HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Pondo ng Pinoy: Bagong Kultura, Bagong Ugnayan, Bagong Espirituwalidad




(Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at the Mass to mark the 10th anniversary of Pondo ng Pinoy on June 12, 2014 at Brgy. Calzada, Taguig City.)



Muli po, magandang umaga sa inyong lahat. Magpapasalamat po tayo sa Diyos sa pagsapit ng ika-sampung taong anibersaryo ng Pondo ng Pinoy. At salamat din po sa lahat ng naniniwala sa layunin ng Pondo ng Pinoy. Salamat din po sa ating Board of Trustees na laging gumagabay upang maging tapat ang Pondo ng Pinoy sa kanyang orihinal na inspirasyon. Salamat din po sa Diocese of Pasig sa pangunguna ni Bishop Mylo at ang atin pong mga punong bayan dito sa Taguig na pumayag na dito natin ipagdiwang ang ating anibersaryo.


Sinabihan ko po ang ating butihing founder si Cardinal Gaudencio Rosales tungkol po sa ating gaganapin. Nagkataon lamang po na mayroon siyang kasabay na appointment. Pero natuwa po siya nung sinabi ko, “Alam niyo, Your Eminence, ang ating 10th anniversary hindi natin ipagdiriwan g sa isang auditorium, hindi sa isang teatro, hindi sa isang ballroom o hall, kundi ipagdiriwang natin doon sa gitna ng sambayanan kung saan nakikita natin ang isang bunga ng Pondo ng Pinoy.” Pumapalakpak po ang kanyang tainga. Alam ko ho masaya siya sa ating ginagawa. At bilang pasasalamat sa kanya bagamat wala siya dito palagay ko naman ay maririnig niya. Palakpakan po natin si Cardinal Rosales. O, makinig kayo, ayun narinig ko, sabi niya, salamat daw po, narinig niya ang ating palakpak.

Ibig ko pong bigyan ng pansin ang isang bahagi ng Pondo ng Pinoy na bagamat nariyan ay baka nakakalimutan, kasi po pag sinabing Pondo ng Pinoy, totoo naman, naalaala ng iba, beinte singko sentimos na araw araw iipunin hindi para sa sarili, hindi para pang-load, hindi para pang binggo, kundi magiipon para sa kapwa. Ibang uring pagtitipon. Pero hindi lamang po ito pangongolekta ng pera para mapuno ang pondo. Ang pondo rito ay hindi lamang pera. Sa unang-una pa lang pong pagtatalakayan tungkol sa Pondo ng Pinoy, ano talaga ang ating ibig malagay doon sa pondo? Beinte singko? Salamat. Pero ang ibig natin na pondo na maipon ay ang bagong pagkatao, bagong kulturang Pilipino na nakaugat sa pagibig sa Diyos at sa kapwa. Sa pang-araw araw ng paghuhulog ng beinte singko para sa kapwa harinawa, bagong kaisipan, bagong ugali, bagong pakikitungo sa kapwa, bagong kultura, bagong Pilipinas ang umunlad sa tulong ng Pondo ng Pinoy.

Iyan po ang evangelization component kaya nga po ang Pondo ng Pinoy ay bagong ebanghelisasyon. Ngayon pa naman June 12. Ano ho ba ang June 12? Araw ng? “Kalayaan.” Sana. Pero yung salitang independence hindi naman kalayaan, eh. Ano ho iyan? Kasarinlan. Magandang salita. Kasarinlan. Ano ang ugat? Sarili. Ano ba ang tinatampok ng kasarinlan. Sarili na naman! Hindi naman masama ang sarili, yung makatayo sa sarili. Napakapangit po kung ang anak ninyo 25 anyos na inaakay niyo pa. Sana naman nakakatayo sa sarili, di ba ho? Hindi masama ang sarili, pero papaano ba lumalago ang sarili. Kalimitan ang paglago ng sarili ay tumatahak sa daan ng pagkamakasarili. At yun ang maling-mali na pananaw sa independence. Pagkamakasarili. Ang tunay na sarili lumalago sa ugnayan sa kapwa. At palawakin natin, papaano natin matutuklasan ang tunay na sarili? Sa ugnayan sa Diyos, ugnayan sa kapwa, ugnayan sa lipunan, sa bayan, ugnayan sa kalikasan. Putulin natin ang lahat ng iyan: Ayaw ko na sa Diyos, kasarinlan. Naku po! Ayaw ko sa kapwa, kasarinlan! Ayaw ko sa bayan, kasarinlan! Wala akong pakialam sa kalikasan, bakit? Kasarinlan! Anong uring independence iyan!

