HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Kabanalan at Kabayanihan Ay Pakikiisa sa Kapwa




(Homily delivered by His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle at the Mass at the San Jose Manggagawa Parish, Tondo, Manila  on May 1, 2014.)



Sa awa at kabutihan ng Diyos tayo po ngayon ay sumapit sa pagdiriwang ng kapistahan ng ating mahal na patron, si San Jose Manggagawa. Ang pagdiriwang ng kapistahan ay hindi lamang pagpasasaya at definitely hindi lamang magkainan, magsayawan, at maglasingan. Ang kapistahan ay banal na gawain, pagkilala sa kabutihan ng Diyos lalo na sa pamamagitan ng ating mga banal na nanalangin sa atin. Ikalawa, ang kapistahan ay pagtingala muli sa mga modelo ng pananampalataya at pagsunod kay Kristo. Hindi ganap ang pagdiriwang ng kapistahan kung hindi rin tayo higit na tumutulad sa ating pintakasi, ang atin po patron. At ikatlo po ang kapistahan ay muling pagbubuo ng sambayanan kung kaya tradisyon kapag pista naghahanda hindi lamang para may kainin ang pamilya kundi upang magkawanggawa. Sana yung napapakain sa mga tahanan ay hindi lamang yung mga kilala at mga kamag-anak, kundi lalo’t higit ang mga nagugutom, na kahit hindi natin kaanu-ano.



Malalim po ang kahulugan ng kapistahan sa ating pananampalataya. Pagpapanibago ng ugnayan sa Diyos; pagpapanibago sa pagsunod kay Kristo sa pamamagitan ng mga banal na modelo at pagpapanibago ng sambayanan lalo na sa pagbabahaginan at pagkakawanggawa sa mga kapos palad. Mapalad po tayo na sa taong ito ang tema ating buong taon ay tungkol sa biyaya at misyon ng pagiging layko, Year of the Laity na kung saan lahat tayo, lalo na ang mga layko ay tinatawagang maging banal at bayani. Banal at bayani. Hindi mamimili ng isa lang ho, hindi yung sa banal na lang ako, bahala na yung iba sa pagbabayani. O kaya sa bayani na lang ako, bahala na yung iba sa pagbabanal, mas mahirap yung maging banal kaya sa bayani na lang ako. Hindi po. Ang tawag po sa atin ngayon ay pagsamahin yung dalawa kasi sa katunayan ay iisa lang sila. Sino yung tunay na bayani? Ang banal. At ang tunay na kabanalan ay napapakita sa pagiging bayani. At si San Jose Manggagawa ay isang layko, hindi naman ho siya punong pari, hindi ho siya nagtrabaho sa temple upang doon, katulad nung mga pari nung panahon niya, ay magalay ng susunuging handog sa Panginoon. Siya po ay layko. Sa katunayan ang kanyang pamilya ay hindi kabilang sa linya ng mga pari. Hindi ho sila lahi ni Aaron; hindi ho sila lahi ng mga Levitika. Sila po ay nasa linya ni David kaya hindi po sila angkan pari. Kaya kayo mga layko talagang mayroon tayong modelo si San Jose.

