Feast of Our Lady of Guadalupe


Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle during Mass to celebrate the Feast of Our Lady of Guadalupe on December 12, 2018, at the National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Makati City, at 12:00 noon

Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesuskristo. Una po sa lahat, tayo ay magpasalamat sa Diyos na nagtipon sa atin bilang isang simbahan, bilang isang sambayanan upang sa araw na ito mapanibago tayo ng Salita ng Diyos, ng presensiya ni Kristo, ng pagbuhos ng Espiritu Santo, at gayundin upang tayo ay magabayan at mabigyan ng inspirayon ng ating pinipintakasi ang Mahal na Birheng Maria, Ina ni Hesus, ina ng Diyos, ina nating lahat na dito po sa dambanang ito at sa buong Pilipinas at sa maraming bahagi ng mundo ay tinatawag, tinatawagan bilang Birhen ng Guadalupe.


Photo by Eric Paul Guanlao

Nagpapasalamat po tayo sa nanggaling pa sa ibat ibang bahagi ng ating bansa. Pwede bang malaman sino po sa inyo ang nakatira sa labas ng Archdiocese of Manila, yung hindi sa Archdiocese of Manila. Pakitaas po.Yun. Salamat po ho. Salamat po. Huwag nyo ibababa hanggang matapos ang Misa itataas nyo yan.

Talagang National Shrine ang ating pong dambana. At atin din pong wine-welcome siyempre sa tahanan ng Panginoon at tahanan ng Mahal na Ina ang atin pong mga faithful, mga mananampalataya sa Archdiocese of Manila. Sa inyong lahat po, happy fiesta ng Our Lady of Guadalupe. 

Sa taon pong ito, taon ng mga kabataan na idineklara ng mga Obispo ng Pilipinas, Year of the Youth. Kaya naman ang atin pong pagdiriwang ng piyesta ay nakatuon kay Maria bilang gabay, ilaw ng kabataang katoliko at sana nga lahat ng kabataan kahit na hindi mga katoliko. At huwag po natin isipin na ang Year of the Youth ay dapat lamang asikasuhin ng mga nasa Youth Ministry ng mga diyosesis ng parokya. Bagamat mayroong youth ministry, ang kabataan po ay concern, alalahanin ng lahat ng bumubuo ng simbahan at ng lipunan, pamilya. Ang pamilya concern sa youth. Edukasyon, paaralan, pati ang informal education. Kabataan concern yan. Media, lalo na ang mga pelikula, ang mga programa sa radyo, ang mga musika, ang internet. Naku! Kabataan, isa sa mga concerns natin dyan. Business, kasi ang mga advertising, ang mga moda na damit , mga moda na buhok, mga moda na mata, mga moda na tenga. Tine-testing muna nila yan sa kabataan. Security, kasi ang mga kabataan maaari rin mauwi sa kriminalidad. Lahat po, lahat kailangang magtulung-tulong para maisakatuparan ang adhikain natin sa taong ito. Makatugon sa pangangailangan ng mga kabataan. 

Noong Oktubre, nagkaroon po ng pagtititpon ng mga representatives ng mga obispo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ginanap po sa Rome kasama si Pope Francis at ang tutok po ay ang kabataan. Papaano maisasalin sa kanila ang pananampalataya at papaano sila matutulungan para maharap ang direksyon sa buhay. Ano ba ang kanilang papel sa buhay? At uulit ko hindi natin ipapasa yan, kayo naman ang bahala sa youth, kayo naman ang concern dyan. Lahat po, dahil lahat ng bahagi ng buhay ang kabataan nandoon. Sa kabutihan man o sa hindi mabuti ang isa sa laging napupuntirya ay ang kabataan. 

