Friday, 24 August 2018 02:04

Message delivered by Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo during the Thanksgiving Mass for the 14th year anniversary of Pondo ng Pinoy at the Manila Cathedral on August 12, 2018, at 11 a.m.


Kagabi po nung kasagsagan ng ulan at hangin, may natanggap akong text message, “Bishop, tuloy ba bukas ang ating caravan?” At ang sagot ko sa text message, “Oo, tuloy, nakasakay naman kayo sa sasakyan. Hindi naman kayo mababasa.” 

Pero ang malalim pong dahilan ay sapagkat ang “Pondo ng Pinoy” ay tanda po ng katapatan, ng perseverance. So anumang panahon, tag-ulan man, tag-init, bumabagyo man o hindi tuluy-tuloy ang “Pondo ng Pinoy”. Kaya nga po tayo naka-14 na taon na dahil po rito. At alam niyo po ang mahirap sa “Pondo ng Pinoy”, ang ha… ang hamon sa Pondo ng Pinoy ay hindi yung bente-singko na ibinibigay. Madali lang naman magbigay ng bente-singko. Yung hamon ay yung araw-araw, palagian ‘no. ‘Yan ang pinakahamon sapagkat ang “Pondo ng Pinoy” ay hindi po fund-raising project kasi ang lahat ng fund-raising project ay may katapusan; pagpagpagawa ng simbahan, tapos na ang simbahan, tapos na ang fund-raising natin. |

Photo by Eric Paul Guanlao

Pero ito po ay sinabi nga ng ating mahal na Cardinal ay evangelization program, ine-evangelize tayo, ibig sabihin binabago tayo. Ano yung binabago sa atin? Na araw-araw po naiisip natin ang mga mahihirap at may ginagawa tayong kongkreto araw-araw kahit na bente-singko lang. So, hindi lang yung naiisip ‘no kasi pwede naman silang isipin araw-araw pero yung araw-araw may ginagawa tayong kongkreto kaya ibig sabihin binubuksan ang puso natin araw-araw; sa pagbibigay ng bente-singko. So, yun po ang ating “Pondo ng Pinoy”. Naging mahirap ba? 

Naramdaman niyo ba? Gumaan yung bulsa niyo dahil sa araw-araw na bente-singko na ibinibigay niyo? Gumaan ba ang bulsa niyo? Nahirapan ba kayo sa budget? Hindi naman siguro pero alam niyo po ngayong taon, dito lang sa Archdiocese of Manila, nakalikom tayo ng higit na 8 milyon. (CLAPS) ‘Yan po ay sa Archdiocese of Manila lang, isang taon lang ng pagbibigay natin ng patak-patak nang gano’n ni hindi natin naramdaman pero ang rami na pong natulungan niyan. 

Maraming napa-aral, maraming napakain, nabigyan ng gamot, nakapatayo ng bahay, nabigyan ng puhunan sa hanapbuhay dahil po sa hindi natin nararamdaman pero araw-araw nagpapatak tayo. Ano pa kaya kung mas marami ang magpapatak-patak? Sana maging leksyon sa atin itong tag-ulan. Yung ulan po, sa totoo lang naman, patak-patak na tubig yan. Hindi naman isang buhos na tubig, patak-patak yan. Ngunit patak-patak nang sabay-sabay at patak-patak nang palagian, bumabaha ang Maynila dahil sa patak-patak na ‘yon. So, gano’n din po sa atin sa “Pondo ng Pinoy”, kahit patak-patak lang kung lahat tayo at palagian, malaki po ang maitutulong. Pero ang “Pondo ng Pinoy” ay hindi lang pagbibigay nang patak-patak. 

Una po ‘yan po’y promotion, pino-promote natin sa iba. Kaya yung ginawa nating caravan kanina palagay ko maganda parang binulabog natin ang buong Archdiocese sa ating mga caravan na ipinakita buhay pa ang “Pondo ng Pinoy”. Labing apat na taon na tayo pero tuluy-tuloy sana ang ating promotion. At pagkatapos kasama ng promotion ay education. I-educate natin ang mga tao na magkaroon ng concern sa mga mahihirap, na magkaroon po tayo ng kongkretong ginagawa, educate natin sila na yan po’y mahalaga sa mata ng Diyos. Ang mga details ay mahalaga para sa kabanalan natin. Hindi yung mga big acts na paminsan-minsan lang naibibigay. Yung details ng araw-araw na paggawa yan po ang nagpapabanal sa’tin. Kailangan po natin ng education at ang resulta ng education yung patak-patak na ibinibigay natin. 

Pero may isa pa tayong programa diyan, kailangan natin ng projects kasi maraming mahihirap, maraming nangangailangan. May pera ang “Pondo ng Pinoy” pero kaunti po yung project natin. Tulad ng ngayon taon sa Archdiocese of Manila, may nakalaan po sa ating 3 million, allotted sa ating Archdiocese. May 3 projects lamang na na-approve. Ang halaga ay 800,000 lang. Hindi naman nasayang yung pera kasi yan ang hindi natin nagamit, nagamit ng ibang probinsya, nagamit din ng ibang dioceses pero marami ring mahirap dito sa atin kaya gumawa rin kayo ng project. May mga nagre-reklamo, ang hirap kasing gumawa ng project. Masyadong istrikto ang ating National Office. Natural istrikto sila kasi yan ay pera ng mga mahihirap. O kaya nga dapat pangalagaan na talagang tatama sa tulong sa mga mahihirap. Hindi nasasayang. Kaya chine-check yung project, maayos ba yan, nakakatulong ba talaga sa mahihirap yan, sino ba ang patutunguhan niyan, ano yung mga reports ninyo? Talagang hinihingi yan kasi yan ay pera ng mahihirap. Hindi pwede yang waldasin. 

So, ‘yan po yung apat na gawain ng “Pondo ng Pinoy”; promotion, education, yung patak-patak ng cramps, yung contribution at pagkatapos yung project. Kayong lahat na nandito kahit natag-ulan, thank you very much for coming. Sana kayo ngayon ay mga mensahero na ng “Pondo ng Pinoy”. Taga-pagpadala kayo sa inyo-inyong mga parokya, vicariato tungkol dito. Pwede kayong makasama kung saan man. Pwede kayong sa promotion, pwede kayong sumama sa education, pwede kayong sumama sa taga-bilang ng pera ‘no, taga-submit ng pera kasi marami rin problema natin. Mga bente-singko na hindi nabibilang sa inyong mga parokya ‘no kaya kailangan din natin ng taga-pangalaga sa ating koleksyon. At kailangan din natin ng taga-pangalaga sa project, gumawa ng project at magpatupad ng project. Kaya congratulations, susunod tayo next year, 15th year anniversary. Sana po next year, pagsikapan nating lahat na sa 15th year anniversary, kaya kaya nating maabot ang 10 million? Kaya kaya? Depende yan kung nagpo-promote kayo at nage-educate tayo, maaabot natin yung 10 million na ‘yon. Maraming salamat po sa inyong lahat. (CLAPS)

ENGAGE WITH US

Please, enter your name
Please, enter your phone number
Please, enter your e-mail address Mail address is not not valid
Please, enter your message
Copyright © 2017 Roman Catholic Archdiocese of Manila. All Rights Reserved.
Privacy Statement | Terms of Use | Disclaimer