ng ating bansa.
Salamat din sa mga guro at mga kawani na naglingkod bilang electoral board at staff sa mga polling centers. Kakaiba ang eleksyon na ito dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya. Salamat sa inyongmatapat na paglilingkod at pagpapasensya.
Salamat din sa mga volunteers ng PPCRV. Salamat sa inyong inilaang panahon para sa bayan kahit na mapagod at mapuyat. Marami sa mga volunteers ay kabataan na ramdam na ramdam ang pagnanais na makibahagi upang tiyakin ang integridad ng eleksyon. Ang pakikilahok sa eleksyon ay kasama sa ating misyon bilang Simbahan. Maka-Diyos kaya maka-bayan. Tayo ay nagiging mabuting Kristiyano sa ating pagiging mabuting mamamayan.
Sa sambayang Pilipino lalo na sa ating mga kabataan, lalo na ang mga bumoto sa unang pagkakataon, maraming salamat sa nakakahawa ninyong pagmamahal sa ating bayan. Huwag kayong hihinto na mangarap, tumaya at magbigay ng sarili para sa ating Inang Bayan. Mga minamahal na kabataan, sabi ni Pope Francis, hindi lang kayo ang kinabukasan, kayo ang kasalukuyan – ang ngayon ng simbahan at ng lipunan.
Sa panahong ito, makabubuti sa lahat na manatiling mahinahon ang bawat isa at magtiwala sa proseso ng demokrasya. At patuloy nating mahalin, pagmalasakitan, at ipanalangin ang ating bayang Pilipinas.
Pagpalain po tayo ng ating Panginoon.