Buong taon po na ito ay pagninilayan at hopefully kilusan sa iba’t iba nating diyosesisi at iba’t ibang mga parokya. Pero sa araw pong ito ibig ko lang magbigay ng dalawang punto at dalawang hamon na rin lalo na pagtumingin tayo kay Maria. Ang una po, sa Ebanghelyo, si Maria na taga Nazareth Galilea ay nakatanggap ng misyon mula sa Diyos.  Si Maria sa Ebanghelyo ay isang kabataan. Youth si Maria. Sabi po si Maria raw noong panahon na iyun ay baka kinse anyos. 

Sa Bibliya, napakaraming kabataan, si Maria kabataan yan, si Jose kabataan. Si Hesus, youth at maaga ring namatay.  Namatay si Hesus, nag misyon si Hesus bilang youth at malamang ang kanyang mga unang alagad mga kabataan din. Baka yung kanyang mga kabarkada si Martha, si Maria, si Lazaro, mga kabataan. Baka mga beauty queen pa nga yan eh, Miss Barangay, mga ganyan ano, Mutya ng Kalye, ganyan. Kabataan eh. Si Haring David, kabataan. Si Solomon, kabataan. Ang Bibliya punung puno ng mga halimbawa ng kabataan, regular na kabataan. Dito po sa Ebanghelyo, si Mariang dalagita at ano ang ibig nating matutunan sa kanya?  Papaano hanapin ang direksyon sa buhay? Papaano hanapin ang tinatawag nating kahulugan ng buhay o misyon sa buhay. Ang dalagitang Maria at ang binatilyong Jose may mga plano na eh. Sila ay magkasintahan at magkatipan na. 

Minsan po sa panalangin ini-imagine ko eh, papaano kaya nag-usap itong si Maria at si Jose. Pag-uwi niyo, i-imagine ninyo. Kilala naman natin sila. Si Mariang walang bahid kasalanan. Si Jose na matuwid na tao pero parehong taong tao. Paano kaya sila nag-usap. Siguro si Jose, sabihin, ay Maria, pagtatayo kita ng pinakamagandang bahay dito sa Nazareth. Si Maria naman, eh talaga. Mayumi eh. Ilang anak ba ng gusto natin? Aba,e lahi tayo ni David aba, dapat, marami rami. At saka siguro yung anak natin magiging kasing galing ni Solomon, marunong. Siguro yan ang kanilang mga plano sa buhay. Meron naman.

Bahagi ng pagiging kabataan ang magkaroon ng udyok para sa tatahakin sa buhay. Huwag nating papatayin ang energy, ang zeal ng kabataan na harapin ang kanilang buhay at ang kinabukasan. Kaya mga kabataan continue dreaming. Ang kabataan na hindi nangangarap naku po, hindi pa nga nagsisismula ang kabataan, nasa second childhood na. At tayong mga hindi na bata, kapag ang kabataan ay nangangarap, huwag naman ninyong, tumahimik ka dyan, walang mangyayari dyan. Inisip ko rin yan, wag mo nang pag-aksayahan yan. Hindi. Si Maria, kabataan mayroong plano sa buhya subalit kapag nangusap ang Diyos, huwag babalewalain ang tinig ng Diyos sa paghahanap sa direksyon ng buhay.

Tayo pong hindi na bata, tayo ang gumagabay sa kabataan, hindi sapat na sabihin natin, sige hanapin mo ang pangarap mo sa buhay. Kasama ng pag-gabay natin sa kanila ay ang pakikinig, ihanda natin silang makinig sa Salita ng Diyos. Makinig sa Diyos sapagkat sa bandang huli ang Diyos ang siyang magtatakda ng tunay na pakay ng ating buhay. Pakiusap ko sa ating mga kabataan, suriin ninyo, examinin ninyo. Kapag kayo ay nagdedesisyon, ang Diyos ba ay kasama sa inyong pinakikinggan? Pag kayo ay nagpa-plano, ano ang batayan ng inyong mga plano? Yun bang gusto ninyo o yung, yan eh, matagal ko na yang inaasam asam kaya  wag ninyo akong hahadlangan. O kaya, uy maganda yan eh, gusto kong bilhin yan, bakit? Ang ganda eh! Yun ba lang, papaano tayo gumagawa ng desisyon sa buhay? May papel ba ang Diyos? 

