HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Homily of His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the launching of Sanlakbay sa Pagbabagong Buhay in San Juan


Photo by Radio Veritas


Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardnal Tagle at the Mass for the launching of Sanlakbay sa Pagbabagong Buhay on March 17, 2017 at St. John the Baptist Parish in Pinaglabanan, San Juan City at 3 p.m.


Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat ay magpasalamat tayo sa Diyos. Siya po ang nagtipun-tipon sa atin sa hapong ito, para sa loob ng Misa, sa loob ng Eukaristiya, ay atin din pong maranasan muli ang pagpapanibago na ibig ibigay sa atin ng Diyos.


Salamat po sa pagdalo ninyo sa paglulunsad ng Sanlakbay dito po sa ating siyudad at sa mga parokya o communities dito sa San Juan. Salamat po sa pagtutulung-tulungan ng local government, ng ating mayor, vice mayor, ang DILG, ang kapulisan, ang mga pamilya, ang mga religious, ang mga iba't ibang organisasyon. Nandito ang media. Hi! Tumingin naman kayo, hindi kayo nakikita e. Ang ating kaparian, at ang mga taong may mabuting kalooban.

Ngayon po ay Kuwaresma, panahon ng pagninilay tungo sa pagbabagong-buhay. Kung papaano si Hesus ay nag-alay ng buhay hanggang kamatayan para tayo ay mabuhay, gano'n din ang Kuwaresma. Susuriin ang sarili, titingnan, ano ba 'yung mga dapat mawala sa atin para magkaroon ng bagong buhay?

Maganda po ang mga pagbasa natin, at may magandang aral para po dito sa ating inilulunsad na Sanlakbay. Simulan ko po sa Unang Pagbasa. Ito ang unang punto, mula sa Aklat ng Henesis. Ang magkakapatid na anak ni Israel ay nagkainggitan. Alam 'nyo naman, kahit magkakapatid, maaaring mag-inggitan. At ang naging bukol ng inggit ay ang pinakabata, si Jose. Ang tingin nila kay Jose ay ambisyoso at paborito ng ama, si Israel.

Kaya dahil sa inggit, nagplano sila ng hindi maganda. Ibig nilang patayin. Kapatid 'yan. Kapatid. Mabuti na lang, sabi nu'ng isa, si Ruben, "E 'wag nating patayin. 'Wag natin siyang pagbuhatan ng kamay. Ihulog na lang natin sa balon." "At least hindi tayo ang pumatay!" Talagang may alibi pa. "Ihulog na lang natin sa balon, buhay siya. E 'di iniwan natin nang buhay. Hindi na tayo ang pumatay." Pumayag naman 'yung mga kapatid. Buti na lang, nakita nitong si Judah na mayroong mga mangangalakal, mga Ismaelita. Sabi niya, "Ibenta na lang natin si Jose. Hindi natin pinatay. Sasabihin lang natin sa tatay natin, nawala siya pero ibinenta." 

Noon pa man, uso na ang human trafficking. Hindi bagong kamalian at kasamaan ang human trafficking. Noon pa man, at ang gumawa, kapatid. Ibebenta ang kapatid, mawala lamang siya, at kumita ka pa. 

Sabi nila, hindi naman natin siya pinatay. Ibinenta lang. Pero kapag ang pera ay mas mahalaga kaysa sa tao, pinapatay na natin ang tao. Iba't ibang uri ng pagpatay, at ang narinig natin ay gano'n. 

At sa Ebanghelyo, kahit sa talinghaga, ganon din ang kinauwian. "Patayin natin 'yung anak ng may-ari ng ubasan, para makuha natin ang mana." Ayan na naman. Hindi mahalaga 'yung tao. Ang mahalaga, 'yung kanyang mamanahin, mapapapunta sa atin.

Mga kapatid, isa ito sa paanyaya sa pagsusuri ngayong Kuwaresma. Ano ba 'yung mga iba't ibang uri ng pagpatay sa dangal ng kapwa? At kung minsan, pinagkakakitaan ko ang kapwa.

Kapag nagtinda ako o nagbigay ng isang bagay na makakasira sa kapwa, at ako ay nakinabang doon, dahil sa isang kasamaan sa kapwa, para mo na rin siyang ibinenta at pinatay. Kapag kumikita ako sa iligal na droga, alam ko naman na 'yon ay makasisira sa kapwa. Ako ay tumutulong sa unti-unting pagpatay sa aking kapwa.

