HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Salamat sa Diyos, Dumating Siya!

(Homily delivered by His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle at the Thanksgiving Mass for his elevation to the College of Cardinals, on December 1, 2012 at the San Fernando de Dilao Parish church in Paco, Manila.)




Photogallery

 


Kahapon po ay nagdiwang tayo ng pambansang pasasalamat dahil sa biyaya ng ating ikalawang santo si San Pedro Calungsod na ginanap po sa Cebu. At ngayon po sa umagang ito ay nagtitipon na naman tayo,kasi sabi po sa ating ritwal ay upang magpasalamat din. At ako ay nagpapasalamat sa inyong lahat, lalo pong naging makahulugan ang ating pagtitipon dahil sa presencia ng pangulo ng ating bansa, President Benigno Aquino III, ng atin pong bise-presidente Pangalawang Pangulo Jejomar Binay, salamat din po sa mga miyembro ng senado,  ng kongreso, ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, pati po dito sa lungsod ng Maynila. I would like to thank the members of the diplomatic corps who are here. Thank you very much for sharing in this joy and celebration of thanksgiving. At para po sa ating mga ambassadors ng Pilipinas sa iba’t ibang naging posts nila. Sa mga representatives po ng religious orders, at religious congregations. 

Maraming salamat din po sa ating Kabunyi-bunyi-bunyi-bunyiang Cardinal Gaudencio Rosales. Hindi ko na ho alam kung gaano kadaming bunyi pag siya ang kinakausap. At sa atin pong mga kapatid na obispo, Maraming salamat po. Bukas ay First Sunday of Advent, eh biruin ninyo nandito sila. Sana makauwi kayo para simulan ang Advent Season sa inyong mga dioceses. Sa ating mga kapatid na pari na nandito po lalu na ang mga sa Archdiocese of Manila at  ang mga  galing din po sa ibang dioceses. Sa mga religious communities na narito at sa mga representatives ng parishes, ministries, at ang kayamanan ng simbahan, ang mga representatives ng urban poor, ang mga representatives ng people with disabilities. Ang nagbasa po ng first reading ay bulag, pero parang mas mahusay pa siyang bumasa kaysa sa mga nakakakita. Salamat din po sa presencia ng mga kaibigan. 

At nandito din po ang aking mga magulang at mga kamaganak. Ang kapatid ko po ay nasa ibang bansa pero sigurado pong kasama natin siya sa ating pagdiriwang. May problema lang nga po ang tatay ko. Kasi nung naging obispo ako ang tawag sa kanya ng mga tao, “Cardinal Tagle”. Eh ngayong naging cardinal na ako malaki ang problema niya, hindi alam kung ano ang itatawag sa kanya. Kaya balik na lang sa Tatay Maning at Nanay Mila. 

Nagpapasalamat po tayo, ano ba ang ating pinasasalamatan at bakit dapat magpasalamat?   Hayaan po nating tulungan tayo ng mga pagbasa sa araw na ito para atin pong lubusang maunawaan. Ano ba ang diwa ng tunay na pasasalamat? Sabi po sa unang pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag. Darating na ako. Darating na ako. Ito po ang pinaka puso ng tinatawag nating biyaya. Ang biyaya ay hindi yung nagkaroon ka ng additional na pera, ang biyaya ay hindi yung nagkaroon ka ng bagong promotion; ang biyaya ay hindi yung malapit na ang bonus, bagamat ang lahat ng iyan ay maganda. Para po sa bibliya ang biyaya ay ang paglapit sa atin ng Diyos. Darating na ako at dumating nga siya. Siya ang biyaya. At sa unang pagbasa ipinakita ng anghel kay San Juan ang napakagandang hinaharap. Future which God has for us. Ang gaganda po ng ginamit na larawan. Tubig na sinsilaw ng kristal, bumubukal sa trono ng Diyos at ng Cordero. At ang  tubig na ito ay umaagos sa buong lungsod at ang dinadaanan ng tubig na ito, ang mga puno sa tabi  ay namumukadkad at ang mga dahon nito ay magpapagaling.  Sa nakita po ni Propeta Ezekiel ang tubig na ito ay nanggagaling sa templo, pero dito hindi sa templo nanggagaling ang tubig, galing ito sa trono ng Diyos. Ano pa ho? Sabi po, sa lungsod na ito hindi lamang sagana ang tubig, sagana rin ang ilaw. Wala ng kadiliminan. Ilaw lamang at liwanag. Pero ano ang ilaw? Ang Diyos ang ilaw. At ano ang tubig na dumadaloy? Tubig na buhay. Ang Diyos Espiritu Santo. Wala ng templo. Bakit? Dahil ang Diyos ay nananahan sa piling ng kanyang bayan. Siya ang buhay na tubig, Siya ang ilaw na walang hanggan. 