Ang dalagitang si Maria may plano sa buhay pero pag dumating ang anghel kapag dumating ang sugo ng Diyos at ibinigay ang misyon. Si Maria, una natakot. Nagtanong. Inamin niya hindi niya kaya. Papano yan, paano ako magiging ina, eh hindi pa nga kami nagsasama ni Jose. Hindi mayabang si Maria. Di niya sinabi,O kayang kayako yan, chicken feed yan. Gabriel tama ka, buti ako ang pinuntahan mo hindi yung ibang babae dyan, ako talaga, the best ako, the best. Hindi ganyan si Maria, mapagpakumbaba. Oo nga, naririnig kita pero how can that be, papano yan? At doon ang Espiritu Santo ang kikilos sa buhay mo. At hindi nag atubili si Maria. Ang kanyang plano naging pangalawa na. Ang plano ng Diyos ang mauuna. Siguro handa na si Maria, bye, bye Jose. At alam natin sa Ebanghelyo ni San Mateo, si Jose gusto narin hiwalayan si Maria. Pero sa plano ng Diyos pinagsama pa rin sila. Yung plano nila natupad din subalit iba na sa mas malaki nang plano. Hindi na plano lamang nila kundi plano ng Diyos.

Pero para mangyari yan sa kabataan tayong hindi na bata, papaano ba tayo nagdedesisyon? Tayo ba’y may energy para mangarap? Tayo baý nakikinig sa Diyos o bale wala ang Diyos sa mga desisyon natin sa buhay? 

Kay Maria, makikita natin ang halimbawa hindi lamang para sa kabataan kindi para sa ating lahat. Isang tao na laging handing making sa Diyos upang hindi ang kalooban ko lamang kundi ang kalooban ng Diyos ang syang matupad at kalooban ng Diyos ang gagawin kong pangarap ko. Ang hirap yan ho,mangangarap ako pero sa bandang huli ang pangarap ng Diyos ang gagawin kong pangarap hindi na yung akin lamang. Yung pangarap ng Diyos, yan na ang pangarap ko.

Alam nyo ba si Pope Francis ay nag-aaral, pagiging chemical engineer.Yan ang kanyang unang course e, Science. Nasa Sciences ang kanyang pangarap.E, pumasok ang Diyos. Pero tignan ninyo katulad ni Maria hindi naman natapos yung kanyang pangangarap pero yung pangarap ng Diyos ang kanyang ginawa. At walang nawala. Biruin ninyo, siya ay Santo Papa. Siguro nung bata siya hindi niya alam. Wala naman siyang pangarap na yun e. Pero kapag ikaw ay sumunod at naghanap sa pangarap ng Diyos, wow! 

Kayo po, mamaya, baka yung iba sa inyo mag-sho-shopping na. Nakaharap na kayo sa isang damit na bibilhin ninyo. Papano kayo magdedesisyon? Sasabihin nyo ba, bagay yan sa akin e, matagal ko nang gusto yan e. Dapat pakinggan ninyo ang anghel bago kayo bumili, mag-usap kayo ng anghel. Pangarap ba kayo ng Diyos na bilhin mo yan? Baka sabihin ng anghel, huwag. E di huwag. O baka naman sabihin niya bilhin mo pero hindi para sa iyo. Bilhin mo ibigay mo sa iba. E di bilhin mo pero huwag mong isusuot,ibigay mo sa iba. Hay naku po.

Mga kabataan na nandito masanay na kayo hindi yung basta gusto ko, gusto ko kasi e, gusto ko. Ano kaya ang gusto ng Diyos at making sa kanya. At kung kailangang mag adjust ng pangarap, mag-adjust. Ang pangarap ng Diyos ay higit pa kaysa sa ating mga mumunting pangarap.

