HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Bagong Sigla: Ipamalas ang Awa ng Diyos sa mga Gawa ng Pondo ng Pinoy




(Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the Mass for the 11th anniversary of Pondo ng Pinoy on August 8, 2015 at the Paco Catholic School auditorium.)



Mga minamahal na kapatid kay Kristo. Tayo po ay magbigay puri, magpasalamat sa Panginoon dahil tinipon niya tayo sa araw na ito upang atin pong ipagdiwang ang anibersaryo ng Pondo ng Pinoy. At sa araw din pong ito ay kapistahan ng isang dakilang santo, Santo Domingo, ang pundador ng tinatawag nating Dominican priests, ito po ang Order of Friar Preachers, isang tao na kaunti sa salita; nagsasalita lamang kung ang kausap ay ang Diyos, at nagsasalita lamang kung ang paguusapan ay ang Diyos. Kaunti sa salita subalit punong puno ng gawa ng kabanalan at kabutihan. Kaya hanggang sa ngayon ang kanyang iniwan ay mamumunga pa. 


Ganyan din naman, sana, ang diwa ng Pondo ng Pinoy. Sa taong ito ang pinakatema po ng ating anibersaryo ay “Bagong Sigla”; ipamalas ang awa ng Diyos sa mga gawa ng Pondo ng Pinoy. Tatlong magagandang bahagi ng tema: Bagong sigla; Awa ng Diyos; at Gawa ng Pondo ng Pinoy. 

Bagong sigla. Ipinaalaala sa atin na ang Pondo ng Pinoy ay bahagi ng mas malawak na movement sa Simbahan ngayon, ang tinatawag natin na New Evangelization. Nasabi nga po ni Papa Juan Pablo II, ang New Evangelization ay mangyayari lamang kung mayroong New Fervor, Bagong Sigla; New Expressions, New Methods. Iisa ang ebanghelyo. Ang Diyos ay maghahari sa pamamagitan ni HesuKristo. Tapos na ang paghahari ng kasalanan, ng ganid, ng kagahaman, ng pagsasamantala. Pag naghari ang Diyos, maghahari ang katotohanan, ang katarungang, ang paggalang sa kapwa, pagmamalasakit at ganap na buhay na tinatawag nating kapayapaan. Hindi lamang para sa bawat isa, ngunit para sa sambayanan, sa lipunan, at  sa buong santinakpan. 

Ipinagdarasal natin na harinawa mapasa atin ang kaharian Mo. Iyan ang Mabuting Balita, sundan ang ebanghelyo. Subalit hinihingi po sa atin, ipahayag iyan ng may bagong sigla kasi malaki ang tukso, kasi bagamat naniniwala sa Mabuting Balita, binabasa ang Mabuting Balita, bakit parang hindi tayo nakakakuha ng sigla mula sa Mabuting Balita, sa ebanghelyo. May mga tao nga na kapag ipinahayag na ang ebanghelyo sa misa, at pagninilayan na ang ebanghelyo sa homilya, tulog na! Ang ebanghelyo tagatanggal ng sigla. Ang ebanghelyo oras para magpahinga at matulog. Nakita ko yung iba biglang dumilat!

Bakit nga ba kapag may karatula, 50% Sale!, napakasigla. Kapag may balita na darating ang isang concert king or queen, kahit dalawang taon pa, napakasigla, pumipila, nagiipon, nangungutang. Pero kapag maghahari ang Diyos laban sa kasamaan at kadiliman, bakit parang walang sigla. Kapag ang ikakalat ay kasiraan, chismis, napakasigla ng dila. Kapag ang ipahahayag ay ang Salita ng Diyos, natatamimi, nawawalan ng ulirat.