Kaya itong pagdiriwang ng Pondo ng Pinoy at Araw ng Kasarinlan mag-isip isip nga tayo. Anong uri ng independence ang ating itinataguyod nitong nakarang 116 na taon? Taon-taon ba ang Pilipino nagiging makasarili sa ngalan ng kasarinlan? Harinawa, hindi! At itong Pondo ng Pinoy sana ang maging deterrent; isang taga-check kapag maling kasarinlan ang dumadating. At sa isang simpleng pamamaraan sa ebanghelyo kita natin ang tatlong uri ng pagkamakasarili na ibig puksain ng Pondo ng Pinoy sa pamamagitan ng pag-develop ng kultura ng pagibig sa Diyos, kapwa, bayan at kalikasan.

Sa kuwento po ng mayaman at si Lazaro, ano yung tatlong uri ng pagkamakasarili na ating nakita? Una po, yung tatawagan nating economic selfishness, pagkamakasarili sa larangan ng ekonomiya. Papaano po iyan? Yung mayaman, sabi po, maganda ang damit at punong-puno ang kanyang mesa ng masasarap na pagkain. Iyan ang ekonomiya ng pagkamakasarili. Accumulate ng accumulate: magagandang damit, masasarap na pagkain, para sa sarili, kahit hindi maubos, kahit hindi maisuot lahat, basta, akin yan! At ano ang inuuwi, ano ang nagiging bunga ng ganyang ekonomiya, economic philosophy and system? Ang beggar, ang pulubi, walang makain, habang yung mayaman, pagkarami rami ng pagkain na hindi naman kayang ubusin, pero hindi ibabahagi. Bakit? Akin yan, eh! Kailangan mo ba yan? Hindi! O, di ipamigay sa iba. Ay hindi! Bakit? Akin yan, eh!

Kapag ang ekonomiya ganyan at ganyan, ang ating growth hindi inclusive. Lumalago nga raw ang ekonomiya. We boast of the growth of GDP, 7.2, pero ang poverty level nananatili sa 7, di ba kung may growth mababawasan yung poverty? Pero kasi yung ekonomiya, ang kulturang ekonomiya ay ganoon pa rin, accumulation, which defeats sharing, ang Pondo ng Pinoy hindi para magaccumulate lang. Hindi. Kundi para ibahagi. Paguwi po ninyo tignan ninyo yung inyong mga cabinet, kung may cabinet kayo. Baka punong –puno ng hindi niyo naman ginagamit, mga damit na maliit na kasi malaki ka na. Hindi mo na kailangan, eh. O bakit, i-share! Eh, akin yan, AKIN! Ayan, balik tayo doon sa mayaman sa ebanghelyo. Ganun pa rin ang kultura.