Pagnilayan po natin. Ano ba  ng kabanalan? Ano ba ang pagkabayani?   Na nakikita natin una sa lahat kay Hesus at makikita natin sa mga banal na tao tulad ni San Jose? Alam po ninyo, sabi ko nga kanina, ang kabanalan at pagiging bayani ay iisa, lalo na sa larangan ng pananampalataya. Papaano po sila nagsasama? Kasi kapwa sila may dalawang katangian. Una, ang tunay na kabanalan at tunay na pagkabayani ay naka-ugat sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Iyan ang tatak ng mga tunay na banal; iyan ang tatak ng mga tunay na bayani. Hindi sariling kalooban. Hindi ang sariling gusto. Hindi ang sariling kapakanan ang uunahin. Kapag inuna ko ang sarili kong kalooban kaysa sa kalooban ng Diyos, hindi ako banal, ako ay makasarili. Kapag ang sarili ko ang inuna ko hindi ako puwedeng maging bayani, kasi ang bayani nagaalay ng sarili. Pero kapag sariling kagustuhan lang ang nasusunod hindi iyan nagaalay ng sarili kundi nagpp-promote ng sarili. Makikita natin kay Hesus at mga santo, ang unang tatak ng kabanalan ay matupad nawa ang kalooban mo. Si Hesus, malinaw na malinaw iya. Sa ebanghelyo ni San Juan , sabi ni Hesus, wala akong ginagawa sa ganang sarili ko lamang; ginagawa ko lamang kung ano ang nakikita kong ginagawa ng Ama. At doon sa halamanan takot na takot siya sa haharapin niyang pagdurusa. Ano ang sabi niya sa Ama, “Ama, sana ang kalis na ito ng paghihirap ay lumipas sa akin, subalit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo. Kung kailangang kong inumin ang alak ng pagdurusa kahit gaano kapait basta kagustuhan mo ay iinumin ko.” Iyan ang banal. Iyan ang bayani.

At si San Jose alam naman natin gusto na niyang hiwalayan si Maria nung kanyang natuklasan na nagdadalangtao bago pa sila magsama. Gagawin niya ito sa tahimik na pamamaraan, subalit sa pamamagitan ng panaginip ipinaliwanag ng Diyos kay San Jose na ang dinadala ni Maria ay lalang ng Espiritu Santo. At ang sabi ng anghel kay San Jose huwag kang matakot kunin si Maria bilang iyang asawa. At pagkagising yung kanyang sariling plano itinabi na at sinunod ang kalooban ng Diyos. At inalagaan niya itong batang ito kahit hindi niya anak sa katawan. Inialay ang sarili. Banal dahil sumunod sa kalooban ng Ama at ang sarili ay inialay. Banal, bayani. Ang tanong sa atin po, mga kapatid, kanino bang plano ang nananaig: ang sa sarili ko ba o ang sa Diyos?

Nagkumpil ako minsan, tinanong ko yung mga bata: kayo pagkinumpilan dapat ang tatak na ninyo mahalaga na ang Diyos. Ang kalooban ng Diyos hindi ng sarili lamang. Tinesting ko. O pagkatapos ng kumpil ano ang uunahin ninyo, pagaaral o pagbubulakbol? Pagaaral po! Wow, nagiging banal. Ano kako ang mas mahalaga, pagdarasal o panonood ng TV? Pagdarasal po! Wow, talaga naman, nagiging banal na! Sabi ko, ano ang mas mahalaga, misa o 30 million dollars? 30 million dollars! Wala! Mabigyan lang ng dollars ang kalooban ng Diyos wala. Kaya nung magsilapitan para mabigyan ng kumpil talaga namang pagkalakas lakas ng pagsampal ko! Sabi ko, sige nga matauhan kayo!

Tanungin ko kayo, ano ang mas mahalaga ang misa o 50 million dollars? Uhmm. Patawarin nawa kayo ng Panginoon. Iyana ng kabanalan, iyan ang kabayanihan. Na kahit na bigyan ako ng 10 billion pesos ang kalooban ng Diyos ang mananaig at ang pagtalikod ko sa sarili ko ay kabayanihan na. Walang banal at bayani na punong-puno ng sarili. Para maging banal at tunay na bayani, tulad ni Hesus at mga santo at santa hindi sarili kundi ang Diyos.

Kung iyan po ay mabigat na mayroon pa hong ikalawa na katangian ng banal at bayani. At dito po ako magtatapos. Kay Hesus at mga santo at santa, ang isa pang bahagi ng kabanalan at kabayanihan ay ang pakikiisa sa kapwa lalo sa mga makasalanan, sa mga mahihina, at sa mga dukha. Solidarity with the weak and the sinful. Pinakita po ni Hesus sa atin iyan, na bagamat siya ay Anak ng Diyos binitawan niya, hinubad niya ang kanyang karangalan, naging hamak na tao, nakiisa sa atin. At pumila doon sa mga magpapabinyag kay Juan Bautista. Eh ang mga nagpapabinyag ay mga makasalan, bagamat siya ay kordero ng Diyos na nagaalis ng mga kasalanan ng sanlibutan hindi niya ikinahiya na makisalamuha sa mga makasalanan at tulad nila ay nagpabinyag. Hindi man niya kailangan iyon ngunit iyon ang hinihingi sa kanya.

