HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Awa ni Hesus sa Mga May Karamdaman: Kasama Mo Ako




(Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the Mass for the Opening of the Holy Door of Mercy at the Saint Lazarus Chapel, San Lazaro Hospital, Sta. Cruz, Manila on April 30, 2016.)


Mga minamahal na kapatid sa Panginoong HesuKristo, tayo po ay tinipon ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu upang buksan, pasinayaan ang Pinto ng Awa dito sa San Lazaro Hospital. At sa pagbubukas po natin ng Pinto ng Awa dito sa hospital na ito ay binubuksan din natin ang Pinto ng Awa, ang Taon ng Awa sa lahat ng hospital, sa lahat ng mga  tahanan na mayroong isa o dalawang miyembro na may karamdaman. Binubuksan din natin ang pintuan ng puso ng lahat ng tao upang sa kanilang isip at kalooban ay magkaroon ng puwang para sa pagmamalasakit at pagdamay sa mga may karamdaman. 

At nagpapasalamat po tayo sa sambayanan at pamahalaan at namamahala ng San Lazaro Hospital, sa atin pong Archdiocesan Ministry ng Healthcare, at sa atin pong Office for the Promotion of the New Evangelization para po sa okasyon na ito. 

Pintuan. Si Hesus po ang nagsabi, ako ang daan. Ako ang pinto para sa mga tupa. At kapag ang mga tupa ay dumaan sa akin, makakasumpong sila ng dakilang pastulan. Kayo an gating binuksan na Pinto ng Awa ay sagisag ni Hesus. Hindi lamang po tayo dumaraan sa isang ginawa ng tao na pintuan. Sa tuwing tayo ay papasok diyan ng mayroong intensiyon na tuparin ang mga hinihingi ng Taon ng Awa, isaisip at isapuso po natin: dumaraan tayo kay Hesus. At pinipili natin si Hesus bilang pintuan ng ating pinagdaraanan sa buhay. 

Sabi po nila ang buhay ay isang paglalakbay. At kung naglalakbay ibig sabihin, maraming daan na maaari nating tahakin. Sa Taong ito ng Awa tayo na mga nilalang at bawat nilalang ay may hangganan. Iyan pa naman ang ayaw nating harapin. Ang gusto natin, magpanggap at kaya nating lahat na tayo’y mabubuhay ng walang hanggan. Kapag nakita natin ang ating mga limitasyon, galit na galit tayo sa sarili natin. Kasi yun ang katotohanan. Darating ang panahon na unti unti nating makikita ang lahat ng ating hangganan. Ang boses pala may hangganan kapag sobrang gamit! Ang tuhod pala may hangganan; ang pangdinig pala may hanggananp; ang memorya pala ay may hangganan. Unti unti pinapaalala ng karamdaman na tayo ay hindi Diyos na makapangyarihan. 

At ang sukdulan ay ang kamatayan na talagang wala, wala ka nang control. Ito po siguro ang pinakamasakit na sakit… hindi lamang yung pisikal kund yung harapin, pinahaharap sa atin ang mortality. At ito po ay okasyon para sa isang pinto ng awa. Hindi nga tayo Diyos, nilalang tayo, punong puno ng limitasyon subalit ang Diyos naging tao. Ang Diyos na walang limitasyon, dala ng Kanyang pagibig at pagdamay naging hamak na tao tulad natin. Dinanas ni Hesus ang magutom; dinanas ni hesus ang limitasyon ng pagiging tao; dinanas ni Hesus ultimo ang kamatayan. Dahil ginawa iyan ni Hesus, walang tao na humaharap sa kanyang limitasyon, walang taon na may karamdaman, walang tao na humaharap sa kamatayan ay nagiisa. Lagi siyang may kasama: si Hesus. 

