Pahayag Tungkol Sa Quiapo Fiesta 2022

Minamahal kong mga kapatid kay Kristo –
Mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno,

Bilang inyong mga pastol, labis din kaming nababahala sa mabilis na pagdami ng kaso ng Covid-19 sa ating bansa, lalo na sa NCR.  Kaisa ng ating pamahalaan, kami din ay nag-áalala na ang darating na kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ng Quiapo ay maging daan pa nang lalong paglalâ ng sitwasyon.  Kaya bago pa man ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte noong gabi ng ika-apat ng Enero, nakipagpulong na ang pamunuan ng Quiapo Church sa NTF at iba pang ahensya ng pamahalaan ng Maynila.  Bilang tugon sa pambihirang sitwasyon ng pandemya, mula ika-pito hanggang ika-siyam ng Enero, ang mga Misa sa Quiapo Church ay mananatiling online lamang upang maiwasan ang pagtitipon ng maramihan.

Nauunawaan namin ang hangarin ng marami na makapunta sa Quiapo sa araw ng kapistahan ng Mahal na Señor.   Humihingi kami ng paumanhin at pang-unawa na dahil sa pandemya hindi natin maisasagawa ang mga tradisyonal na gawain kapag kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.  Bagamat online, hinihikayat pa din ang lahat na makiisa sa mga pagdiriwang ng Santa Misa na gagawin sa loob ng simbahan ng Quiapo oras-oras. Mabigat man sa ating kalooban ang hindi makadalaw sa Quiapo sa araw ng kapistahan ng Mahal na Señor, hayaan nating, sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, ang Señor Nazareno naman ang siyang dumalaw sa ating mga tahanan at pamilya.

Umaasa kami sa inyong pakikiisa.  Ipakita natin ang ating debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno sa ating pag-iisip ng makabubuti para sa bawat isa at pagmamalasakit para sa kaligtasan ng lahat.

Pagpalain kayong lagi ng Diyos.  Viva Poong Hesus Nazareno!

 

(Signed)
JOSE F. CARDINAL ADVINCULA
Arsobispo ng Maynila

Ika-5 ng Enero 2022

Read the Article: Quiapo Church Suspends Traslacion Activities for 2022

 

 

Watch Video Message

Leave a reply