Ang Pondo ng Pinoy ay bahagi nitong mas malawakang na panawagan sa buong Simbahan, sa buong mundo: buhayin ang ebanghelisasyon; buhaying ang misyon; buhayin ang Mabuting Balita na ibig ng Diyos maghari. Wala ng gaganda pang balita diyan, pero nasaan ang tagapagpahayag? May sigla ba sila? Sa pamamagitan ng Pondo ng Pinoy, which is a movement of evangelization, huwag po nating makakalimutan iyon, bagamat ang simbolo ay beinte singko sentimos na iniipon para sa kapwa, ito po ay hindi tungkol lamang sa barya ito ay ebanghelisasyon, ang Mabuting Balita na ipinakikilos; ang Mabuting Balita na ipinalalaganap na harinawa maging kultura, kultura ng pagmamalasakit, kultura ng pagiisip sa kapwa, kultura na kahit maliit ang iyong magagawa, gagawain mo para sa kapwa, katulad ng ginawa ni Hesus. Bigyan ng bagong sigla ang ebanghelisasyon. Lahat ng uri ng ebanghelisasyon, kasama na ang Pondo ng Pinoy. 

Yun po yung unang bahagi: Bagong Sigla. Pondo ng Pinoy is an evangelizing movement which is supposed to give to all new fervor in spreading the Good News of God’s reign and inaugurating it in our midst. 

Pero yung dalawa pang bahagi po: ipamalas ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng gawa ng Pondo ng PInoy. Awa ng Diyos at gawa ng Pondo ng Pinoy. 

Awa ng Diyos. Ito po ang isang pamana ng pagbisita sa atin ni Pope Francis: Mercy and Compassion. Ang anibersaryo ngayong ng Pondo ng Pinoy harinawa ay maging isang masiglang patuloy ng mercy and compassion. At maganda pa po, sa Disyembre ay sisimulan ang Holy Year, Banal na Taon ng Awa at Habag ng Diyos. Isang buong taon na idineklara ni Pope Francis upang ipalaganap sa mundong sugatan at patuloy na nagsusugatan ang awa, habag na mula sa Diyos. At ano sana ang partisipasyon ng Pondo ng Pinoy upang ipalaganap muli ang message ng Papal Visit at upang ating maitaguyod ang Holy Year of Mercy, yung Awa ng Diyos ipamalas sa pamamagitan ng Pondo Pinoy. Sa ating maliliit na gawa na sinasagisag na beinte singko sentimos na pagiisip sa kapwa sa atin pong pagtataguyod ng apat na larangan ng Pondo ng Pinoy, mga larangan ng awa at habag: edukasyon, health laban sa malnutrition, livelihood at housing. Harinawa sa apat na larangan na iyan na tinutulungan ng Pondo ng Pinoy, ang awa ng Diyos magiging gawa. Ang awa ay hindi lamang damdamin. Tayong mga Filipino maawain daw kasi madali tayong maantig. Nanood nga lang ng teleserye nagiiyakan, eh. Alam naman natin na hindi tunay ang kuwentong iyon. Alam naman natin na kathang isip, pero ganyan tayo maunawain. Minsan napapanaginipan. Alam niyo nagpupumiglas ang kalooban doon sa napapanood. 

Naalaala ko nga po nung ako’y rector sa seminary. Minsan bumaba ako para mag-kape, eh yung tatlong nagtatrabaho sa kusina na magkakamaganak ay nagkukuwentuhan ng seryoso. Naririnig ko sabi nung isa, “Naku yang Fernandong iyan, pag hindi nagbago iyan, masisira ang buhay niya.” Sabi naman nung isa, “Eh, matigas naman yung ulo niya, eh, ano ang magagawa natin? Eh, ke pinakiusapan na nga ni ganyan ayaw pa rin., ” Sabi nung isa, “Naku nakikinita ko na ang kauuwian niya,  masisira ang buhay niyan.” Eh, di ako naman lumapit, tuloy naman sila ng kuwento. Sabi  “Ano ba ang maitutulong natin sa Fernando na iyan, ng ano siya, mapaige?” Ayan, pinagtawanan nila ako tulad ninyo. Sabi nila, Father, pinaguusapan lang po naming yung isang teleserye. Biruin niyo po, yung napapanood sa TV, talaga namang umaantig sa puso. Pero mabuti po iyon kaya lang kulang. 