Ang iba, tahasan pa. Nakakita po ako ng mga litrato ng mga sanggol na pinatay dahil binayaran ang kumuha ng kanilang mga organs, kanilang kidney, kanilang liver, at ibebenta sa mga nangangailangan ng kidney. Pero kumita 'yung nagbenta, patay ang mga sanggol. Human trafficking. At yan po ay nangyayari sa iba't ibang bahagi ng mundo, iba't ibang anyo. Imulat po natin ang ating mga mata. Kumikita ba ako sa pamamaraang ikinamamatay naman ng dangal ng aking kapwa?

'Yung ikalawa po, galing sa Ebanghelyo at sa Unang Pagbasa. Ibinenta nila ang kapatid nilang si Jose para mawala na sa buhay nila, at wala silang kakompitensya sa pagmamahal ng kanilang ama. Dito sa Ebanghelyo, ang anak na may-ari ng ubasan ay kanilang inalis. Pero ano ang sabi ng Ebanghelyo? "Ang bato, ang bato na itinakwil, ang magiging panulukang bato." 

Si Jose, sa Unang Pagbasa, ibinenta at dinala ng nakabili sa Ehipto. Dumating ang panahon na taggutom sa Israel. Nagpuntahan itong magkakapatid sa Ehipto, kasi doon may pagkain. Aba, sino ang nagbigay sa kanila ng pagkain? 'Di nila sukat akalain, itong kapatid nilang ibinenta nila. Akala nila naibenta na nila at napatay. Kinuha ng Diyos ang itinapon, at itinampok ng Diyos. Siya pa ang nagligtas sa kanyang mga kapatid.

At 'yun din ang sinasabi sa Ebanghelyo. Si Hesus, itinapon, ipinako sa Krus, pero siya ang Tagapagligtas.

Magandang leksyon ito sa atin. Huwag tayong mangmamaliit ng tao. Huwag taong magsasabi, "Ang taong ito, wala na itong silbi." Huwag tayong susuko at magsasabi, "Ang taong ito, wala nang pag-asa. Puwede na itong patapon." Hindi po. Baka tayo ay magulantang. Ang tao na minamaliit at kulang na lang ay itapon, pupulutin 'yan ng Diyos! At balang araw, ang itinapon mo, baka 'yan ang lalapitan mo. Kailangan mo pala.

Kaya iiwasan ang pangmamaliit ng kapwa. Iiwasan ang pagsasabi, "Wala kang silbi. Puwede ka nang mawala. Mas gaganda ang mundo 'pag wala ka." Huwag na huwag po. Hindi natin alam kung ano ang gagawin ng Diyos. Ang itinatapon ng tao, pinahahalagahan ng Diyos. At baka, baka sa kamay ng Diyos, may milagrong mangyayari. 

Okay ho ba 'yon? Kaya kapag kayo ay nakakaramdama na parang hindi kayo mahalaga, huwag kayong matatakot. Baka may kapwa-tao o mundo mismo ang nagsasabi, wala kang mahalaga. Ang Diyos, pinahahalagahan ka. At sa takdang panahon, makikita mo kung paano ka iaangat ng Diyos. At sana, huwag tayong maging bahagi ng pagbagsak ng ibang tao. Sana maging bahagi tayo sa kilos ng Diyos, na ang kapwa ay pahalagahan at iangat. 

Bago ho ako pumunta sa aking huling punto, noong ako po'y obispo, miski sa Cavite, ang isang paborito kong lugar na pinagmimisahan ay ang mga jail at mga detention centers, 'yan man ay bata, 'yan man ay puro kababaihan, 'yan man ay iba-ibang nibel. Gustong gusto kong nagmimisa diyan. Kasi po, parang buhay na buhay ang Misa. 'Pag sinabi mo, "Sumainyo ang Panginoon." "At sumainyo rin!" Sumisigaw e. 'Pag sa parokya ka kasi, "Sumainyo ang Panginoon." (whispering) "At sumainyo rin." 

Sa parokya, kailangan mo pa ng choir, kasi 'pag walang choir, hindi naman kumakanta 'yung karamihan. Pero sa preso, wow! Talaga naman! Bawat nota ay nakararating sa langit.

Talagang nabubuhayan ka 'no, at napapaisip ako. Ito 'yung mga taong sinasabing wala nang pag-asa. Pero 'pag natuklasan nila ang Diyos, kung magdasal, higit pa sa kaya kong dasalin. 

Kaya po noon, ang aking Christmas Eve Mass sa Imus, laging sa Imus jail. Doon ako nagki-Christmas Eve. Saka na lang ako pupunta sa katedral. Pero sinasabi ko sa kanila, "Nauna na sa jail. Pangalawa na lang dito sa katedral." 