Kapag pa naman nagkakasakit at lalo na kapag nagaagaw buhay para kang nagiisa. Pati ang pamilya mo wala ng magagawa. Pati ang mga magagaling na duktor wala ng magagawa. Sa oras ng agaw buhay nagiisa ka. Pero hindi pala nagiisa kasama mo si Hesus na nagaagaw buhay din. Iyan ang awa ni Hesus sa mga may karamdaman, kailanman. Sabi nga nila, sa huling yugto ng pagiisa nandiyan si Hesus, sinasabi, naranasan ko na iyan, nauna na ako diyan, sasamahan kita. 

Kaya para po sa mga may karamdaman at pamily ng mga may karamdaman, ang pinto ng awa ay pagkapit natin sa pananampalataya na dahil si Kristo ay naging tao, at naranasan ang mga limitasyon natin bilang nilalang walang magiisa at si Hesus kapiling ng mga may karamandaman kaya puede niyang sabihin, “nung ako ay maysakit, dinalaw mo ako.” Walang may sakit na nagiisa. Walang naghihingalo na nagiisa. Si Hesus nasa kanya at larawan siya ni Hesus. Ito po ay isang pagpapakita ng awa ng Diyos na hindi maarok ng ating isip at imahinasyon, ngunit  totoo po iyan. Sa bawat lugar may sakit na may nagaagaw ng buhay pintuan iyan ng awa ni Kristo, darating siya; makiisa sa ang pakiramdam ay nagiisa siya. 

Subalit ito ay may karugtong po na hamon sa atin. Sa Taon ng Awa sabi ang tema ni Pope Francis ay: merciful as the Father is merciful. Kung ang Diyos ay naging maawain sa pamamitan ng kanyang pagdamay ay pagmamalasakit, tayo din maging presensiya, maging labi, kamay, mata, puso ng mahabaging HesuKristo. As pagbubukas po natin ng Pintuan ng Awa sa hospital tayo ay pinaaalahanan ng isang work of mercy: visit the sick: Pakikiisa sa mga maysakit. Pero puede natin palawakin. Sa pagbisita sa maysakit ito po ay pagpapadama na sa gitna ng pagdurusa at pangungulila, walang nagiisa. Hindi lamang si Kristo ang nasa piling ng maysakit, ang sambayanang Kristiyano naroon. At ang Sambayanang Kristiyano sa paglapit sa maysakit, nakikita natin si Kristo sa maysakit. Tinitipon tayo ni Kristo na present sa may karamdaman. Kaya hindi lamang tayo nagbibigay ng konsuwelo sa maysakit; sa katotohanan nakikipagulayaw tayo kay Kristo na sa oras na iyon ay kapiling ng may karamdaman. 

Naalaala ko si Mother Teresa na malapit ng madeklarang Santa. Sa isang conference na kanyang ibinigay, ako ay seminarista pa lamang, may nagtanong sa kanya: Mother paano mo natitiis iyang ginagawa mo. Pinupulot mo sa mga lansangan ang mga palaboy, ang mga marurumi, ang mga maysakit, ang mga mababaho. Paano mo nakakayanan? Parang nai-imagine ko yung mukha ng nagtatanong, habang tinatanong niya parang siya yung hirap na hirap at diring diri. Iniisip niya siguro hindi ko yata kayang gawin iyan. Kaya tinatanong niya kay Mother Teresa, paano mo nakakayanan? Alam niyo si Mother Teresa simple lang ang sagot. Sabi niya, Eh, nakikita ko si Hesus sa kanila. Kaya nayayakap niya sila. Kaya nakakarga niya sila. Si Hesus ang aking nakikita. 

Sa pagdalaw natin sa maysakit, hindi lamang po ang maysakit ang nabibigyan ng konsuelo, tayong dumadalaw, tayo ay nabibigyan ng pagkakataon, na makita, mahawakan, at marinig si Hesus. At ang pagdalaw sa maysakit na may awa sana po ay umuwi rin sa ating aksyon. Ang unang aksyon sana bilang sambayanan, magtulong tulong tayo para mapalagaan ang  kalusugan, ang kapakanan, at dignidad ng tao. Kung baga huwag na tayong maghintay pa na ang tao ay magkasakit upang magpakita ng damay at awa. Ipakita na ngayon ang awa sa pamamagitan ng pagkilos, positively. 