This is pure grace. God in our midst. And when he comes to us, He refreshes us with life-giving waters. Sharing with us His very life. Sharing His light that will never be vanquished by any form of darkness. It is the Lord who comes. He is with us and because He is with us we are the new temple, we are His body, we are the new Jerusalem. We are his people and he lives among us. That is grace. That is pure unadulterated grace. Ang Diyos dumating na at mabubuhay ka ng sagana, hindi ka na mauuhaw, wala ng kadiliman, liwanag lamang. At upang ito ay palalimin pa, sabi po sa unang pagbasa, “Makikita nila ang kanilang mukha at masusulat sa kanilang noo and kanyang pangalan.” Makikita daw natin ang mukha ng Diyos at ang pangalan ng Diyos ay masusulat sa ating noo. Pag dumating siya bilang biyaya siya ang makikita natin, ang kanyang mukha. Hindi ang rangya, hindi ang poder kundi siya ang makikita at siya ang matatak sa ating kalooban. Kapag ang tinuring nating biyaya ay pera at ang makikita natin ay pera ang matatatak sa ating noo ay pera. Ano ang bunga, mukha kang pera. Kapag ang biyaya ay kapangyarihan, iyan lang and hahanapin ang kung mayroong puwang para sa kapangyarihan, susunggaban mo at ang kapangyarihan na iyan ang nasa noo mo. Ano ang tawag diyan? Diktador! Pero kapag ang mukha ng Diyos ang dumating at ang pangalan niya ang nasa noo mo, iyan ang biyaya, dumating siya sa buhay mo. 

Sabi po ni Pope Benedict XVI ang Diyos na dumarating sa ating may pangalan, may mukha, at ang pangalan niya iniiwan niya sa atin. Samantala iyong kalaban ng Diyos sa aklat ng Apocalyps walang pangalan, the beast in the book of Revelations has no name. it only has a number 666. ang Diyos may pangalan, ang Diyos may mukha. Ang kalaban ng Diyos walang pangalan, numero lang. kaya kapag ang kaharap mo ay ang Diyos ibinibigay niya ang kanyang mukha at pangalan sa atin upang tayo ay magkaroon din ng pangalan, upang tayo ay magkaroon ng mukha. Pag nakita mo ang mukha ng diyos, magkakaroon ka ng mukha. Pag nakita mo ang puso ng Diyos magkakaroon ka ng puso. Kapag nakita mo ang pangalan ng Diyos magkakaroon ka ng pangalan. Subalit kapag ang nagpakita sa iyo ay numero lamang 666, ikaw magiging numero. Wala kang mukha, wala kang puso, numero lamang. Di ba ganyan sa preso hindi alam ang pangalan pero may numero ka. 

Meron akong nakilala na isang pari sa ibang bansa ang kanyang apelyido ay numero. Tinanong ko, bakit numero ang apelyido mo. Halimbawa, Father 36. parang strange. Bakit? sabi niya, malamang ang aking ninuno ay orphans at nung panahong iyon ang mga orphans ay binibigyan at  kinikilala sa numero nila, hindi pangalan. Kay lungkot kung tayo ay numero lamang. Kay lungkot kung ikaw ay para bagang isang parte ng malaking makinarya lamang, walang mukha, walang puso, walang kakayahang magmahal. Iyang ang ginagawa ng Diyos sa atin, pag dumating siya, ipapakita ang kanyang mukha, bibigyan ka ng mukha, bibigyan ka ng puso, bibigyan ka ng pangalan. At kapag mayroon ka nang mukha, puso at pangalan, ang mga tao na iyong kaulayaw mabibigyan mo rin ng mukha, pangalan at puso. 