Ano ba't makalipas ang ilang taon na laging ginagawa 'yan, nagkaroon po ng Buwan ng mga Katekista. Catechetical month. September po 'yon. At ang mga katekista ng buong diyosesis, nagtipon. Pagkatapos ng Misa, may lumapit sa akin na isang katekistang lalaki. Nakangiti. Sabi, "Bishop, kamusta?" Tapos sabi sa akin, "Kayo naman. Hindi 'nyo na ako natatandaan." Medyo napahiya ako kasi talagang hindi ko na matandaan. Sabi ko, "E Sir, sorry. Sa dami ng taong nakakasalamuha ko, hindi ko natatandaan lahat ng pangalan. Saan ba tayo nagkita?" Sabi niya, "Sa jail." 

Nu'ng sinabi niya 'yung jail, sabi ko, "Ay! Kayo 'yung nasa–," hindi ko na babanggitin 'yung pangalan nu'ng town. "Kayo 'yung nasa, uhm, jail?" Sabi niya, "Opo." Sabi ko, "Wow!" Sabi niya, "'Di ba kinausap ko kayo?" "Oo, natatandaan ko na. Sabi mo, dito sa jail, natuklasan mo ang Bibliya. Dito sa jail, dahil may oras ka, nananalangin ka, nagbabasa ka ng Bibliya." Sabi niya, "Tinupad ko na po ang aking pangako. Nangako ako no'n, 'pag napalaya ako, magiging katekista ako." 

Katekista siya. Tagadala ng Salita ng Diyos. Kung hindi niya sasabihin sa iba ang kanyang background, hindi ka makapaniwala, na iyong isang nagtuturo at naggagabay sa mga bata palapit sa Panginoon ay galing sa preso. 

Walang tao na ibebenta ng Diyos. Walang tao, kahit gaano ka karupok, ang hahayaan ng Diyos na nakalugmok. Ikaw ay itataas. At ang iyong dangal ay bubuhayin. Ang batong pinagtapunan ay magiging panulukang bato.

Totoo po 'yon. Totoo 'yan. 

Panghuli po, ang tawag sa ating programa, Sanlakbay. Isang paglalakbay. Ang pagpapanibagong-buhay ay 'di nakukuha sa isang iglap. Kailangan ng pagtitiyaga. Isa itong journey. Bawat hakbang, sana umuwi pa sa mas malayong mararating. Pero sana, sama-sama naglalakbay. Mahirap maglakbay tungo sa bagong buhay kung ikaw ay nag-iisa. Kailangan natin ng kasama, kapatid, kamanlalakbay.

Kaya po sa ganitong programa, kinikilala ng Simbahan, merong maiaambag ang Simbahan, pero kailangan ang buong community ay nagtutulung-tulungan. Kaya maraming salamat po sa ating mga kasama ngayon na handa makipaglakbay. Ang paaralan, ang pamilya, ang mga businesspeople, ang mga nasa sports, ang mga nasa arts, theater, music, ang mga nasa community organizing, ang nasa media, ang mga nasa counseling, ang mga katekista, mga religious, ang bawat tao ay bunga ng isang sambayanan. At para mapanibago ang isang tao, dapat maglakbay ang isa ring sambayanan.

Kung ang tao ay produkto ng isang pamilya at isang sambayanan, ang pinagpanibagong tao ay bunga rin ng sambayanang handang maglakbay kasama niya, at sama-sama. 

Pakiusap po, sana hindi ho tayo mag-iiwanan, at huwag nating iiwan na nag-iisa ang tao na handa naman magbagong-buhay. 

Okay? Mahaba na 'to. Baka hindi na kayo sumimba sa Biyernes Santo. Baka sabihin ninyo, "Buong Kuwaresma na yata ang narinig ko ngayon. Pero maganda ang mga pagbasa, ano po, at ang ating programa.

Una, huwag ibebenta ang tao. Mas mahalaga ang tao sa kahit na anong kikitain. Ang pagpapalit sa tao para sa kikitain ay isang uri na ng pagpatay. Ikalawa, huwag mamaliitin ang kahit na sinong tao. Ang taong minamaliit, baka 'yan ang itatampok ng Diyos. At ikatlo, sa bawat tao na ibig magbagong-buhay, kailangan magtulung-tulong ang buong sambayanan. 

Ang tao ay produkto ng paglalakbay ng isang sambayanan. Tumahimik po tayo sandali at buksan ang atin pong pagkatao sa Espiritu Santo na ibig pagbuklurin tayong lahat upang itaguyod ang buhay, dangal, at pagbabagong-buhay ng bawat kapatid.