Sunday, 19 January 2020 16:38

Homily delivered by His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the Novena Mass for the Feast of Santo Niño at the Santo Niño de Pandacan on January 18, 2020, at 6 p.m.


Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat magpasalamat tayo at magpuri sa Panginoon. Siya po ang nagtipon sa atin para maging isang sambayanan, isang pamilya ng pananampalataya.

At tayo po ay nagagalak parang patuloy pa po ang pasko. Hindi na nga naaalis yung mga parol. E, bakit nga naman aalisin ito ay parokya ng Santo Niño kaya araw araw pasko. Baka kahit ano pa ang nangyayari, kasal, parol dapat ang dekorasyon. Anibersaryo sa kasal, parol. Libing, parol. Walang katapusang pagdiriwang ng misteryo ng pagkakatawang tayo ni Hesus bilang sanggol at bata.

Parang madaling sabihin maging bata pero sa Ebanghelyo, malinaw po na ang pagiging bata sa paghahari ng Diyos ay pagtulad kay Hesus. Siya ang modelo ng pagiging bata. Kasi sa mundo natin ngayon napakaraming nagpapanggap. Ako ang modelo ng pagiging bata.

His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle l Photo by Maricar Santos/RCAM-AOC
View Photogallery l View Video


Nandiyan yung pabanat ng pabanat ng mga peleges. Nandiyan yung paputol ng paputol ng mga bituka para lumiit ang bilbil. Nandiyan ang iba-ibang kulay ng buhok araw araw nag-iiba ang kulay. Yan ang pamamantayan ng pagiging bata sa paghahari ng mundo at napakagastos.

Ang atin pong ipinagdiriwang ay ang paghahari ng langit, paghahari ng Diyos. At sabi ni Hesus, kapag hindi tumulad sa mga bata, hindi tayo mapapabilang sa pinaghaharian ng Diyos

Sino yang bata na ating tutularan sa paghahari ng Diyos? Walang iba kundi si Hesus. Siya na nanatiling bata kahit na siya’y trenta anyos, trentaý tres anyos. Siya ay anak ng Diyos. Bilang sanggol, bilang hindi na sanggol, nanatili siyang bata, anak ng Diyos. Sa kanya nakikita ang paghahari ng Diyos Ama. At kung ibig nating mapabilang sa paghaharing yan, maging bata tulad ng bata at anak na si Hesus.

Ang atin pong mga Pagbasa ay mayroong mga pinahihiwatig kung paano naging bata si Hesus.

Sa Unang Pagbasa, sabi ng propetang Isaias, ang mga taong naglalakad sa dilim nakasugong ng liwanag. Ano yung dahilan ng dilim? Bakit madilim ang paglalakbay ng tao? Kung tititgnan po natin yung description ng dilim, ito ay dahil sa pag-aalipin sa kapwa, pagsasamantala sa mga mahihina. Gera, yan ang nagpapadilim.

Kapag merong manipulasyon ng kapwa, ibig sabihin may nagpapanggap, ako ay mas mataas ikaw ay mababa pwede kitang tapakan. Kapag mayroong pang-aalipin, ibig sabihin mayroon diyang nagpapanggap, ako ang ao ikaw ay mababang uri. Kapag mayroong karahasan ibig sabihin may nagtatangka, dapat kang mawala.

Yung mga ugaling iyan hindi yun hindi iyan ugali ng bata sa paghahari ng Diyos. Kaya ang dulot niyan kadiliman

Sabi ng propeta Isaias, may liwanag para sa mga inaalipin, para sa mga nabibigatan dahil sa karahasan at digmaan. Sa pagdanak ng dugo, may liwanag. Bakit? Ipapanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki. At alam natin ang pangalan ng sanggol na iyan, Hesus.