At ikalawa po at dito ako magtatapos. Kung titignan po natin ang dalagtitang Maria na tinatawag natin sa kanyang taguri, Birhen ng Guadalupe. Sabi nila kung pagmamasdan natin,sa mata ni Maria, Birhen ng Guadalupe, makikita ninyo, ano? Ano ho? Ano nandun sa mata ni Maria? Sasabihin niyo, pilik mata. May sumasagot dito kanina, ano ho? Si Juan Diego. Kasi si Juan Diego yung kanyang kaharap di ba ho, kausap. At doon sa tela, tilma na kung saan naiwan yung larawan ng Mahal na Ina, kita natin pati ang larawan ni Juan Diego doon sa mata ni Maria. 

Mga kabataan, ano ang nasa inyong mga mata? Pag kayo kaya ang nalagay sa tilma, ano ang nasa inyong mga mata? Pero huwag na lang ang kabataan, tayo rin. Ano kaya? Naku! Baka pag nakita ang ating mga mata ang makita, barya. Kasi ang laging tinitignan ng mga mata, pera, pera, salapi, kwarta, pera. Iisa lang yun. Bakit ba ang mga mata yun lang ang tinitignan. Baka pag binuksan ang ating mga mata, makita doon mukha rin natin, yabang, sarili, kasi wala nang tinitignan kundi sarili. Hindi na nakakatingin sa kapwa. Hindi na nakakatingin sa mga Juan Diego na mga maliliit at mga naghihirap kasi ang tinitignan na lang lagi ang sarili, mukha, selfie. Self, self, self, self, self.Kaya’t saan bumaling, self. Pag tinignan ang ating mga mata. Ano kaya ang nandoon? Si Juan Diego kaya na mamahalin o tao na ibig lapastanganin, gustong yurakan. Yung iba ang mga mata, malikot para makita sino ang kanilang magagamit, maloloko, madudukutan, mapapatay.

Yang mga bag ninyo, nandyan pa ba? Sana po, sana tayong mga hindi na bata, magabayan natin ang pananaw, ang mga kabataan para kapag nasilip natin ang kanilang mga mata, makikita natin tulad ng matang dalagitang Maria ang nandon larawan ni Hesus dahil ang mata ni Maria laging nakatitig sa kanyang anak. Sana Makita natin ang mga larawan ng iba’t ibang Juan, Juana Diego ng ating panahon. Mga maliliit at simpleng tao na paglilingkuran. Mga kabataan, kamusta na ang inyong mga mata? Ano ang hanap niyan? Ano ang tinititigan niyan? Ano ang nasa mata ninyo?

Tama na. Kaya ito ho ang Misa ng alas dose kasi December 12, 12 o’clock. E baka abutin tayo ng alas dos hindi na dose no po. Pero simula lang ito sana ipagpatuloy ninyo ang pagninilay. Sa taon ng kabataan, ano ang ating matututunan kay Maria at iba pang mga kabataan sa Bibliya. Lahat po tayo magmalasakit sa kabataan. Hindi lamang sila ang kinabukasan, sila na po ang present. Bakit? More than 80% ng tao sa Metro Manila ay kabataan. Kaya ang quality ng kabataan, yan din ang quality ng ating lipunan at ng ating simbahan.Kaya mahalin natin sila, gabayan natin sila. Pakinggan natin sila at hanggang abot ng ating kaya makipaglakbay kasama nila upang tulad ni Maria, sila rin makapagsasabi, narito ang alipin ng Panginoon, maganap sa akin ayon sa wika mo.

Tumahimik po tayo sandali at tanggapin ang mensahe ng ating mga pagbasa at ng kapistahan sa araw na ito. (RCAM - AOC)

ENGAGE WITH US

Please, enter your name
Please, enter your phone number
Please, enter your e-mail address Mail address is not not valid
Please, enter your message
Copyright © 2017 Roman Catholic Archdiocese of Manila. All Rights Reserved.
Privacy Statement | Terms of Use | Disclaimer