With God giving us a face, giving us a name, giving us a heart which is the fundamental grace, then we become agents of that grace. We don’t look at people as statistics, as numbers, as parts in a big machine, we look at them as human, the image of God with a face, with a heart, with a name. 

Ito po ang ating pagpapasalamat. Dumating ang Diyos at tayo’y naging kawangis niya at tayo’y tinuturuan niyang maging katulad niya sa pakikipagugnay sa kapwa. Kaya huwag niyo po akong titignan na parang ako ay kung ano na ang nangyari. Hindi po. Sa karanasan ko dumating ang Diyos. Nagpakita ng mukha, na sinisikap ko pang tignan. Dumating ang Diyos na nagbibigay ng puso na sana ay matanggap ko. Nagbibigay ng pangalan bilang anak niya na sana ay aking isa puso. Tulad ko tayong lahat po ay inaanyayahan, paano natin tatanggapin ang biyayang ito, ang Diyos sa piling natin. Sabi po sa unang pagbasa, “Makinig kayo.” Iyan ang unang hinihingi. Makinig sa Diyos na dumarating. Ang pakikinig ay pagtanggap. Ang pakikinig ay pagbubukas upang siya ay makapasok sa ating puso. Ang hindi marunong makinig ay hindi papapasukin ang Diyos sa kanyang puso at hindi mababago ang kanyang mukha, ang kanyang pangalan. Makinig at tumupad sa mga sinasabi niya. At kapag tinanggap natin sa pakikinig at paggawa ang kanyang biyaya, ang kanyang presensiya, talaga, magiging iba tayo, magiging tunay na bahagi ng kanyang katawan. So please listen to God; be open to Him. He does not mean any harm to us. He promises the new Jerusalem, flowing waters, total light. Listen to Him, receive Him. Let us not run away from Him. He will give us the face that we are looking for as individuals, and as a community. 

At para makinig at makatupad ng maayos, sabi sa ebanghelyo, makinig ho kayo, makinig, “Magingat kayo na huwag magumon sa katakawan, paglalasing at maubos ang inyong buhay sa mga intindihin nito. Hindi ho ba pag sobrang busog, nakakatulog. Teacher ho ako, eh. Kapag masyadong maraming inalmusal ang mga seminarista, tulog sa unang period. Kapag masyadong maraming kinain, hindi na makapakinig, tulog na. kaya nga may fasting before Mass para gising.  Kasi yung sobrang kain bago magmisa, pag upo para sa homilya, tulog na agad. Kaya maganda yung may fasting para makapakinig. Kapag sobrang busog, wala na. kapag sobrang lasing, ehem, hindi  na rin makapakinig. Pero hindi lamang sa pagkain at sa inom itong alalahanin, anxiety for things of this world na sabi po ni Hesus, yung laging nagaalala, ano ang kakainin, ano ang isusuot, saan ako titira, lahat na iyan mga alalahanin na di na tayo makapakinig. So let us be vigilant, always attentive for grace is near because Jesus is near. 

Ito po ang ating pinasasalamatan: ang Diyos napakabait sa bansang Pilipinas. Ako po ay hanggang ngayon parang tulala pa. kasi nga po hindi pa natin lubusang parang naiinom ang biyaya ng canonization ni Saint Pedro Calungsod nung October 21 and three days later, eto naman, isa pang biyaya na ibinigay para sa simbahan sa Pilipinas. Pero hindi nga po ito posisyon, hindi ito karangalan, ang biyaya dumating siya sa ating buhay. Dumating siya sa bansang Pilipinas upang bigyan tayo ng mukha, puso at pangalang. At sana po tanggapin natin iyan, upang tulad ng Diyos, titingin tayo sa kapwa Filipino, lalu na sa mga dukha, sa mga walang tumitingin, at dahil tinignan tayo ng Diyos kaya natin silang tignan, may mukha sila, may pangalan sila, ang Diyos nasa kanila. 

Tayo po ay tumahimik sandali at ibukas ang ating sarili sa Diyos na lumalapit at nanahan sa atin.