Thursday, 30 January 2020 06:34

Homily delivered by His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the concluding Mass of the 7th Philippine Conference on New Evangelization at the Smart-Araneta Coliseum on January 29, 2020, at 3:30 p.m.


Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, muli po magpasalamat tayo sa Panginoon na siyang dahilan kung bakit tayo narito at bakit tayo natitipon. Sa pangalan ng Panginoong Hesus tayo ay nagkakaisa.
 

At naging tradisyon na po ng PCNE na kung papaano nagsisismula ang PCNE sa hapag ng Panginoon sa Eukaristiya,

dito rin tayo magtatapos. At nakaugalian na rin na sa huling Misa ng PCNE, hindi lang natin sinasabi humayo kayo tapos na ang Misa. Hindi. Meron ding commissioning. Pahahayuin tayo upang ang ating nakita, narinig, nahawakan tungkol sa Salita ng Diyos na si Hesus ay ating maibahagi sa iba.

 Cardinal Tagle receives the cross that serves as a reminder that a Christian life is like the way of the cross and Christ’s resurrection during the send-off at the 7th Philippine Conference on New Evangelization held at Smart-Araneta Coliseum on January 29, 2020.
Photo by RCAM-AOC l Photogallery

Kaya ang pagdalo sa PCNE ay hindi lamang, excused ako sa klase o excuse ako sa trabaho, hindi. Pagkatapos ng PCNE, makikibahagi sa misyon.

Maganda po ang mga Pagbasa natin, huwag po kayong matakot kahit mahahaba yung dalawang Pagbasa mas mahaba po ang homilya.

Marami na tayong narinig at kita naman ninyo na halatang halata na yung diyakono ay bata. Ang boses niya mas malakas. Ako poý ang lalamunan ay medyo nanganganib.

Maganda po ang dalawa nating Pagbasa tungkol sa misyon. 

The gift you have received give as a gift. At tungkol din po sa paghahanda natin sa 2021, taon ng misyon. Kung papaanong dumating sa atin ang pananampalataya, ngayon naman bilang mga binyagan tayo ay inaaanyayahang ibahagi ang biyaya na ating natanggap.  The gift you have received give as a gift.

Kapag ang misyon ay inisip natin hindi bilang trabaho kundi sharing of a gift, parang mas katanggap tanggap. Kasi  kapag misyon, naku, mabigat yan trabaho yan. Umaatras eh. Pero kapag ang misyon ay sharing the gift that we have received then, natural lang yun e na kapag may natanggap kang biyaya, ito’y panatilihing biyaya. Ibinibigay.

Pero paano nga ba magmisyon? Dalawang paalaala mula sa mga Pagbasa.


Una po, sa Ikalawang Aklat ni Samuel, si Haring David ay mayroong magandang panukala. He had a good, good and noble project - magtayo ng tahanan para sa Panginoon. Pero sabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta Nathan, “Hoy! Ikaw ang magtatayo ng bahay para sa akin? Alam mo ba yang plano mo? Ipagtatayo mo ng bahay ang Panginoon? E, ako nga ang gumawa ng lupa at langit. Anong maibibigay mo sa akin. Ako ang magtatayo ng bahay para sa iyo. At ang bahay na itatayo ko, hindi gawa sa kahoy, sa semento. Ang itatayo kong bahay ay ang iyong pamilya. Hindi bahay na bato kundi ang iyong tahanan at mula sa iyong lahi ay darating ang manunubos.”

Ito’y magandang paalaala sa atin sa misyon. Minsan good intention naman gusto natin may magawa para sa Diyos at sa sambayanan. Hindi po masama yun, hindi masama. Magandang hangarin at magandang gawain. Pero paalaala, ang Diyos ang may gagawin sa atin. Siya ang unang may gagawin at itatayo. Tayo po ay makikiisa lamang sa kanyang pagkilos.

