HomeRCAMDirectoryParishesNewsLibraryGalleryDonationLinksContact Us
Journeying with God (to Rio)

(Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the Mass for the commissioning of the Youth Delegates of the Archdiocese of Manila to the World Youth Day in Rio de Janeiro, July 2013).





Nagpapasalamat po tayo kay Father Jade at sa ating Youth Ministry sa pagtitipon na ginagawa natin ngayong hapon sa banal na Misa upang atin pong isugo ang ating mga magiging delegado sa World Youth Day, official delegates.  Mga magulang, papayagan ninyo ba ang mga anak niyo na sila lang ang aalis? Gusto niyo rin hong sumama? World Meeting of Families?

Pero maganda po, maganda po na hindi lamang basta aalis. Kasi maganda po itong commissioning dahil sa ating pagalis ay ating nararamdamang isinusugo tayo. At ang nagsusugo po ay ang lokal na simbahan. Mahalaga po iyon. Pupuwede naman akong pumunta sa Brazil nang sa sarili ko, kung gusto kong mamasyal. Pero iba rin yung ako ay pupunta doon dahil ako ay isinugo, hindi lamang ng aking pamilya, kung hindi ng isang mas malawak na pamilya, ang Simbahan. At dahil doon ang pagpunta sa World Youth Day ay magkakaroon ng direksyon, magkakaroon ng pakay. At maganda ang ating pagbasa (Gn. 28:10-22; Mt 9:18-26).

Ang unang pagbasa mula sa Genesis, makikita po natin si Jacob na naglalakbay din. Hindi ko lang alam kung ilang taon na si Jacob nung nangyari ito. Pero naglakbay siya mula sa Beer-sheba papunta sa Haran. Tayo naman hindi sa Beer-sheba manggagaling. Manggagaling sa Manila papunta sa Rio! Parang mas maganda naman kaysa manggagaling ka sa Beer-sheba papuntang Haran. Pero dito po sa paglalakbay ni Jacob nakatulog siya sa isang lugar at doon nagkaroon siya ng pangitain, pangarap, na doon sa lugar na iyon ay mayroong hagdanan papunta sa kalangitan at nakita niya ang mga anghel, akyat panaog at may pahiwatig ang Diyos na Siya ang Diyos ng mga ama ni Jacob, siya ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang lupang ito ibibigay sa kanya. At nangako ang Diyos ng kapiling siya ni Jacob at ng mga salinsalinlahi.

Maganda po itong Unang Pagbasa para sa mga maglalakbay. Saan ba ang mga stopover niyo? Dubai? Mahaba iyon, ilang oras kayo sa Dubai. Apat. Mula sa Dubai, Sao Paolo na. Tapos mula sa Sao Paola, eight hours pa to Rio. Huwag kayong magalala. Dubai man iyan, Sao Paolo man iyan or sa Rio man iyan, laging mayroong hagdanan patungong langit. At sa pamamagitan ng mga hagdanang iyan, ang mga anghel ng Diyos ay mag-aakyat panaog papunta sa inyo. Huwag kayong matakot kasi may kasamang pangako iyon na hindi kayo iiwanan ng Panginoon. Ang paglalakbay ay laging kapiniling ng Panginoon. Journeying with God because God journeys with us. Sa ating paglalakbay naglalakbay din ang Diyos kasama natin.

At magandang isipin iyan. Isinusugo tayo ng Diyos at ng Archdiocese of Manila bilang delegates sa World Youth Day pero yun palang pagsugong iyan ang Diyos ang na nagsusugo hindi tayo iiwanan, kasama niya tayo maglalakbay. Hindi lamang iyan pagpapalakas ng loob. Hindi lamang iyan para masabi natin biniyayaan ang ating paglalakbay. Iyan din ay may kasamang obligasyon. Kung kalakbay ko ang Diyos, maglalakbay ako kung papaano naglalakbay ang Diyos. Di ba sinabi na rin ng Diyos iyan, sa Propeta Micah. Sabi niya, alam niyo na naman ang dapat niyong gawin: do justice, love kindness and walkk humbly with God. Walk with God. Ibig sabihin ang Diyos naglalakad. At papaanong maglakad ang Diyos? Humbly. At kung makikipaglakad ka sa Diyos, kung paano ang paglakad niya ganoon ang lakad mo. God walks humbly, so you walk with Him so your walk must also be a humble walk. May assurance na hindi maglalakad ng mag-isa, kasama ang Diyos pero sa paglalakbay natin, titignan natin papaano ba lalakad ang Diyos? At kung ang Diyos ay papunta sa Rio ano ang gagawin niya doon? Ano ang magiging pamamaraan ng paglalakbay niya doon? At kung ganoon siya maglalakbay, ganoon din tayo.