At sabi nga po  sa sulat sa mga Hebreo, dahil siya ay nakiisa sa atin, natukso, nagutom, tumangis, siya ay naging compassionate high priest at hindi marahas na hukom kundi compassionate brother. Iyan ang isa pang tatak ng kabanalan at kabayanihan: niyayakap ang kapwa para bagang sa ginawa ni Hesus at ng mga santo, maliban sa kasalanan lahat ng ating pinagdaraanan ay kanilang nauunawaan. Alam ni Hesus ang magutom. Alam ni Hesus ang maging refugee nung sila ay tumakas papuntang Egypt. Alam ni Hesus kung papaano paginitan ng isang Herodes. Alam ni Hesus ang mawalan ng tirahan. Alam ni Hesus ang matukso. Alam niya. At higit sa lahat alam niyang matakot sa harap ng kamatayan. Kaya walang tao ngayon na nagiisa. Nagugutom ka, kasama ka ni Hesus. Natutukso ka, kasama mo at nauunawaan ka ni Hesus. Wala kang matirhan, nauuwaan ni Hesus ang kalagayan mo. Ang tunay na banal/bayani hindi magsasabi sa kapwa, ewan ko hindi ko nauunawaan ang kalagayan mo. Hindi. Minsan po may nagsabi sa akin, madali daw siyang mainis doon sa kanyang kasambahay kasi kahit gaano niya kadalas sabihin kung papaano iluto ang isang ulam lagi niyang nakakalimutan. Kaya naiinis na siya, masyadong makakalimutin! Sabi ko naman eh kayo po ilan po ba ang apo ninyo? Walo po. Memoryado niyo po ba ang mga pangalan ng lahat ng apo ninyo. Eh, minsan nakakalimot. O eh kayo nga minsan nakakalimot, kayo na makakalimutin dapat kayo ang unang nakakaunawa sa inyong kasambahay na makakalimutan, eh bakit kayo galit na galit? Dapat ng pag nakalimutan ng kasambahay niyo ang gawain kayo ang dapat unang magsabi, huwag kang magalala makakalimutin din ako; makakalimutin ka, makakalimutin ako, dapat nga na tayo ang magkasama.  Hindi iyong, ano k aba, maghanap ka na ng bagong amo. Eh, baka kayo nga ang dapat magkasama pareho kayo at sino pang maguunawa diyan, eh di pareho kayong maguunawaan. Kayo na nakakalimot, siya nakakalimot, eh bagay nga kayo. Eh pero hindi tayo ganyan kasi hindi tayo banal at hindi tayo bayani. Kaya kulang sa pangunawa sa mga maliliit at sa mga nagkakamali.

Mahirap ho ito. Medaling ipaliwanag pero sa tunay na buhay ang kabanalang  umuuwi sa kabayanihan at ang tunay na kabayanihan na nakaugat sa kabanalan dahil sa sumusunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa sariling kalooban, nakiiisa sa kapwa lalo na sa mga marurupok at mahihina, ito po ay biyaya na kailangan nating hingin. Umasa tayo nay ibibigay iyan ng Diyos pero pag binigay ng Diyos pagsikapan naman nating isabuhay. Tulad ni San Jose maging bukas tayo sa plano ng Ama at tulad ni San Jose makiisa sa kapwa, makiisa kay Maria na nagdurusa, makiisa kay Hesus na pinaghahanap at pinagtatangkaan, makiisa sa araw na ito sa lahat ng mga manggagawa, mga simpleng bumubuhay hindi lamang sa pamilya kundi sa ating bansa ngunit kalimitan inaapi, binabalewala. Sa ating kabanalan at kabayanihan atin din pong itaguyod ang kinabukasan at dangal ng mga manggagawa.

Tayo po ay tumahimik sandal at tignan sa ating puso, ano ang hamon ng kabanalan at kabayanihan sa atin?