At makikita natin kay Hesus puro kabaliktaran, hindi siya nang-api ng kapwa. Hindi siya nang-alipin ng kapwa. Siya pa nga ang naghugas ng paa ng kapwa. Hindi siya pumatay kahit na siya ang sinaktan. Yan ang bata. Yan ang bata na nagbibigay ng liwanag.

O kaya sa piyesta natin ngayon pag uwi iwanan na dito ang lahat ng yabang. Huwag nang ilabas. Huwag nang iuwi at dalhin sa kung saan saan yung maling kaisipan, akoý mas mataas itoý mas mababa. Iwaksi ang lahat ng tendency na pwede ko namang samantalahin ang aking kawpa. Minsan hindi natin yan namamalayan pero nagagawa natin.

Bibigay ho ako ng halimbawa. Hindi makapaniwala yung ibang tao na akoý Pilipino. Ano magagawa ko talagang nasa ninuno e, ano ho. (crowd laughs) Talagang may dugong Chinese.

Minsan ho, akoý pumunta sa Rome umattend ako ng meeting hindi pa po ako Obispo nun. Pagka-init init nung araw na yun, summer. Bumili ako ng, maghuhulog ako ng sulat kaya pumunta ako sa post office ng Vatican. E, nagkataon nung araw na yung araw na yun ang bilihan ng stamps parang mga kubul kubul doon sa plaza, nakapila yung mga tao nakabilad sa araw.

E, di ang haba ng pila. Yung dulo ng pila, pumila ako. Narinig ko nag-uusap Tagalog. Aba, mga Pilipino pala itong mga andito. Sabi, “Ang init init naman bakit ba nilabas pa ang bilihan.” Ang sabi nung isa kaya ko nalaman sabi nila kung saan sila nakatira, “Kung sa Germany ito mas mabilis dito kasi Italy mabagal sila.” Uy! Nasa Germany pala. Tapos nakita ako sabi, “O, ito yang Intsik na yan dito pa pumila nakita nang mahaba.”  (crowd laughs)  Ganyan tayo e, ano ho. Pag akala natin iba pag-uusapan.

E, di tumahimik ako. Nagpanggap nga akong siopao, siomai, sige nga. (crowd laughs) E, di bumila na sila ng stamps. Ang dami nilang post card. E, ako isa lang naman yung sulat ko. Isa lang yung binili kong stamp. Nilawayan ko (crowd laughs) tapos hinulog ko. E, sila ang dami, laway sila ng laway. Nilapitan ko sabi ko, “Ingat kayo ha, baka matuyo ang laway ninyo.” (crowd laughs) “Ay, Pilipino pala. Bago sila makapag-aplogize, tumakbo na ako sabi ko, bahala kayo. Mangumpisal kayo. (crowd laughs)

Ay naku, parang maliit na bagay pero yung tendency na mangmaliit, pag usapan ang akala nating hindi nakakaintindi. Kapag nakakita ng parang deaf, di naman tayo naririnig niyan. Kapag bulag, di naman tayo nakikita niyan. Hindi yan ang bata na nagdadala ng liwanag. Yan ang ugali ng mapang-alipin, mapanghamak at marahas na nagdadala ng kadiliman. Ang liwanag ay dala-dala ng isang sanggol at ang pangalan ay Hesus.

At panghuli po, sabi po ni Hesus sa Ebanghelyo, ang sino mang tumatanggap sa isang bata, sa isang mababa na ganito, ako ang tinatanggap. Wow! Bahagi ito ng pagkabata ni Hesus nakikisa siya sa mga mababa. At doon nasusukat ang kadakilaan.

Sa mundo ang pagiging dakila ay paangat ka ng paangat. Hanggang pang ang layu layo mo na sa iyong mababang pinagmulan. Mas malayo ka na mas dakila ka. E, pero kay Hesus ang dakila ay yaung hindi nahihiya na makiisa sa mga bata, sa mga mabababa. Kaya sabi ni Hesus nung ako’y nagugutom pinakain mo ako. Nung ako nauuhaw pinainom mo ako. Nung akoý walang damit, dinamitan mo ako. Nung akoý dayuhan, tinaggap mo ako. Nasaan si Hesus na bata? Hindi nya ikinahihiya ang mga mabababa. Nandun siya sa kanila.