Huwag ka nang maghintay na masira ang kalusugan. Ngayon palang alagaan ang kalusugan. Huwag na tayong maghintay na ang mga tao ay maaksidente pa, ngayon palang kumilos na kung paano ang sambayanan ay magiging safety conscious. Kasama iyan sa awa. Huwag tayong tapon dito tapon doon, kasi kapag marumi ang kapaligiran, tayo ay tagadala ng sakit. Hindi tayo tagadala ng awa at malasakit. Kung ikaw naman ay may pagkain na hindi mo naman makain pero hinahayan mo na lamang na mabulok at amagin at saka itatapon, ibahagi mo sa mahihirap, upang ang kalusugan naman ng mga bata ay mapalagaan. Nagiipon ka upang mayroon kang pang-load mamaya, magipon ka siguro naman araw araw Pondo ng Pinoy. Magipon ka para naman ang mga bata ay mapakain: Hapag-asa. At awa at damay iyan para mapigilan ang malnutrition, at ang malnutrition umuuwi sa learning difficulties, kasama iyan sa awa. Huwag na tayong maghintay na mayroon pang mapinsala. Kasama na awa, damay at malasakit, ano ang magagawa na natin ngayon para maitaguyod ang kapakanan at kalusugan at safety ng ating kapwa? 

O, sa sasakyan,  naku naman, kung lahat ay maingat sa pagtawid, kung lahat ay maingat sa pagda-drive hindi na natin kailangan ng malaking orthopedic hospital. Eh, pero kung tayo ay tawid kahit saan at wala tayong pakialam kung GO o STOP; o kung ang aking pagda-drive, ang aking pagbibiskleta, ang aking pagmomotor, ay walang pakundangan ay naku po, kailangan natin ng napakalaking hospital. So, kasama po sa awa sa maysakit ay alagaan naman natin ang bawat isa. Darating ang sakit, pero huwag naman nating madaliin sa pamamagitan ng ating maling pagkilos at nakakapinsalang mga kaugalian. 

Sana magkaroon tayo ng patas, equitable and dignified service to the sick. Nakakalungkot po. Ako po nakaranas ilang beses na bilang pari na sa libing lalo na ng mga bata, pag tinanong mo ang magulang, ano po ang ikinamatay: parang simpleng infection pero bakit ikinamatay. Hindi po madala sa hospital; walang pambili ng gamut. O kaya naalaala ko, nagbabasbas ako ng libing ng dalawang bata, magkapatid, anim na taon at limanng taon sabay namatay. Kasi ang kanilang ama namumulot ng pagkain sa basurahan, pagpag, pinapakuluan, niluluto uli. Nagkataon nung gabing iyon, kahit pinakuluan hindi na mamatay kung ano mang mikrobyo ang naroroon. Nagkasakit ang buong pamilya, dalawang bata namatay. Bakit kailangan itapon sa basurahan bago ipakain? Bakit kailangan ang pagkain maging basura muna bago maging pagkain ng iba? Siguro yung tinapon na pagkain ay pinagsawaan nung kumakain,.  Pero bakit kailangan maging basura muna bago maging pagkain ng iba. Buksan natin ang maraming pinto ng awa, ng malasakit. Ang presensiya ng mga maysakit ay nagpapaalaala sa atin, mahalaga ang buhay, may dignidad ang katawan, si Hesus nariyan, alagaan natin. At kapag dumating ang panahon na tayo naman ang maysakit at haharap sa ating mga limitasyon, manalig tayo na si Hesus ay nakaramay sa atin. Pero ngayon pa lamang dumamay tayo kay Hesus na nasa piling ng may karamdaman at nagaagaw buhay. 

Tayo po ay tumahimik sandali at ipagdasal po natin ang mga mahal natin sa buhay, mga kaibigan, mga kakilala, at lalo natin ang hindi natin kilala na ngayon ay dumaraan sa matinding karamdaman, pangungulila at matinding kalungkutan na dulot ng kanilang karamdaman.