Malimit ang awa at habag, mercy and compassion naiiwan bilang isand damdamin, na darating mayamaya lilisan. Subalit ang awa ng Diyos ay awing gumagawa, kumikilos. Nakita natin iyan kay Hesus. Pag naantig ang puso ni Hesus, may kasabay na gawa. Ganyan ang Diyos na nakilala natin sa pamamagitan ni Moises at mga Propeta. Ang puso ng Diyos ay talaga naman na napakadaling maantig. Kung gaano kadali maantig ang puso ng Diyos ganoon din kadali kumilos ang Diyos para sa kanyang kinahahabagan at kinaaawaan. Ang hamon po sa atin sa anibersaryo ng Pondo ng Pinoy, paibayuhin ang sigla na ipalaganap ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga mumunting gawa. Mumunting gawa araw araw pero kahit mumunti bastat malimit darating ang langit. Hindi lang tayo ang papuntang langit; ang langit parating na, dito. Siguro ang tanong natin, Okay, gusto natin bagong sigla, gusto natin ang awa ng Diyos maging gawa ng Pondo ng Pinoy, papaano ba natin ito maisasakatuparan? Ang atin pong ebanghelyo at unang pagbasa may dalawang paalaala. 

Una, sa ebanghelyo, kailangan ng panananmpalataya. Yung ama sa ebanghelyo ay larawan ng mundo natin na hirap na hirap na, nakikita ang kanyang anak hinihimatay, sinusumpong, minsan nagtatapon ng sarili niya sa apoy. Kung ama nakikita mo ang pagdurusa ng iyong anak, sa puso ng ama at ina nadodoble ang paghihirap. Kung gusto mong malaman ang pinagdaraanan ng isang taong nagdurusa, tingnan mo ang ama at ina. At sa ama at ina makikita po ang lalim ng pagdurusa ng isang tao. 

Ang lalaking ito ay larawan ng ating mundo, hirap na hirap at tumakbo kay Hesus. Humihingi ng habag at awa. Ang nakalulungkot po ay ang una niyang nilapitan ay ang mga alagad pero walang nangyari, bakit? Magandang paalala po sa atin ito. Maraming tao lalapit din sa atin pero bakit nga ba minsan, walang epekto ang paglapit sa atin. Bagamat mayroon naman tayong magagandang plano, mayroon tayong magagandang ideya baka ang kulang ang sinabi ni Hesus. Maganda nga ang plano mo; maganda nga ang organisasyon, maganda ang iyong strategy, pero mayroon bang pananampalataya. Baka lahat ay nakasalalay sa akin; sa aking galing, sa aking kakayahan, ang aking pinananaligan ay ako, ako, ako, eh wala ngang mangyayari. 

Ang Pondo ng Pinoy  tagapalaganap ng Paghahari ng Diyos, kikilos tayo pero bawat kilos ay kilos ng pananampalataya. Nananalig kami sa Diyos na siyang maunawain at mahabagin. Ang ginagawa lamang natin ay ang awa ng Diyos. Hindi ang awa ko, kundi ang awa ng Diyos. Nananalig ako sa Diyos. At kung an gaming plano ay hindi mangyari manalig pa rin sa Diyos dahil ang Diyos naman ang higit na maunawain at mahabagin kaysa sa atin. Ang kilos at gawa kailangan pananampalataya sa Diyos ang motibasyon. Hindi po tayo kompitensiya ng Diyos. Huwag tayong makipagagawan sa Diyos ng pangalan at karangalan. Gawa niya. 