Minsan ang misyon nagiging ambisyon. May patutunayan ako sa bayan na yan, may patutunayan ako. Kaya kong gawin ito. Kaya kong itayo ito. Kaya kong simulan ito at tatapusin ko. E, salamat pero ang tunay na misyon ay makiisa ka kaya sa itinatayo ng Diyos. Baka yung itinatayo mo hindi naman yan ang gustong itayo ng Diyos. Ang tunay na misyon ay nasa pagkilatis sa kung ano ang gusto na itayo ng Diyos.

Ito po’y naikuwento ko na ilang pagkakataon. Naalaala nyo ba ang pagbisita ni Pope Francis? Anong year iyun? 2015. Anong buwan? Fifth anniversary ngayon talaga naman. Kaya yung PCNE 2015, kailan natin ginawa? Kailan? January. Nagparticipate si Pope sa PCNE 2015. Ayaw nyong maniwala?

So, 5 years ago. E, di ba katakut-takot ang ating paghahanda sa pagdating ni Pope. Ako poý saksi. Ilang buwan na meeting, ilang buwan na pagpunta sa iba’t ibang lugar para tignan saan nga ba magmimisa ang Pope. Ano ba ang pwede niyang bisitahin. Ang tanong sa akin pa noon, mula sa Nunciature hanggang sa Manila Cathedral, ilan kilometro at gaanong kabilis yan? Sabi ko, “Sa Pilipinas hindi namin tinatanong ang kilometro. Ang tinatanong naming ano ho, ang trapik. Kung walang traffic, ten minutes. Kung may traffic, four hours. Iba po ang pag measure namin. Kayo kilometro kami traffic.” Tawanan kami pero nakito ang pagpupunyagi sa Tacloban, dito po sa Manila, doon sa MOA, lahat po. Lahat ibig natin makapaghandog kay Pope at sa buong mundo ng magandang handog.

Kung bakit naman dumating ang bagyo Enero at yung araw pa na bibisita si Pope sa Tacloban. Akoý talagang parang nagtampo. Sabi ko sa Diyos, “Ang dami naming pinlano, ang dami naming itinayo lalu na yung mga tao sa Tacloban. Mayroon naming 365 days a year, bakit itong araw ka nagpadala ng bagyo. Wala ka na bang ibang mapili.” Nanghihinayang ako sa itinayo, ipinlano, at inihanda namin.


Pero sabi nga, God has a better story to tell. Dahil doon sa bagyo at pati yung Misa sa Luneta, for the first time nakakita sila ng Papa na nagpopontifical Mass naka-kapote. At lalu na sa hindi natin pinaplano nakapagbigay ng saksi ang ang mga taga-Tacloban at mga karatig na lugar at ang bayang Pilipino na nagtipon sa Luneta. Nakapagbigay ng saksi sa buong mundo na kahit bumabagyo, kahit umuulan nandun tayo. Hindi tayo aatras, hindi natin aatrasan ang bagyo. Basta makapagdiwang at salubungin ang Santo Padre.  Hindi natin plano yun pero yun ang ginawa ng Diyos.

Pagkatapos po ng Pope’s visit, mga two weeks later, pumunta ako sa Rome umattend ng meeting. Sa airport pa lang may nakakilala sa akin, “Kayo ba yung sa Pilipinas sa Manila?” Sabi ko, “Opo.” “Wow! Ang bayan ninyo, ang mga Pilipino nagturo sa amin kung papaano manalig.”

Ang Diyos ang magtatayo hindi tayo. Yan ang misyon. Magplano ka pero kapag may ibang plano ang Diyos, huwag mong igiit ang plano mo. Huwag mong itayo ang ibig mong itayo. Guguho iyan. Pero ang magandang balita may itatayo ang Diyos. Maaaring hindi natin agad nauunawaan pero sa takdang panahon ang itatayo niya higit pa sa naiplano nating itayo. Maski ngayon lahat tayo siguro very eagered, unity, unity baka pag uwi nyo nga e, katukan nyo agad yung mga iba doon, let us dialogue.

