HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Ano bang kultura ang sisimulan ng RH Bill?
Article Index
Ano bang kultura ang sisimulan ng RH Bill?
Page 2
All Pages

(Message of Manila Archbishop Luis Antonio G. Tagle during the Prayer Rally against the RH Bill at the Edsa Shrine on August 4, 2012.)





Ibig ko hong anyayahan kayong lahat na batiin ninyo ang ating mga pari at mga Obispo. Alam niyo ho kung sino ang may fiesta ngayon, sinong saint? Yes. St. John Marie Vianney. Siya po ang saint, ang patron ng mga pari. Paki sabi po sa mga pari na narito at sa malayo, “We love you, Fathers!” Ano naman ang mga sagot natin, Fathers? “We love you, too!”


Unang-una po nagpapasalamat ako sa ating Episcopal Commission on Family and Life sa pangunguna po ni Bishop Gabby Reyes na nagcelebrate lang po kahapon ng birthday. Hindi na po natin itatanong kung ilang taon na siya. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam. At nagpapasalamat din tayo sa lahat ng dioceses na sa oras na ito ay nananalangin din po sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang cathedral sa kanilang mga dioceses. At maraming salamat pos a inyo na naglakas loob, sinuong ang ulan, ang hangin para magtipon po. Sabay-sabay tayong mag-aaral sa pamamagitan ng magagandang panayam, makikinig po tayo, magninilay, huhubugin an gating konsensiya. Sabi nga po ni Archbishop Soc, sa pamamagitan ng pagpapaliwanag nawa ay makaabot tayo sa conviction. Matuto tayong kumilatis. At ang lahat ng ito ay atin pong dadalhin sa panalangin.


Ang RH Bill po napakaraming iba’t ibang version, minsan po nakakalito na. Ano nga ba yung version na ating tinatalakay? Pero bagama’t napakaraming panukala, ibat ibang bahagi po ito at ipapaliwanag ng ating mga dalubhasang speakers. Pakiusap ko po sa inyo, sa hapong ito hanggang mamaya, makinig po tayo para lumalim ang kaalaman at dahil sa kaalaman na iyan lumalim din ang pagkilatis at ang ating paninindigan. Ang akin pong inspirational message ay sana po maka-inspire. Ang ganda na nung binasang message galing kay Archbishop Soc. Ewan ko kung may maidadagdag pa ako duon, pero huwag niyong kakalimutan ang kanyang mensahe lalo na para sa mga kabataan.


Ibig ko lang pong simulan. Sabi nila, itong pagsusulong ng RH Bill ay upang makatulong. Ang tutulungan daw po ay ang mga Filipinong naghihirap. Sa pamamagitan daw po nitong isinusulong na RH Bill mapipigil, masusugpo at baka mapipigilan na ang kahirapan, baka makahango tayo sa kahirapan para daw mas gaganda ang buhay kapag kakaunti ang tao. Para gumanda ang buhay, pigilin ang pagbubuntis, pigilan ang pagdami ng tao. Ito raw po ay para sa mga dukha.


Ibig ko lang po kausapin sandali ang mga dukha. Hindi po totoo na ang simbahan, dahil sa pagtutol sa ganitong panukala, ay walang malasakit sa dukha. Araw araw, mga parokya, mga kumbento nilalapitan po ng mga dukha. Araw araw po mayroong isang dakila na layko, isang mapangkumbabang madre, isang tahimik na pari, isang uugod ugod na Obispo, araw araw ay tutugunan ang isang mahirap na lumalapit sa kanya. Kung sa iba ang mahirap ay statistics, para sa taong simbahan ang mahihirap ay tao, may mukha, may labi, may kamay, may paa, may tinig. Ang dukha ay hindi numero. Para sa lahat ng kababayan natin na naghihirap kasama po ninyo ang simbahan at lahat ng taong may mabuting kalooban sa pagtutol sa nakasisira sa dangal ng tao.


Dehumanizing poverty. Ang simbahan kasama ninyo sa paglaban diyan at sa pagtutol sa kahirapan na yumuyurak sa dangal ng tao lalo na ng mga dukha. Hindi po totoo ang sinasabi nila na kaya maraming mahirap ay dahil maraming tamad. Sasabihin ko sa inyo na ang pinakamasipag na Filipino na nakilala ko ay nasa mga komunidad ng mga dukha. Mas maraming ngang mayaman papirma pirma lang, walang ginagawa. Mga kapatid na dukha bilib ako, saludo ako sa kasipagan niyo. Saludo ako sa inyong creativity sa paggiging malikhain, sa paghahanap ng pangtaguyod ng ating pamilya. Kayo po ang larawan ng kulturang Pilipino at its best, dahil sa gitna ng inyong mga hilahil ang inyong tinuturing na kayaman ay ang inyong pamilya, ang inyong mga anak. Ang mga magulang ng mahihirap na pamilya, lahat ng hirap ay kayang tiisin para mabuhay ang kanilang anak. Hindi problema ng mga dukha na mahalin at itaguyod ang mga bata, mukhang ang namo-moblema ay ang mga maykaya.


