Thursday, 06 December 2018 09:28

Launching of Year of the Youth


Homily delivered by Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle during the launching of Year of the Youth on December 2, 2018, at the Our Lady of Guadalupe Minor Seminary at 6:00 a.m.

Photo by Eric Paul Guanlao
Photo Gallery

Magandang umaga po sa inyong lahat. Tingin kau sa taas, ano nakikita nyo? Payong. Magbubukang liwayway na, nagbubukang liwayway na. Alam ko na lalo na ang mga kabataan puyat na kayo, pagud na pagod na kayo pero mabuti namang tapusin ang ganitong magdamagan na pagtitipon sa misa.

Ang misa ang ating karanasan na tayo ay pinapanibago, pinapanibago tayo ng Salita ng Diyos. Binubuo tayo muli ng Katawan ni Kristo para maging katawan ni Kristo. At nagpapasalamat tayo sa Diyos ang ating pagpapasinaya, ang ating inauguration ng Year of the Youth 2019 dito sa Pilipinas at dito sa ating Archdiocese of Manila ay nagaganap sa unang linggo ng adbiyento. Panahon ng paghihintay. Panahon ng pananabik.

Ang mata, ang puso ay nakatutok sa kinabukasan dahil may darating. At kayo mga kabataan pag nakikita namin kayo, kami na hindi na bata, ano ang nakikita natin? Nakikita namin ang isang kinabuuksan na kami mismo nananabik, ano kaya ang mangyayari? Ano kaya ang future kapag nakita ang mga bata? Ayan o, sa mukha pa lang niya nakikita ko na ang future, magiging maganda. Pag nakita mo yung mukha nung iba, kita mo na rin ang future. Mukhang future na aburido. Pag nakikita nyo si father Jade, ano ang future? Wala na raw future. Hindi meron. kayo ha.

Ang adbiyento ay punung puno ng espirituwalidad ng paghihintay na may saysay.  Ang buhay natin kalimitan naghihintay, pero parang walang patunguhan.

Sabi ko nga nung bata ako, nag-aaral ako sa Parañaque, sasakay ako ng bus o ng jeep pauwing Cavite, alam kong malapit na sa Cavite, kasi pag nandyan ka na sa may Bacoor, kahit nakakatulog ka sa jeep parang hinahampas ang iyung pisngi ng malamig na hangin. At kapag tag-ani amoy pinipig, nagbabadya gumising ka na, malapit ka ng bumaba, malapit na ang bahay.

Ngayon nakakatulog ka na sa jeep, pagdilat mo nandun kapa rin, hindi gumagalaw, traffic. Tulog ka ulit, naghihintay, pag gising mo pasko na. Kaya maraming tao ngayon ayaw na maghintay o kaya mag-hihintay pero wala nang espirituwalidad. Ang maganda sa advent hindi inaalis ang paghihintay, ang buhay ay laging may paghihintay. Pero ito ba’y paghihintay na mayroong saysay. At kung merong kahulugan ito’y paghihintay na mayroong kahulugan. Mayroong pananabik at talagang naghahanda ka.

Ang mga pagbasa natin ngayon parang nagpapahiwatig na mula pa noong panahon na Jeremias, mula pa noong panahon ni Hesus, mula pa noong panahon nina San Pablo, parang ang mundo pareho pa rin ang karanasan. Maraming pagsubok, maraming liwanag na nagiging madilim, maraming nakatayo na gumuguho, maraming inaasahan na hindi natututpad. Hanggang ngayon ganyan pa rin. Kaya ang tanong ng iba, maghihintay pa ba tayo? Meron pa bang saysay ang mangarap, parang telenovela. Mangangarap pa ba ako? Meron pa ba akong madadatnan?

Sa mga pagbasa natin lalo na sa Ebanghelyo, kapag nakita raw natin ang mga palatandaan na mukhang nakakatakot o kaya negatibo, sabi meron pang darating. Hintayin ninyo,pagkatapos niyan mayroong mangyayari. At yun ang mahalaga hindi yung tignan lang yung ang buwan wala nang liwanag, ang bituin nalaglag na, ang araw nagdilim na, ang mga bansa nagkagulu-gulo na, hanggang dun lang ang nakikita. Meron pang susunod, meron pang hinaharap, meron pa tayong hinihintay. At ano yun? Hindi bagay kundi someone, someone. The son of man will come. At yun ang paanyaya sa atin pag adbiyento habang tayo ay nabubuhay sa pang araw araw nating hinaharap, laging may future pero yung future na yun ay hindi something but someone. Our future has a name, Jesus. Ang ating hinaharap, ang ating kinabukasan ay may pangalan. Hindi ambisyon, hindi pagyaman, kundi si Hesus.

Do we want Jesus to be our future? Will we accept Jesus as my future? Nakikita ko ba kay Hesus ang kahulugan, ang saysay ng buhay ngayon at ng hinaharap na aking hinahanap? Nananabik ba ako na ang aking kinabukasan ay nasa puso ni Hesus? At ako ba ay naghahanda upang ang aking kinabukasan, ang kahulugan ng aking buhay ay kay Hesus ko matatagpuan?  

Yan ang pangako kay propeta Jeremias. Darating mula sa lahi ni David ang magbibigay ng katotohan at katarungan. Hindi basta katotohanan, hindi basta katarungan, kundi katotohanan, katarungan na dala ng anak ni David. Ang dami dyan naman kasing nagsasabi, ito ang totoo, ito ang katarungan, hanapin ninyo, kanino galing iyan, kay Hesus ba? Sa anak ni David ba?

Sinasabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, habang tayo’y nananabik sa pagbabalik ni Hesus, kung siya nga ang pinananabikan natin, anong mangyayari sa atin? Magiging katulad tayo ni Hesus puno ng pag-ibig, puno ng pagdamay sa kapwa at mabubuhay sa pamamaraang kaaya- aya sa Diyos at sa kapwa.

Itong Year of the Youth, tinatawagan tayong maging misyonero, misyonero ni Hesus, hindi basta misyon. Kasi sasabihin nung iba, ako may misyon sa buhay. Ano? Magpayaman. Teka, ang youth in mission ay youth participating in the mission of Jesus. Hindi yung basta kung ano yung gusto lang ng mundo na  ibigay sa atin. We are blessed and we will be empowered by Jesus. Kapag hindi si Hesus ang nagbigay ng lakas sa atin, hahanap tayo ng lakas, magiging bully pa nga eh. Pero yung bully hindi yan malakas sa lakas ni Kristo. Ang bully yan yang pinaka insecure na tao, tinatago yung insecurity kaya nagpapanggap, bully raw, mga bully. Duwag! Humanap ka ng lakas kay Hesus at hindi ka mambubusabos ng kapwa. Ang mga nambubusabos ng kapwa sa salita, sa isip at gawa, yan ang pinaka-insecure na mga tao sa mundo. Nagpapanggap lang yan. Pero ang tao na malakas kay Hesus, you can be calm. You can be humbly confident. You don’t need to brag. Bakit? Kasi kapit ka sa tunay na malakas, si Hesus.

Kaya ang kabataan na ang hinaharap ay si Hesus at ang kanilang kinakapitan ay si Hesus, ayan, you will be blessed, you will be empowered and you will be sent to make this world much better in the heart of Christ.

Kaya mga kapatid, kabataan, gising pa ba kayo? Kapag tinanong kayo, ano ang kinabukasan ninyo ang sagot niyo, si Hesus. Ano ang gusto mong mangyari sa kinabukasan? Matulad kay Hesus. Ano ang gusto mong gawin sa future mo? Ang ginawa ni Hesus. Magiging failure ang Year of the Youth kung hindi si Hesus ang sentro.

Tatapusin ko to sa kwento ng ilang kabataan na nakasama naming nagsalita sa inyo, nagbahagi, si Nichole, si Nikki, nagkasama kami sa Synod of Bishops sa Rome. At ang daming napag-usapan pero para sa akin ang pinakamalalakas na karanasan ay yung mga kwento ng kabataan.  Halimbawa, ung isang bata, kabataan, tiga Iraq, alam niyo naman ang Iraq, talagang sirang sira sa giyera. Kinukuwento niya tulad ninyo mga kabataan, nagkita kita siguro araw ng Sabado, siguro baka meron ding konting inuman, kung ano nag good time magkakasama tapos naghiwa- hiwalay na sila. Paano ba pag naghihiwalay hiwalay? Di ba, “O sige see you. Sige, magkita-kita tayo, see you tomorrow.”  O ganyan. Pero yung mga kaibigan niya nung pag-alis, sa kasawiang palad naging biktima ng suicide bomber. Yun bang mga nagpapasabog sa katawan nila. Kaya ang sabi niya, “I will not see them again.” Yung paghihiwalay na, see you, see you in the future. Sabi niya “hindi lagging nangyayari.” Pagkatapos niyang magkuwento, talagang halos madurog yung puso ko, hinanap ko yung bata tas kinausap ko tas sabi niya, “Pero we will meet again in Jesus”.  Hindi man magkita kita muli sa isang bar, sa isang restaurant, sabi niya, “magkikita muli kami, see you in Jesus.” And that gives the youth of Iraq much hope. Yung pagdagdag ng ngayon, see you in Jesus. Malaki na, malaki na ang kanilang nararamdaman na may pag-asa. 

Kaya itong taon na ito pakiusap ko sa inyo mga kapatid, maraming activities pero bawat activity  hanapin ninyo. Paaano ito uuwi sa mas malalim na pagkilala kay Hesus? Papaano ito uuwi sa pakikipagtagpo kay Hesus? Paano ito uuwi sa pagtulad kay Hesus? Papaano ito uuwi sa mas malalim na pakikipagkaibigan kay Hesus? At papano ito uuwi sa aking pakikiisa sa misyon ni Hesus? 

What is the future of the youth of the Archdiocese of Manila? Pag tinanong kayo diyan, that is the future? Correct them. Sabihin ninyo, hindi po iyan ang tamang tanong. Ang tamang tanong is, who is the future of the Youth of Manila. It is not what. It is who. And our future is Jesus. And see you in Jesus.

….dadagdag niyo iyun, see you in Jesus. Para kahit yung iba nasa Pasay, yung iba nasa Tondo, yung iba nasa Makati, kay Hesus nagkikita kita tayong lahat. Kay Hesus magkakaisa, kay Hesus may pag-asa, may kinabukasan.

Let us pause and commit our hearts, and the heart of the youth, the heart of this community to the one who will come.  He is our life. He is our future. He is our energy. He is our truth. He is our justice. He is our peace. Jesus. (RCAM/AOC)

ENGAGE WITH US

Please, enter your name
Please, enter your phone number
Please, enter your e-mail address Mail address is not not valid
Please, enter your message
Copyright © 2017 Roman Catholic Archdiocese of Manila. All Rights Reserved.
Privacy Statement | Terms of Use | Disclaimer