At baka meron kayong kapitbahay na hindi katoliko o hindi kristiyano baka pilitin nga ninyo e, hey c’mon, dapat by tomorrow nagda-dialogue na tayo. O simulan natin ngayon eye to eye. Bukas naman ear to ear. Ayan nakaplano yan at sakit yan ng simbahan ngayon. Naku po! Planning dito planning diyan planning dito planning diyan. Lahat measurable. Lahat accountable. Ay ganyan. Teka maganda yun pero, hey, have we consulted God what does God want to construct?

At panghuli po sa Ebanghelyo yung naghasik, another image of mission. Ang Diyos naghahasik ng mga binhi. Sabi po sa akin naka-attend ako ng Bible sharing, e, karamihan po mga magsasaka. Ito yung una kong assignment sa Mendez Nuñez, Cavite. Ah, may taga-Mendez ba dito? A, ayun pahinge nga ng kape. E, di mga magsasaka, coffee growers, sayote. Meron pa bang sayote? A, meron pa, ganyan. E. doon sa isang barangay, may sharing sabi sa akin nung isang leader na alam kong farmer, sabi niya, “Alam nyo po yung nasa Gospel na maghahasik? Hindi po tunay na farmer yan. Kung tunay na farmer yan bat ka naman mag-aaksaya ng ano sa batu-bato. Sa mga tinik tinik, ganyan. Kung tunay na farmer yan, ayusin muna ang lupa at doon ka maghahasik.” Sa loob loob ko lang, oo nga ano. Sino ba ang pakikinggan ko? Itong si Hesus o itong farmer na ito? Parang gusto nang sabihin na kausapin mo nga si Hesus. Kayo nga ang mag-areglo diyan. Pero napapaisip ka nga ano. At ang hinahasik pa naman ay hindi basta binhi kundi Salita ng Diyos. Pero ganyan naman talaga siguro ang tiwala ng Diyos. Parang God takes chances.

Iba-ibang lupa. Kayo anong klaseng lupa kayo? Kayo ba yung nasa daan daan lang diyan mukhang sidewalk. Kayo ba yung mukhang mabato? Kayo ba yung matinik puro tinik? Lahat ng mapalapit sa’yo ay aray natutusok. O, kayo ba yung matabang lupa?

Pero may mga kahulugan ang iba-ibang uri ng daan. Pero kung tutuusin po itong Salita ng Diyos na kanyang hinasik, hinasik ng Diyos ay hindi basta salita kundi ang kanyang anak na si Hesus-ang Salita ng Diyos na naging tao. Yan ang misyon ng Diyos. Isugo, ihasik ang kanyang anak na buhay na salita at alam naman natin ang buhay ni Hesus. Parang naitapon siya sa mga daanan. Yun bang tinanggap siya pero biglang dumating si satanas at binawi siya sa puso ng iba. May ganyang karanasan si Hesus.

Si Hesus naihasik din sa kabatuhan. Naku, nakinig ng may galak pero pagkatapos ng dumating ang kahirapan at pag-uusig, wala na nanlamig na. Di ba yung iba nakinig tas nung sinabi niya, ako ang kakainin ninyo ang aking katawan, iinumin niyo ang aking dugo. Sabi nung iba, ay mahirap yan. Isa-isa silang umalis.

Si Hesus naihasik din sa mga dawagan. Yun bang mga bagay na makamundo ang inuna at pagkatapos ay iniwan siya. Naalaala niyo ba yung rich young man? Susunod ako, sabi ni Hesus, “Ibenta mo lahat ng ari-arian mo. Ibigay sa mahirap at sumunod ka sa akin.” Wala na. Wala na.

Pero meron din naming mga matatabang lupa. At yung mga matatabang lupa hindi mo inaasahan. The syrofenetian woman, the Samaritan leper, the woman with flow of blood. Yung mga akala mo mga tabi tabi nandun pala ang matabang lupa. Outsiders. Kababaihan may karamdaman.