Bibigay lang po ako ng halimbawa. Malinaw pa naman sa ating lahat yung pagbisita ng Santo Papa, yung papaano sa ikatlong araw ay pupunta sa Tacloban. Kung kailan naman handang handa na dumating naman ang isang bagyo. Talaga naman po ako ay napausal sa pagsasalita sa Diyos, “Lord may 365 days sa buong taon, bakit naman bukas mo pa ipapadaan ang bagyo, kung kailan pupunta ang Papa doon? Nakakaawa rin naman yung mga taong naghanda doon, bakit naman po.. Kulang na lang sabihin ko sa kanya, Lord, parang mas maganda yung plano naman, eh. Parang sinisira mo yung plano namin, eh. Plantsado na  yung plano naming, eh. Pero nung bandang huli, napaganda pa yung pagdating ng bagyo, yung pagbisita sa Tacloban. Napukaw ang imahinasyon ng buong mundo ng libu-libong taon na labing apat, labing limang oras na hindi umuupo, nasa ilalim ng hangin at ulan, makapagdasal lamang at marinig ang mensahe ng Papa. At napukaw ang imahinasyon ng mundo, ang Papa nagmimisa nakakapote. Hindi umaalis, kasama ang bayan. Yung akala natin pagsira sa ating plano, sa plano ng Diyos ay nakapagpalalim pa ng mensahe. Yun yung pananampalataya. Mayroon tayong mabuting  intensiyon, mayroon tayong mabuting plano at gawa subalit laging may puwang para sa Diyos at sa bandang huli, ikaw pa rin Panginoon ang kumilos. Sabi nga nung aking spiritual director, kapag nagiinit ang ulo ko na ang aking plano ay hindi nangyayari, sabi niya sa akin, “Chito, believe, God has a better story to tell.” Maniwala ka, manalig ka, ang Diyos ay may mas magandang kuwento kaysa sa kuwentong ginagawa at sinusulat mo. Faith. 

Sana ang Pondo ng Pinoy maging masigasig, maging talaga namang missionary movement, pero hindi mayabang, hindi umaangkin ng Gloria at tagumpay kundi bawat kilos ay handog ng pananalig sa Diyos, na higit nagmamalasakit sa bayan, kaya ginagawa lamang natin ang awa ng Diyos. 

At ang pangalawa pong paalaala, mula sa unang pagbasa, pagibig. Wala tayong ibang motibasyon sa paggawa ng mabuti sa kapwa, sa  feeding program man iyan, livelihood man iyan, sa scholarship man iyan, o kaya patulong sa housing, wala tayong ibang motibasyon, kundi ang Pagibig ng Panginoon. Kaya sabi po ni Moises sa mga tao, ibigin ninyo siya, ang Panginoon. Siya lamang ang Diyos. At ibigin ninyo siya ng buong puso, kaluluwa at lakas. Itanim ninyo sa inyong isip ang kanyang utos at yung pagibig na iyon sa Diyos, iyan ang ipapamalas sa acts of mercy towards the other. Wala tayong ibang hangad kundi ipadama ang pagibig ng Diyos sa kapwa. 

Ang taong may pananalig, ang taong may pagibig sa Diyos hindi mauubusan ng sigla. Makakatulong ang bitamina, nakakatulong ang tamang diet, nakakatulong ang ehersisyo pero para po sa atin sa Pondo ng Pinoy, kung walang pananalig sa Diyos at walang pagibig sa Diyos, walang tunay na sigla ang isang misyonero. Huwag po tayong matatakot. Harapin ang mundong madilim na katulad ng dinanas ng ama sa ebanghelyo. Huwag tayong matatakot at huwag din tayong magsasabi, napakalaki ng problema hindi ko naman kayang solusyunan iyan, tumahimik na lang ako. Hindi po. Ang may pananalig, ang may pagibig, pag nakita ang dilim, sa maliit na kilos at gawa, ipapamalas niya ang awa ng Diyos. At kahit maliit ang kandila na dala dala mo, napukaw na ang dilim. Kung dati puro kadiliman, pero dahil may isa nang nagsindi, hindi na total darkness. Eh kung araw araw nagsisindi ka, araw araw nagsisindi tayo, maglalagablab ang mundo! Lagablab ng pananalig at pagibig. 

Tayo po ay tumahimik sandal at tanggapin muli ang biyaya na pinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo, at ng ating pinagpipitagang Cardinal Gaudencio Rosales, ang inspirasyong ng Pondo ng Pinoy. Tanggapin natin muli ang inspirasyon na ito: bagong sigla sa gawa, ang awa ng Diyos.