Ikalawa. Anong uri ng ugnayan, o puwede pa nating sabihing, anong uri ng pulitika ang nanduon sa ebanghelyo? Noong maraming pagkain yung mayaman at maraming magagandang damit, bulag siya sa pulubi. Mabuti pa yung aso nakita yung pulubi, pero siya, hindi niya nakita yung pulubi. Kailan lang niya naalaala ang pulubing Lazaro nung kailangan na niya, kasi hirap na hirap na siya sa impiyerno. Ayon, nung nahirapan na siya, biglang naalaala si mahirap. Di ba ganyan minsan ang ating ugnayan? Di ba ganyan din minsan, sad to say, ang political culture? Pag kailangan natin ang kapwa, naku, bidang bida! Pagkailangn ko ng boboto sa akin, naku! Mahal kayong lahat! Pero pag hindi kayo kailangan, hindi kayo nakikita. Pero hindi lang iyan sa pulitika, pati sa pang-araw-araw na buhay. Kapag may pera ako, hindi ko pinapansin yung kapitbahay, pero pag nangailangan ako, “kumare, ang ganda mo, kumpare, ang kisig mo.” O bakit? Mayroon ka ba diyang 500, pahiram naman. Ano ba iyan? We cannot relate that way. We cannot build up this network of relationships called the political system based on pagkamakasarili. May kapwa ako kapag kailangan ng sarili ko. Pero pag wala kang silbi sa akin, wala ka.

Kaya tuwang tuwa po tayo sa kanina nakita natin, mga people with disability, mga madaling isantabi, yan ang kultura ng Pondo ng Pinoy. Walang tumutingin sa inyo, ang tingin ng iba pabigat kayo, hindi, may dangal kayo, mahalaga kayo at kayo ang magtuturo sa lahat.

Bagong ekonomiya, bagong ugnayan at pulitika at panghuli po bago ding espirituwalidad o religiosity. Kasi po yung mayaman para bagang ang Diyos niya pagkain na masarap, sinasamba kita. Napakadaling sambahin ang magagarang damit; magandang sambahin ang mesa nating punong-puno at hitik na hitik. Sa ngayon ano ang sinasamba? Cell phone. Ang Diyos salita ng salita hindi pinapakinggan. Mag ring lang ang cell phone, kahit naka silent mode, manginig lang ang cellphone, naku po, parang Diyos. Nandito tayo, mangusap ka cellphone, nakikinig ang iyong alipin. Walang oras na hindi tayo nag-che-check. Sabi nga po sa akin ng isang pari, nung wala pang cellphone, pagkagising niya sa umaga ang una niyang ginagawa, magdasal. Ngayon, paggising niya sa umaga ang una niyang ginagawa, chine-check kung mayroong message o miss call.

Sino na ba ang Diyos natin? Pero ano ang nangyari sa ebanghelyo? Kailan niya nai-isip ang Diyos? Nung naghihirap na siya at kailangan. Minsan, even God becomes a uselful tool, tool that I make use off. Pero kapag maganda ang takbo ng buhay, anong Diyos, Diyos? Wala iyan! Pero tignan niyo, kapag nawala ang kapwa, wala na ring Diyos. Pag hindi ko nakikita ang Lazaro, hindi ko makikita ang Diyos.

Ito po ang kultura na ibig i-evangelize ng Pondo ng Pinoy. Bagong pananaw sa goods of the earth. Hindi pa rin tipunin at tipunin sa sarili. Nilikha ng Diyos ang kabutihan ng mundo para ibahagi sa kapwa. Bagong kultura ng ugnayan—ang kapwa ay may dangal; ang kapwa ay hindi kasangkapan; ang kapwa ay mamahalin, paglilingkuran, i-de-develop, lilinangin. Walang kakalimutan at isasantabi.

At ikatlo, ang Diyos ang makapangyayari sa lahat. Ang kanyang kalooban ang susundan, hindi tatawagin lamang ang Diyos kapag kailangan ko o mayroon siyang silbi sa akin. Hindi. Siya ang gitna ng ating buhay. Harinawa sa atin pong Pondo ng Pinoy at sa mga kuwento ng Pondo ng Pinoy lumaganap ang mabuting balita, lumaganap ang bagong kultura, lumaganap ang bagong ekonomiya, lumaganap ang bagong ugnayan at pulitika, lumaganap ang bagong espirituwalidad na hindi nagbabalewala sa Diyos at sa Kanyang salita.

Tayo po tumahimik sandali, at tanungin sa ating sarili, doon sa tatlong iyon, saan pa ba ako nagkukulang at papaano mapapalalim ang katekesis ang evangelization ng Pondo ng Pinoy.