Mga kapatid, bawat isa sa atin katulad ni Hesus ay buhay sana na butil na ihahasik. Kapag kayoý napunta sa lansa-lansangan, tularan si Hesus. Kapag kayo’y napunta sa batu-batuhan, tularan si Hesus. Kapag kayoý napunta sa mga dawagan, tularan si Hesus. Huwag lang kayo mamili ng laging matabang lupa. Yung matabang lupa na pinipili nyo baka hindi yan mataba. Hayaan niyong ang Diyos ang pumili kung saan ka ihahasik.


Mga kapatid na pari, huwag kayong mamili ng assignment. Kung saan ka ihasik, yan ang matabang lupa para sa iyo. Parang meron kayong pinahihiwatig. Kayo rin, kung saan tayo hinahasik ng Panginoon. Hindi ka na president ng Pastoral Council, okay. Huwag yung hindi na ako kailangan ni Father kaya ako’y mag lay low ngayon, lay low. Gusto mo lagi yung matabang lupa? Nakatabi ka sa picture, ano ka, ganyan at laging nakukunsulata? Hindi, hindi baka ang matabang lupa para sa iyo ngayon doon sa tahimik na misyon. Basta may lupa mataba yan kapag pinili ng Panginoon na doon ka ipunla. Maging salita ka, binhi ng Panginoon.

Hay naku po! Parang ako ang unang dapat making sa aking sinasabi. At totoo po yan. Kaya ganito naman ang aking pagbabahagi ay dahil ito rin ang narinig kong sinasabi sa akin.

At sa pagtatapos po, mamaya, mamaya pa bago matapos ang Misa, sa commissioning bawat isa ay makatatanggap ng isang regalo. May Santo Niño at isang maliit na botilya, container ng holy water. Pero wala pa hong tubig kasi baka inumin na ho at saka ano ho.

Pero dahil ang 2021 yung 500th anniversary of the arrival of Christianity, ang tema natin ay “Gifted to be a gift.” Yun ang misyon. Lahat tayo gifted as baptized. At ito po ay magiging sagisag mamaya. Ibibigay po ito sa bawat isa. Bawat isa ay makatatanggap. Teka, hindi pa pumalakpak kayo agad. Pero ibibigay niyo. Ayan wala nang pumapalakpak. E, sabi yung gift to be given, di ba. Pero ibibigay niyo sa katabi niyo at yung katabi niyo ibibigay naman sa inyo, okay. At dadasalan natin ang bawat isa. Pagka-abot po ninyo ng inyong gift sa katabi niyo paki-krusan sa noo.

The water and the sign of the cross, reminders of Baptism. At yung unang binyag sa Cebu kaya Santo Nino reminding us of our own baptism. The gift that we have received and now as baptized butil tayo na ihahasik ng Panginoon. Pwede po ba yun? At pag uwi ninyo humingi kayo ng holy water sa inyong parish priest. Ayaw na naman. Ano ba naman. At sana magamit niyo ito pati sa pamilya. Mga magulang dasalan ninyo ang inyong mga anak. Dasalan ninyo ang bawat isa and don’t hesitate to bless. Kung meron kayong mga kapatid, kamag-anak bring the gift that we have received who is named Jesus, the word of God sown that green of wheat that fell to the ground. We are that ground, that ground of humanity even the dust and mud of humanity on which Jesus the seed fell even unto death. It is from this earth that the seed grew more fruit and hopefully we are those fruit. Let us be also the seed falling on the ground.

Tayo po’y tumahimik sandali at sa panalangin ay ating ihanda ang ating sarili na maging mga butil ng presensiya ni Hesus na ihahasik ng Panginoon sa malawak na lupain ng sangkatauhan. (Archdiocesan Office of Communications/RCAM-AOC)

ENGAGE WITH US

Please, enter your name
Please, enter your phone number
Please, enter your e-mail address Mail address is not not valid
Please, enter your message
Copyright © 2017 Roman Catholic Archdiocese of Manila. All Rights Reserved.
Privacy Statement | Terms of Use | Disclaimer