So yung mga magulang hindi lang tayo “ay salamat ang mga anak namin ay kasama ang Diyos, protektado sila.” Totoo yun, pero hindi sila dapat maglalakbay ng taliwas sa paglalakbay ng Diyos. Ayan tinitignan na niyo ang mga anak ninyo. Oho, ganoon. Katulad ba iyan ng sayaw, halimbawa, ang sayaw ay tango, eh kung yung partner mo nagtatango pero ikaw naman ay nagboobogie, hindi magkatugma ang inyong lakad, hindi magkatugma ang inyong indak. Magkakagulo kay diyan at baka madisgrasya kayo. Minsan iyong nagbooboogie ay inaasahan na siya ay sasaluhin nung isa, eh sa tango wala namang saluhan-saluhan yata, baka putok ang ulo niyo diyan kasi magkaiba ng indak, magkaiba ng sayaw. Kung gusto nating talagang missionary journey ang World Youth Day, discern. Discern what God wants to accomplish there and what does God want the Philippine delegation to contribute there. At yun ang gusto ng Diyos, lalakbay tayo doon, sasabay tayo sa lakbay niya. Baka pagdating sa World Youth Day ay naku, takbuhan dito... Mali. May misyon tayo. Sa dami dami ng kabataan, sa dami ng puwedeng pumunta doon, tayo ang pinalad, tayo ang nagkaroon ng opportunity, tayo ang isusugo ng Diyos, pangatawanan natin iyon. Ang pakay niya, ang lakad niya, ang indak niya, iyon ang ating gagawin.

Maganda rin ang Gospel. Si Hesus ay may espesyal na paglalakbay na gagawin. Siya ay papunta sa isang bata na sabi ay kamamatay lang. Maglalakbay siya para magbigay buhay. At sa paglalakad niya, mayroon namang isang babaeng na labingdalawang taon ng nagdurusa, hemorrhage, at ang isip ng babae, kung masasabayan ko lang si Hesus na naglalakbay, na naglalakad, mahawakan ko lang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako. At gumaling nga. Napakagandang paglalakbay ni Hesus, paglalakbay na nagpahilom, paglalakbay na nagbigay buhay.

Ito ho yatang World Youth Day ay naisip ni Pope John Paul II hindi lamang para tipunin ang mga kabataan kundi upang sa pagsasamasama, paglalakbay mula sa iba’t ibang bayan magsasamasama, maramdaman ng mga kabataan—ang mga kabataan na sa panahon natin ay maraming sugat, maraming pagkalito, maraming mga pagdududa, maraming karanasan ng kahirapan, karanasan ng pangungulila, pagiisa, kahit na maganda ang pamilya, hindi lang naman pamilya ang nakakaapekto sa kabataan ngayon, kaya ano man ang ating pagproprotekta, mayroon na magiging sugat. Itong paglalakabay na ito, harinawa, kung kasama si Hesus ay maging karanasan din ng paghihilom ng maraming mga sugat at ng bagong buhay. At hindi naman sa patay na bubuhayin kundi bagong sigla upang matuklasan ang mga sources of energy. Kaya po sa ating mga delegates, maglakbay kayo kasama si Hesus. Marami kayong makikilala doon na mga kabataan na katulad ninyo na maramng tanong sa buhay, maraming naging sugat, maging daan kayo ni Hesus sa kapwa kabataan.

Noong World Youth Day sa Sydney na-assign akong catechist sa isang parokya na nandoon ang maraming kabataan galing sa Irag, yung mga tumakas sa Iraq, mga refugees. At damang dama mo habang yung iba ay lundagan ng lundagan, yung mga usual ano ng kabataan, kitang kita mo sila, isang grupo sila na parang matamlay. At nakausap ko yung isang leader nila. Yun daw mga iyon ay hindi talaga delegates sa World Youth Day, but they are refugees. At iyong simbahan na iyon, doon lagi nagsisimba yung mga Iraqis dahil may paring Iraqi na alam yung Chaldean (?) rites. Kaya yung mga kabataang iyon... ininterview ko yung iba. Yung isa iyak agad kasi siya lamang ang nakatakas mula sa Iraq. Nagiisip pa siya kamusta na kaya ang mga magulang ko na naiwan pa doon. Kanusta na kaya yung mga kapatid ko na naiwan pa roon. Yung batang iyon ang daming sugat at trauma na daladala at sana yung ibang youth na mukhang buhay na buhay, mukhang masayang masaya through interaction with them sana katula ni Hesus makadala rin ng paghihilom, ng pagasa. Yung hemorrhage, hindi lamang blood ito but of life, minsan ang buhay ay... minsan sa mga murang isip there is a hemorrhage of life, of hope, of dreams. Wala lang parang natutuyo. Eh mga Filipino pa naman kilala sa pagiging masayahin, palangiti. Pagdapa tayo. Yung marunong humarap sa buhay. Ganoon dalhin ninyo. Sa paglalakbay kasama niyo si Hesus. At yung mga parang patay na sasabihan niyo katulad ni Hesus, “Hindi! Hindi patay iyan! buhayin ninyo  yung mga drooping spirits. At yung mga parang natutuyuan na ng buhay sana makita lang kayo, masagi lang kayo, aba, parang nabuhayan. Sino ang nasagi ko?