Dapat matuto tayong lahat sa mga dukha, papaano magpunyagi, papaano magpahalaga at magsumikap. Mga dukha, mga aba, tayo po ay larawan ng pagsusumikap at para sa inyo, baligtarin pa man ang mundo, bawat anak ay hindi problema, bawat anak ay “laman ng laman ko, dugo ng dugo ko, buhay ko yan, huwag niyong tawaging problema yan” at para sa kanila “ibubuhos ang aking dugo, ang aking buhay ay iaalay ko.” Ito po ang natututunan nating mga pari at mga Obispo sa mga dukha na alam natin na kailangan iangat ang kanilang mga buhay subali’t kailanman sa gitna ng kanilang kahirapan hindi nila binibilang ang kanilang mga anak na sanhi ng kanilang kahirapan.


Ano ang kailangan ng mga dukha? Alam natin. Alam natin. Huwag na natin itanggi pa na hindi natin alam. Alam natin ang kailangan ng mga dukha. Edukasyon, trabaho, oportunidad, damayan, pagmamalasakit. Kailangan ng tamang pamamahala at tamang paggamit ng ating mga resources. Alam nating lahat iyan, bakit hindi natin gawin para tumugon sa pangangailan ng mga dukha. Sa mga dukha ang amin pong mensahe: ang inyong dangal ay aming itataguyod at ang inyong kultura ng pagmamalasakit, pagsisikap, ng pagdadamayan para sa inyong mga anak, yang kulturang iyan ay atin ding isusulong at ipagtatanggol.


Ibig ko hong kausapin ang mga bata. Sino po ang mga bata dito? Wow, ang daming nagpapanggap. Sa bagay kamuntik ko nang itinaas ang aking mga kamay. Pare-pareho tayo. Alam natin ang sanggol, ang bata, ang anak, dahil umuulan palagay ko maraming bata na nasa kanilang tahanan at kung kayo ay nakakapakinig sa radio o kaya ay nakakapanood sa TV, o kung saan man, mga bata huwag ninyong papansinin, huwag ninyong ipagdaramdam ang mga naririnig ninyo sa, ewan ko ba, parang walang pinagtandaan, nahihya ako, mga bata sa inyong kamusmusan malimit ninyong naririnig na para bagang kayo ay problema, na kayo ang nagtitingib sa kahirapan ng inyong pamilya at inyong bansa. Nahihiya ako sa inyo dahil parang namumulat kayo na ang inyong pagkakilala sa inyong mga sarili ay, “ako ay problema, ako ay sanhi ng paghihirap.” Katulad po ng nasabi na ng napakaraming mga Obispo, marami pong mga pastoral letters ng mga Santo Papa, katulad ni Hesus, mga bata, hindi kayo problema, mga bata kayo ay biyaya. Sabi nga kanina sa message ni Archbishop Soc, ang pagdadala sa inyo ay hindi sakit. Hindi kayo sakit, kayo ang tanging kayamanan ng inyong mga magulang. Ang pera nawawala, ang investment bumabagsak, ang lupa maaaring gumuho, ang tahanan aanayin, ang kayamanan mawawala, sa bandang huli ang kakapitan na lang na kayamanan ng pamilya ay kayo, mga bata. You make us rich.

 


Ang pamilya ng nanay ko, siyam silang magkakapatid. Ang lolo ko galing sa China. Kita ba? Kita? Kasama ang mga merchants napadpad sa Pangasinan. Nakapagasawa ng Filipino-Chinese sa Dagupan. Duon isinilang at lumaki an gaming Gokim side. Namatay ang lolo at lola ko walang maipagmamalaking lupa, bahay at kung anu-anong karangyaan. Pero alam ko ang kayamanan nila ay ang siyam na anak na naitaguyod nila, nagsikap at ang kanilang pamilya ay itinataguyod din. Ang alam ko ayaw lang sabihin ng lolo ko, masaya siya, wala siyang kayamanan, may apo siyang Obispo. Ang tatay ko lumaki sa Imus, teenager siya nasabugan ng bomba nung giyera ang kanyang ama. Ang lola ko ano ang alam? Magluto sa karinderia. Magkapatid sila, itinaguyod ang kanyang limang anak, nagiisa. At rinig na rinig ko minsan sabi ng lola ko sa kanyang mga anak, “Ito lang ang naibigay ko sa inyo, dahil ito lang ang nakaya ko. Sana naman ibigay ninyo sa aking mga apo ang higit pa sa nakayanan ko.” Kayamanan tayo ng ating mga pamilya. Mga bata, never will you be our problem, you will always be our wealth.