Kailangang kailangan ng ating mundo ang ganitong katangian ng paghahari ng Diyos. Solidarity, communion sa halip na diskriminasyon. Para bagang ikinahihiya na mapabilang sa mga mabababa.

Kaya nga minsan po, hindi naman sa ano ho, minsan may mga kababayan tayo napupunta sa abroad. Pagkatapos ng isang taon pagbalik dito, aba’y, “What is the word for egg? I forgot it already.” Isang taon pa lang nakalimot na ng Tagalog. Magsasalita, “A, a, I’m sorry, I’m sorry, I’ve been living in California for two months.” Two months? (crowd laughs) “Saan ka nakatira?” Ano ba yan. Di bale kung doon ka pinanganak, e. Dadalawang buwan ka palang sa Amerika, seventy six years old ka, alanganaman nakalimutan mo yung tagalog ng…. Nakakagat kagat tuloy ang dila kaka-tweng, tweng, tweng. (crowd laughs)  Kasi lang ayaw lang magpakilala na identified with Filipinos. Kailangan ako ay banyaga.

Hindi ganyan ang batang si Hesus. Bagamat siya’y anak ng Diyos, hinubad niya ang kanyang karangalan at kapag may ginawa ka na mabuti sa maliliit, sa kanya mo rin ginawa. At kapag merong hindi ka ginawa sa kapwa na maliliit, hindi natin ginawa kay Hesus.

Okay po. So, sana po hindi lang maging bata, period. Maging bata tulad ni Hesus. At yan ang paghahari ng ama na si Hesus ang nanatiling bata, anak ng ama. At tayong lahat ay anak din ng Dyos. Salamat kay Hesus na anak. Huwag nating sayangin ang biyayang ito.

At para po sa sambayanan natin dito sa Pandacan, yan sana ang maging tatak hindi lamang ang masayang piyesta. Hindi lamang ang mabighaning pagsayaw. At hindi lamang ang tradisyon na Buling Buling. Sana makilala tumutulad kay Hesus bilang bata at ang ating parokya maging bahagi, karanasan ng paghahari ng Diyos sa mundo.

Bilang pagwawakas po, isipin natin at isapuso ang mga kapatid natin na sa oras na ito ay dumaranas ng kahirapan at kawalang kasiguraduhan sa buhay dahil sa pagsabog ng Taal. Ako’y medyo nahihihya, nakakapagsalita ako ng ganito, nagkakapagpaliwanag tungkol sa pagiging bata na aasa sa Diyos.

Pero kapag ang bahay mo ay halos bumagsak dahil sa bigat ng abo, ang iyong bukid halos hindi mo na makita. Tapos hindi mo matanaw, kelan kami maaaring bumalik, kami ba’y makakapagsaka pa? Napakahirap maging bata na sabihin, sa iyong mga kamay ama inihahabilin ko ang lahat.

Marami siguro sa kanila nag-i-struggle kaya ang atin pong pagdiriwang, ipanalangin natin sila at alam ko sa naririnig nating mga kwento galing sa kanila sila pa ang magtuturo sa ating papaano tumulad kay Hesus. Maging bata umaasa sa ama.  

Tumahimik po tayo sandali at makiisa tayo sa mga kapatid natin sa Batangas, sa Cavite, sa Laguna na ngayon ay lumikas o tumatanggap ng mga evacuees. (Archdiocesan Office of Communications – RCAM AOC)

ENGAGE WITH US

Please, enter your name
Please, enter your phone number
Please, enter your e-mail address Mail address is not not valid
Please, enter your message
Copyright © 2017 Roman Catholic Archdiocese of Manila. All Rights Reserved.
Privacy Statement | Terms of Use | Disclaimer