Its an experience of World Youth Day. Laging ganyan but you have to consciously go there with this in mind: God is with you but as He walks you walk. In Jesus God walks towards those who are losing life and those who in faith are already dead and thanks to the journey of Christ, ayan nagkaroon ng buhay.

Baka makabalita kami, Oo mayroon doon isang batang patay na nalapitan lang ng Philippine delegation nabuhay na. (laughter..)  Pero talaga hindi ko makalimutan yung simbahan na iyon na hindi ko sukat akalain group of young people, refugees from Iraq. Yung isa namang simbahang napuntahan ko, naku, ang mga damit parang mga nakabahag. Yun pala ay mga galing sa Papua New Guinea and Solomon Islands. Hindi ko naman sukat akalain na pagkatapos ng ilang taon ako ay ipapadala ng Vatican sa Papua New Guinea para mag... visitation ng seminaries. At mayroon isang kabataan na lumapit sa akin, sabi, “Nandoon ho ako sa simbahan na kung saan kayo nagcatechist. Hindi ko lang masabi, “sorry hindi kita mamukhaan kasi ang tingin ko iisa ang mukha niyo..Ganoon rin ang tingin nila sa atin, magkakamukha tayo. But you never know how the paths cross but matters is we walk with God and when the paths cross, we have the interaction of life.

And finally nagbigay po ako ng retreat sa mga pari sa Malaysia. Yung isang pari lumapit sabi, alam po ninyo ako ay youth delegate ng Kuala Lumpur sa World Youth Day sa Manila 1995. Doon luminaw sa akin na may bokasyon pala ako sa pagpapari. Kaya sabi niya hindi ko malilimutan ang World Youth Day, hindi ko makakalimutan ang Manila. Doon ako dinala ng Diyos at ngayon pari na siya, youth minister siya. Baka makita niyo doon sa Rio, pag may taga Kuala Lumpur tanungin niyo... Tuwang tuwa siya nakakita siya muli ng pari, bishop from the Philippines dahil memorable sa kanya.  Baka doon sa Rio lilinaw sa isip magpapari ako. Magmamadre ako. O baka dito palang, hindi pa dumarating sa Rio lumilinaw na.

Kaya ko kinukwento sa inyong lahat ito dahil sa paglalakbay but it is not just a physical journey, a geographic journey na I move from Manila to Dubai to Sao Paolo to Rio, ang isang mahalaga diyan is your internal journey, walking with God, walking with Jesus, walking towards life, walking towards healing. ...

Magkalapit kami ng kuwarto ni Bishop Mylo. Isang gabi tinawagan ko. O, ano ang ginagawa mo? Eto, gutom na gutom ako. Kaunti lang yung binigay sa aking pagkain. O, mayroon pa akong natirang pagkain dito. Dalhin mo nga dito sa kuwarto ko. Ibinigay ko sa kanya. Chito lumabas naman tayo, kumain tayo. Ayon so naglakbay din kami hanggang nakakita kami ng makakainan, order siya ng pizza. Tapos balik na kami sa hotel. Naku Chito naiwan ko yung cell phone ko! Balik na naman kami. So dear fathers ang mga paglalakbay ninyo. So paglalakbay maging fruitful ang missionary. Show them the best of Filipino Catholics. Show them that we have something to contribute to the worldwide Church in our simplicity, in our joy. Let them experience the presence of God journeying with us, with hope and healing.

So maraming salamat na sa inyo sa pagiging bagong misyonero ng ating archdiocese. Who knows this might be the beginning of other missionary trips for you.

Maaari pong tumahimik tayo sandali at tanggapin mula sa Panginoon itong napakagandang biyaya na makapaglakbay kasama niya para magbigay pag-asa at magbigay liwanag.